Huling Tula, Huling Paalam

914 1 0
                                    

Tahimik na nakaupo sa gilid ng silid,
Iniisip ang bawat saglit
Nang narinig ang awiting kanlungan
Tumatak ang mga lirikong "pana-panahon ang pagkakataon, maibabalik ba ang kahapon?"
Pakiramdam ko ang puso ko'y nilalamon
Ayoko pang lumisan sa ating mga kahapon

Ako ay iisang simpleng makata 
Mahilig sa mga tula at talata
Masakit, mahirap, nakakakaiyak
Ganyan ang mga hikig ko
Babalikan ang nakaraan, at
Patuloy na binabagtas ang kasalukuyan

Ilang beses na ring nakapagsulat
Ngunit pakiramdam ko'y
Ito na yata ang pinakamabigat sa lahat
Ang huling tula,
Huling tulang isusulat ko.
Ang huling tula para sa huling paalam.

Maaari ba tayong bumalik sa umpisa?
Nais lamang balikan kung paano tayo nagsimula
Sa kung paano nagkakonektado ang mga pusong nakakandado
Sa kung paano tumamis ang mga mapapait na ngiti
Sa kung paano iminulat ang mga matang matagal ng nakapikit
At sa kung paano naghawak-hawak ang ating mga kamay sa pag-abot ng tagumpay

Sa ating pagsisimula
Lahat ay nagsimula sa wala
Walang nagpapansinan, walang pagkakakilanlan
Ni hind naisip na sa dulo ay may nabubuong samahan na may kaakibat na pagmamahalan
Kung tawagin ay "pagkakaibigan"

Sa ating pagpapatuloy...
Maraming bukang liwayway ang nasaksihan
Tanghaling tapat na naramdaman
At dapit hapon na inabangan
Sinubok ng dyablo ang pagkakaibigan
Binitbutvang bawat kaliwanagan sa kadiliman
Nagsimula sa mga asaran, nagkapikunan
Hanggang sa nagbunga ng di pagkakaintindihan
Umabot sa isa, dalawa, tatlo
Apat, lima at anim na buwan ng di pagpapansinan
Nabalot ang bawat puso ng galit, inis, poot at kasakiman
Na dapat ay nababalot ng pagmamahalan.

Patuloy sa pagbabagtas
Marami ang natinik, nadurog, nasugatan at nahulog sa mga bitag
Marami ang nasaktan a nahirapan
Hindi naman kasi ganun kadaling tanggalin ang mga tinik,
Buuin ang mga nadurog,
Gamutin ang nga sugat
At tumayo
Kahit na alam mo kung paano tumayo. 
Hindi madali,
Hindi naging madali ang lahat.

Kung ating iisipin,
Hindi pa rin sapat ang bilang ng mga alpabeto 
Kung ikukumpara sa pasakit at gulo
Nabalot tayo ng kadiliman
Ngunit niyakap tayo ng kaliwanagan
Bakit?
Dahil ito sa ating pagmamahalan
Ang nabuwag na samahan
Muling nagsama-sama
Nagkaroon ng mas matibay na pundasyon at masayang relasyon.

Ito na ang huling tula
Ang huling tulang isusulat ko para sa inyo
Ang huling tula sa huling paalam.

Sandaling oras nalang,
Palapit na ng palapit
Pasikip ng pasikip ang dibdib
Na sa bawat saglit na aking iisipin 
Na tayo'y magkakahiwalay na
Pakiramdam ko'y hindi ko ito makakaya.

Alam kong tapos na,
Ngunit sa puso ko'y tumatakbo pa.
Alam kong dapat tama na,
pero nais kong manatili sa mali pa
Ito na ba ang huli?
O ang katapusan?
Nananalangin kay bathala
Na sana'y madagdagan pa
Ang mga masasayang alaala 
Na panghabambuhay sa ating mga memorya.

Sumapit na ang ating pagtatapos
Sana ang samahan ay hindi rin matapos
Ating isipin na ang pagtatapos na ito 
Ay may biyaya para sa atin
Dahil sa wakas, napapalapit na sa bituin.

Ito na ang wakas,
Ang pagwawakas ng paghihirap.
Naipanalo na natin ang laban
Nakipagsuntukan sa mga kuwaderno at papel
Nakipaglaban sa kahirapan.

Pagmasdan ang mga paa,
Mga paang tatapak sa entablado
Ang mga kamay na kukuha ng sertipiko
Ang mga labi na ngingiti sa camera
Ang mga leeg na sasabitan ng medalya
At ang mga pusong puno ng kagalakan
Ang sandata sa panibagong laban.

Ito na ang huling tula sa huling paalam,
Ang paalam sa mga sakit 
At hindi sa mga ngiti
Ang paalam sa mga hirap
At hindi sa saya
Ito na siguro ang pinakamabigat sa lahat
Ang pinakamasakit na paalam
Ngunit ito ang paalam na magbibitbit sa ating mga pangarap
Taglay ang karunungan, karanasan
At pagmamahal na gabay ng mga kaguruan
magulang, kaibigan
At ng panginoon.

At sa huli,
Natutuwa ang simpleng makata
Dahil kayo ang insipirasyon
Sa simula,
Gitna,
At sa wakas.

A Spoken PoetryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon