MINAHAL KO ANG TAONG 'DI PA TAPOS MAGMAHAL NG IBA

910 3 0
                                    

Ang piyesang ito ay para sa mga kagaya kong minsang nagmahal- minsan nang sumugal, sa taong hindi pa tapos magmahal. ---

Mahal, mag-uumpisa ako sa kung saan at pano tayo unang nagtagpo.
Alas kwatro ng hapon, pauwi na ako non.
Tatlong pasahero na lang at lalarga na si manong.
Tatlo, dalawa, isa. 
Hanggang sa napuno na nga, dahil sumakay ka. 
Umupo ka sa may tapat ko. 
Pinagmasdan mo ako at ganon din ako sa 'yo. 
Tumagal ang pagtingin mo, kaya umiwas na ako. 
Dahan-dahan na ngang umandar ang jeep na ating sinasakyan.
Dahan-dahang lumalayo sa ating pinagmulan.
Hudyat na malapit na tayo sa ating pupuntahan.
Malapit na ako,
Kaya naisipan ko nang magbayad at ipaki-abot ito, "Makikisuyo po,” 
At sinapo mo ang mga baryang hawak ko. 
Papalapit na ako lalo.
Hanggang sa sinabi ko na ngang, “Para, dito na lang po”.
Ayoko pa sanang bumaba sa may kanto, ayoko ng bumaba hangang nandiyan ka sa tapat ko.

Lumipas pa ang mga araw at nagkita ulit tayo.
Sa harap ng school namin, don ka nakatayo.
Lumingon ka at nakita mo 'ko.
Nakita ko pa ngang tinuturo mo ako sa mga kasama mo.
Para bang tinatanong mo kung sino ako.
Natawa na nga lang ako, tila lagi tayong pinagtatagpo.
Bakit kaya, baka destiny na 'to? 
Linggo pa ang lumipas, at nahanap mo na nga ako sa wakas!
Nagtatalon ako sa tuwa nung makita ang friend request mo.
Inaccept agad kita, at nagwave ka nga.
Nag waveback ako.
Sagot sa wave mo na “Humanda ka lalandiin kita.”
Oo sige! Landiin mo 'ko!

D'yan na-
Diyan na lahat nag-umpisa.
Lumipas pa ang mga gabi,
Na hindi mawala ang ngiti sa aking mga labi.
Dahil kausap kita.
Sa wakas nakahanap na ako ng taong palaging nandiyan.
Na handa akong pakinggan at samahan.
Sa dalas nating mag-usap.
Lahat na ata alam ko, at lahat 'yon aking tanggap.
Tinanggap kita, dahil p*ta!
Mahal na yata kita.

Minsan na-ikwento mo sa akin na iniwan ka,
Kaya ayaw mo na ulit maranansan ang maiwan mag-isa.
Mahal sabi ko sa 'yo, hindi ako kagaya niya,
Na iiwan ka para sa iba.
Iba ako sa kanya.
Kaya sana ako na lang, 
Ako na lang, 'wag na ulit siya.

Nagdaan pa ang mga araw mas madalas na tayong magkita at magkasama. 
Minsan pauwi na tayo,
Alas singko na ng hapon,
Parang nung una lang pero may bago na ngayon.
Hindi na ako mag-isang sasakay sa jeep ni Manong.
May kasama na ako.
Magkatabi na tayo.
Habang hinihintay nating mapuno ang jeep na sakay natin,
Hindi ko maiwasang hindi sa 'yo mapatingin.
“Salamat.” 'y ang aking nabanggit.
Ngumiti ka at hinawakan mo ang kamay ko ng mahigpit.
Tila takot ka na sa 'yong pagpikit, ako’y bibitaw sa iyong pagkapit. 
Ang saya. 
Sobrang saya.
Sa sobrang saya, natakot ako bigla.
Baka bukas wala na, 
Baka bukas wala ka na.
Wala na ‘to.
Itong ganito.
Pero dahil mahal kita,
Susugal ako.
Susugal ako kahit hindi sigurado.
Kahit hindi siguradong ako na ang mahal mo.

Nang mapuno na ang jeep umandar na ito.
Kasabay ng pag-ikot ng gulong-
At ng busina ni manong.
Ang hangin dahan-dahan ng tumama sa balat ko.
Talaga ngang malapit na ang Pasko.
Kumuha ka ng pera sa pitaka mo,
Sabay sabi na, “Ako na magbabayad nito.”
Magrereklamo pa sana ko, kaso sabi mo magtatampo ka 'pag umangal pa ako. 
Pinanood kitang iaabot ang bayad kay Manong.
“Ilan to?” 'an ang kanyang tanong.
“Dalawa po.” sagot mo rito.
Napangiti na lang ako. 
Ang saya naman ng ganito.
Hindi na talaga ako mag-isa, salamat mahal andito ka na.
Sa sobrang saya ko,
Muntik ko na ngang makalimutan na bababa rin pala ako-
Magkakahiwalay din nga pala tayo.
Natatanaw ko na ang paradahan-patungo sa aming tirahan.
Tanda na malapit na akong bumaba.
Nakakalungkot bakit kailangan pa-
Bakit kailangan pang bitawan kita?
Bakit kailangan ko pang ulit mag-isa? 
Nahalata mo siguro na bigla akong nag-iba.
Na nawala ako sa timpla.
“Wag ng malungkot ha, ingat ka.”
Sabay pisil sa aking mukha.
Ngumiti na lang ako kahit na nalulungkot ako.
May susunod pa naman sa isip isip ko.
“Para na.” kailangan ko ng bumaba.
Kaya kahit may duda, magtitiwala at hindi mangangamba.
Na baka bukas makalimutan mo ako dahil sa amnesia-
At bigla mo na lang balikan siya.

Nagdaan pa ang mga araw at masaya pa naman.
Hanggang sa.. 
Bumalik siya.
Kasabay non ang unti-unti mong pagkawala.
Kaya tinanong kita, “Ano ba, ako ba o siya?”
Pero nanatili kang nakayuko,
Habang dahan-dahang umiiling-
“Gusto ko lang marinig mula sa 'yo, 'yun lang ang aking hiling,
Siya ba o ako?"
“Sorry.” 'yan lang ang nasabi mo, 
Hudyat ng aking pagkatalo at pagsuko.

Hindi pa rin pala ako.
Bakit nga ba kita papapiliin kung sino? 
Eh kahit kailan hindi naman naging ako.
Siya lang,
Kahit nandito ako.
Siya pa rin,
Hindi mo 'ko kayang mahalin.
Dahil sa kanya ka lang nakatingin.
Sa kanya lang.
Pero mahal, bakit hinayaan mong mahalin kita? 
Kung alam mo namang hindi ka pa tapos sa kanya!
Bakit hinayaan mo akong kumapit? 
Kung alam mong hindi ka pa bumibitaw at nanatili ka pa ring nakakapit? 
Bakit hinayaan mo akong mahalin ka? 
Kung alam mong mahal mo pa siya!

Sana hindi na lang kita nakilala.
Kung kagaya niya magiging isa ka lang ring alaala.
Kaya sa susunod sa susugal, magtatanong muna.
“Tapos ka na bang magmahal kasi kung hindi pa, pwedeng 'wag na muna!” 
Dahil masakit,
Sobrang sakit.
Masakit magmahal ng taong hindi pa tapos magmahal! 
Mahirap kalimutan ang hindi pa nasisimulan!
Mahirap sumuko ng hindi mo manlang nasubukang lumaban!
Kaya sa susunod alam ko na, meron na akong natutunan.
'Yon ay magtanong muna, kung tapos ka na ba don sa nauna.

A Spoken PoetryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon