WALA NA, TAPOS NA TAYO

579 3 0
                                    

Magsisimula ako sa umpisa. Ang bawat mensahe, ang bawat liham, ang bawat salita na sinabi nating dalawa ang nagsilbing laman ng bawat pahina. Pahina ng librong binuo nating dalawa nang magkasama. Librong nagsasaad ng lahat ng napagdaanan natin sinta. Napagdaanan, malungkot man o masaya. Mga bagay na kailangan nang ibaon dahil mananatili nalang ang mga ito bilang ala-ala.

Wala na, tapos na. Nagmistulang manipis na pahina ang puso kong durog na. Nagmistulang malulungkot na ulap ang aking mga mata. Hagulgol, hikbi, pagtangis, pagluha. Lahat nagawa ko na. Sinubukan ko na ring yakapin ka at wag nang pakawalan pa ngunit pilit kang nagpupumiglas. Sinubukan ko na muling hulihin ka, ngunit pilit kang tumatakas. Sinubukan kong hanapin ka, ngunit wala ka na at ang naiwan lang sa akin ay ang puso kong durog at mga ala-alang nagmistulang mga bakas.

Nagsimula ang ating kwento sa ikaw at ako hanggang sa napag isa tayong dalawa at nabuo ang salitang tayo. Tayo na lagi mong binabanggit sa bawat mensahe at mga liham mo. Tayo na humantong sa ganito. Naging kabaliktaran sa lahat ng nakasulat ang nararamdaman mo na ang tayo ay babalik muli sa ikaw nalang at ako.

Nanginginig ako habang pilit na pinagtatagpo ang papel at panulat na hawak ko. Hindi ko alam kung anong mangyayari pagkatapos nito. Hindi ko alam kung makararating pa sayo ang tulang binuo ko.

Bumuo ako ng tula matapos mo akong sirain. Binuo ko ito upang ibuhos ang lahat ng nasa damdamin. Binuo ko ito mahal, para ipa-alala sa iyo na pilit akong kumapit sa atin ngunit mahirap pala.

Mahirap humabol ng taong pilit na tumatakbo palayo. Mahirap kumapit sa taong matagal ka nang binitawan. Mahirap limutin ang mga ala-alang inukit mo sa puso ko.

Dito na ata magtatapos ang tulang ito. Ang libro nating dalawa na isasara ko. Iiwanan ang huling pahina at hihinto. Titigilan ko na ang kalokohang ito kaya sana'y tigilan mo na rin ako. Ang aklat na binuo nating dalawa ay sisindihan at hahayaang maging abo. Katulad nang ginawa mo sa puso ko noong pinili mong lumayo. Wala na, tapos na tayo.

A Spoken PoetryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon