CHAPTER 14: Goodbye
Maghahating-gabi na pero hindi pa rin dalawin ng antok si Trish. Alam niyang maaga pa siya bukas at kailangan na niyang matulog. Magaling na ang dalaga subalit bakit sa pakiramdam nito ay parang maysakit pa rin siya. Maysakit, masakit... hindi niya maipaliwanag. Marami ang nagpadala ng mga mensahe sa kanya para sa mabilis na pagpapagaling. May nagpadala ng bulaklak at mga pagkain. Karamihan ay mga kaibigan at ilang ka-opisina. Marami talagang nagmamahal sa dalaga. Subalit hindi lubos ang kasiyahan niya dahil wala sa mga ito si Stan. Ni mensahe o simpleng pagpaparing ng telepono ay hindi man lang nito ginawa. Hindi tuloy maiwasan ni Trish na magdamdam sa binata.
Nasan ba yung mokong na yon!. Sa planetang Mars ba ang site nya ngayon kaya hindi niya nabalitaan na may sakit ako. Nakakainis! Hindi man lang nagparamdam, himutok nito sa isipan.
E ano naman sa kanya kung nagkasakit ka? Bakit, doctor ba sya? Girlfriend ka ba nya? Huwag ka kasing masyadong umasa ng hindi ka nasasaktan! Assumera kasi e!, sita naman ng isang bahagi ng isipan ng dalaga.
“Grrrr.... Anu ba yan! Nakakabaliw!” bulalas ni Trish. Kinuha ang isang unan at itinakip sa mukha niya. Nang mahimasmasan ay kinuha nito ang kanyang cellphone. Binuksan ang phonebook at nagbrowse ng mga numero doon. Nang tumapat sa pangalan ni Stan ay huminto ito. Maraming naglalaro sa isipan ng dalaga.
Mag-message kaya ako sa kanya, binuksan ang message box pero wala naman maisip itype.
Tawagan ko na lang kaya. Ano namang sasabihin ko? Hay naku! Bahala na nga!
Binuksan muli ni Trish ang message box at nagsimulang magtype doon.
Nang mga oras na iyon ay gising na gising pa rin si Stan. Nakasandal ito sa kanyang headboard. Hindi pa rin siya dalawin ng antok. Marami kasing tumatakbo sa isipan ng binata. Nakatingin ito sa kawalan habang nilalaro-laro ng kanang kamay ang cellphone nito. Kanina pa niya ito hawak.
Hanggang ngayon ay iniisip pa rin niya ang mga sinabi ni Jeric. Nalilito ang binata kung ano ba ang dapat pakinggan. Ang dikta ng kanyang isip o ang tinitinibok ng kanyang puso. Gusto niyang tawagan si Trish at pakinggang ang boses nito, subalit wala siyang maisip sabihin sa dalaga.
Nasa ganung estado ang binata ng magring ang telepono nito. Private number ang rumehistro dito.
“Hello?” si Stan. Boses ng babae ang nasa kabilang linya. Hingal na hingal ito at mukhang umiiyak. Garalgal ang boses nito ng magsalita.
“S- stan?” tawag nito sa binata sa pagitan ng mga hikbi. “Please, tulungan mo ‘ko.... h-hindi k-ko na kaya...,” pagsusumamo nito sa pagitan ng mga hikbi. Wala itong tigil sa pag-iyak at mukang hinihingal pa mula sa pagtakbo.
“Dianne!” tawag nito sa nasa kabilang linya ng makilala ang boses ng babae.
“Stan, please... a-ayoko n-na...”, pagsusumamo pa ulit nito.
“Asan ka? Pupuntahan kita dyan!” halos hysterical na rin ang boses ni Stan. Alam niyang nasa kapahamakan ang kaibigan. Napag-alaman ni Stan na sa isang payphone pala tumatawag ang dalaga. Mabilis itong kumilos at sumakay sa kotse nito. Hindi na ito nakapag-paalam pa sa mga magulang.
Tatlumpong minuto na ang nakakaraan ng ma-isend ni Trish ang mensahe nito kay Stan pero wala paring reply ang binata. Naiinip na si Trish kasa naglakas loob itong tawagan si Stan. Panay lang ang ring ng telepono nito at hindi sumasagot. Inulit ni Trish ang pagdayal sa pangalawang pagkakataon subalit ganun din ang naging resulta.
Ayoko na nga! Nakakainis!, at nagpasya na lang matulog si Trish.
Humahangos ang magnobyong Cris at Gwen habang naglalakad sa lobby ng ospital. Nang makatanggap ng tawag mula kay Stan ay kaagad nagpunta ang dalawa. Galing pa sa isang photoshoot si Gwen. Nagpaalam lamang ito at sinabing may emergency. Matapos makapagtanong sa receptionist ay tinungo na agad ang private room ng kaibigan.
