SA LIKOD NG MGA LETRA

599 1 0
                                    

Paano nga ba gumawa ng tula?

May nakapagsabi sakin na upang makagawa raw ng tula ay kailangan mo munang sugatan ang isang makata. 
Sabi rin nila na ang sugat na ito ay naglalabas hindi ng dugo na karaniwang nakikita, kung hindi ang likidong itim na kung tawagin ay tinta.

At kahit na ako'y makata, hindi ako naniniwala dahil kahit ilang beses na akong nasaktan ay alam ko na dugo parin naman ang nananalaytay sa aking katawan,
Dugo parin ang magpapatibok sa puso ko kahit na ito'y maging sugatan.
Dahil sayo.

Sabi pa nila, upang mas maging malalim raw ang pagkakagawa ay paulit-ulit mo siyang pahirapan, 
mas mainam raw kung ia-asinta mo ito sa kanyang dibdib dahil mula rito ay madaling namumuuo ang pait,
Ang pait,
na syang puhunan ng sakit, 
At mga salita na s'yang magbibigay rikit,
sa isang tula.

At kahit na ako'y makata, hindi parin ako naniniwala, sapagkat ang lahat ng aking tula ay ukol sa masasayang ala-ala.
At karamihan dito'y ala-ala nating dalawa.
Diba?

Kaya't paano nga ba gumawa ng tula?

Tulang nagpapalabas ng kung ano mang pwersa ng emosyon,
Tulang pumipihit pabaliktad ng kung saan mang direksyon.
Tulang tumutukoy sa bawat kiliti, maging sa pighati. 
Ano nga ba, ang mga istorya na s'yang nakahimlay sa likod ng mga letra?
Ano nga bang mga lihim ang nakatanim sa bawat pantig, kuwit at pananda?
Ano nga bang klase ng mahika ang nagtatago sa bawat tugma?

Kailangan ba talagang masaktan ang isang makata? 
Upang makagawa lamang ng isang simpleng tula?
Hindi ba't papel at lapis ang tunay na armas,
At hindi ang tintang patuloy na lumalabas?

Lumalabas sa sugat na inukit mo,
Sinaktan mo ang makata sa loob ko,
Ginising sa kalagitnaan ng panaginip na ito,
At ang hapdi sa kaibuturan ay siniklaban mo.
Ang bawat sakit ay salita ang katapat,
Salita na bubuo sa mensaheng nais na ilapat.

Ngayo'y alam ko na ang dahilan nito,
Hindi ko matiyak kung paano at ano,
Gulong gulo ang utak sa pwersa ng emosyon,
Nagkahalo halo narin ang sistema't nawalan ng direksyon,

Batid ko kasing mga salita lang ang pwedeng paglaruan,
Hindi ko man lang naman naisip ng marahan,
Na kahit ako pala ay pwedeng masaktan.
Ngayon alam ko na ang dahilan,
Alam ko na.

Paano nga ba gumawa ng tula?
Kailangan nga bang saktan ang isang makata?

Dahil sinta, kung tula lang rin pala ang nais mo,
sana'y sinabihan mo nalang ako.

A Spoken PoetryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon