KALIWA O KANAN. ALING DAAN ?

608 1 0
                                    

Mula sa kawalan, 
Nakakita ako ng dalawang daan. 
Dalawang daan na hindi ko alam kung para san,
Kaya akin itong pinagmasdan, inusisa't inobserbahan.
Nasa palad ko ang dalawang daan,
Ang Dalawang daan na dapat ko nang pagpilian.
At ngayon na nga ang oras para pumili. 
Oras na para pumili sa pagitan ng tama at mali. 
At sisimulan ko nang timbangin at hanapin ang daang para sa akin.

Kapag tinahak ko ang daang nasa kanan, 
Wala akong matatapakan, hindi ako mahuhusgahan.
Hindi ako magmumukhang makasalanan sa mata ng simbahan at ng lipunan,
Dahil ang daang nasa kanan ang dapat ko talagang daanan.
Ang daang nasa kanan ang tinakda ng May Kapal para sa akin mula pa nung ako'y isinilang dito sa mundo natin.
At ito rin naman ang daang aking tinatahak,
Dahil sa takot na mapahamak.
Mapahamak sa isip ng mga taong nanghahamak ng mga taong kaliwang daan ang tinatahak.

Kapag tinahak ko ang kaliwang daan,
Ako'y mahuhusgahan,
Ang pagkatao ko'y mayuyurakan dahil magmumukha akong makasalanan sa mata ng simbahan at ng lipunan. 
Pero hindi nyo ba alam na ako'y labis na nahihirapan? 
Ako'y labis na nahihirapan sa pagpili ng landas na dapat kong dadaanan.
Dahil di ko naman ginusto na magkaganito. 
Hindi ko naman ginustong malagay sa sitwasyong ito. 
Pero gulong-gulo na ako.

Oras na siguro para hubarin ang maskarang suot ko. 
Oras na siguro para punitin ang damit at pagkataong sinuot ko para itago ang tunay na ako. 
Oras na siguro para aminin sa mundo kung sino at ano talaga ako kahit husgahan at itakwil man ako nito. 
Buo na ang loob ko,
Handa na akong mahusgahan ng mundo!
Pero ilang segundo bago tuluyang maging kongkreto ang desisyon ko, 
May bumulong sa isip ko. 
May bumulong na muli kong pag-isipan ito,
Kaya gulong-gulo parin ako. 
Mabuti nalang sigurong tahakin ko ng sabay ang dalawang daang ito. 
Mabuti nalang sigurong itago ang sarili ko sa kung ano ako dapat sa paningin ng lipunang ito,
At maghihintay ng tamang panahon para ito'y mapagtagumpayan,
O ng tamang panahon para maging handa na mahusgahan ng mapanghusga nating lipunan.

A Spoken PoetryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon