Masakit na Kaibigan

646 5 0
                                    

Wala ng mas sasaya pa sa tuwing nakikita kong naguumapaw ang iyong kaligayahan. Heto ako, umaasang ako ang dahilan. 
Ngunit aking naalala, isa nga lang pala akong kaibigan. 
Isang kaibigan, na lagi kang dadamayan.

Oo, aaminin ko, umasa akong magiging tayo. 
Pero may naalala nanaman ako. 
Naalala ko nanamang, kaibigan mo nga lang pala ako. 
Mahal, marami akong gustong sabihin sa'yo. 
Pero hindi ko alam kung paano ko sisimulan 'to.
Pero handa akong tanggalin lahat ng kaba na nadarama ko para lamang masabi ko 'to sa'yo.

Sa bawat pagpatak ng segundo sa aking relo, 
Katumbas nun ang sakit na dulot mo. 
Oo mahal, ikaw ang dahilan nito. 
'Yung pagsabi mo pa lamang na mahal mo s'ya sa akin, ay durog na ako.

Ba't mo ba kasi kailangan pang sabihin? 
Heto tuloy ako, hindi alam ang gagawin. 
Tila ba napaisip ako kung patuloy pa rin ba kitang iibigin. 
Sobrang sakit kasi ng ginawa mo sa'kin.

'Wag kang magalala mahal, hindi naman kita sinisisi. 
Alam ko namang hindi mo alam na ikaw ang dahilan ng aking pag-hikbi. Okay na akong malamang minsan akong naging dahilan ng iyong mga ngiti. Pero alam kong hindi na maibabalik pa ang dati.

Oo, oo, ako na ang tanga! 
Eh anong magagawa ko, ikaw talaga! 
Kahit na anong pilit kong hindi na kita mahal, hindi ko talaga kinakaya. Kahit na anong pigil ko sa aking mga luha, hindi pa rin sila tumitigil sa pag-agos mula sa aking mga mata. Hindi ko na kaya. 
Sobrang sakit na. 
Bakit ba kasi ako umasa pa? 
Bakit ba kasi ang tanga ko para magmahal ng sobra sobra? 
Bakit ba kasi ikaw pa?
Eh pwede namang iba. 
Mahal, parang hindi ko na ata kaya.

Hindi ko alam kung ako yung mali. 
O sadyang bingi ka lang para hindi marinig. 
'Pag kausap kita, pakiramdam ko ako'y kinakabag. 
Pero ayun, ikaw pa rin ay bulag. 
Hindi mo pa rin makita, kasi s'ya lang talaga. 
Hindi mo ako napapansin, kasi nga isa lang akong kaibigan. 
Isa lang akong kaibigan, samantalang s'ya, s'ya ang iyong napupusuan.

Oo, alam ko. 
S'ya muna, bago ako. 
Kasi nga 'diba, kaibigan mo lang ako? 
'Di hamak na mas may karapatan s'ya sa'yo. 
Kaya ako, eto ngayon sumisilay mula sa malayo. 
Naghihintay na mapansin mo. 
Pero ayun, ngayon ay nasisilayan ko. 
Kung paano kayo magkaroon ng sariling mundo. 
Sa kung paanong parang walang ako sa mundo n'yo. 
Pero ayos lang kaibigan, nauunawaan ko. 
Hindi ba't sa simula pa lamang, ako na itong palaging umiintindi sa'yo? 'Wag kang mangamba mahal, sanay na sanay na ako.

May ilang bagay akong palaging naiisip. 
Ano bang mali sa akin? 
Ano bang meron s'ya, na wala sa akin? 
Ano bang kaya n'yang gawin, na hindi ko kayang gawin? 
Bakit ba hindi mo ako kayang ibigin? 
Kasi mahal, pakiramdam ko, hindi na gumagana ang puso ko sa sobrang bigat ng aking damdamin.

Siguro sa tamang panahon, mawawala na rin. 
Lahat ng sakit na dinulot mo sa akin. 
Pero ang alaala mo sa'kin, mahal, ay hindi ko magagawang limutin. Sana sa akin, ganun ka rin. 
Sana kahit na iba na ang laman ng puso mo, ako'y maalala pa rin. 
Kasi kung ako'y iyong tatanungin, ika'y aking sasagutin. 
At ito ang aking sasabihin, "kaibigan, ika'y mahal pa rin."

A Spoken PoetryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon