Part 5

815 43 7
                                    

NAPATINGIN si Xien sa cell phone na nasa kamay ni Jadd. Nasa balkonahe siya ng kubo nito sa Owl Village. Tatlong araw na siya sa bagong lugar. Pagdating ng sunset hanggang magdilim, naroon lang siya sa balkonahe—pinapanood ang paglubog ng araw at ang pagkalat ng dilim. Sa tatlong araw na dumaan, nakakatulog na lang siya na wala si Jadd. Wala siyang ideya sa mga lakad nito at hindi rin niya balak na mag-usisa. Kung mayroon man siyang impormasyon na gustong malaman, tungkol lang sa pamilya niya.

Mula sa cell phone, umangat ang tingin ni Xien kay Jadd.

"Baka gusto mong gamitin," sabi ng lalaki na umupo sa tabi niya. "Parang sobrang miss mo na si Abby. Three days ka nang laging nakaupo dito."

"Sino'ng may sabi?" balik niya. Wala naman si Jadd sa mga oras na tulala lang siya sa balkonahe. Paano nito nalaman na lagi siyang nandoon sa tatlong araw na nagdaan?

"Mga kaibigan ko ang nasa village, Xien," sabi ni Jadd at tumingin din sa dilim. "Makakarating sa akin kahit mga simpleng balita lang."

Kinuha na ni Xien ang cell phone. Memorize niya ang numero ni Nirvina. Hindi niya gusto na tuwing tatawag ay maghahanap pa siya ng maliit na papel na iniwan nito. Gusto niyang kahit saan, puwede niyang tawagan ang babae basta may cell phone.

Nag-dial si Xien. Nag-ring ang kabilang linya pero walang sumasagot. Naka-tatlong redial siya, wala pa rin.

Nag-text siya.

Xien 'to. Musta si Abby?

Walang tatlong minuto pagka-send niya ng text message, nag-ring ang cell phone—numero ni Nirvina ang tumatawag.

"Hello?" iyon na lang ang nasabi ni Xien. Si Nirvina na ang nagsalita na parang nagmamadali. Ligtas daw si Abby at magsisimula na sa trabaho sa susunod na linggo. Wala raw siyang dapat ipag-alala. Magpapalit daw ito ng numero kaya ibigay na lang niya ang contact number kung saan siya nito mate-text o matatawagan. Mas ligtas daw na huwag na muna silang mag-usap para walang makaalam na may alam siya sa kinaroroonan ni Abby.

Walang cell phone si Xien kaya wala siyang maibibigay kay Nirvina. Napatingin siya kay Jadd. "I-save mo na lang muna 'tong number," sabi niya sa kausap.

Nagpaalam na agad si Nirvina. Inabot ni Xien kay Jadd ang cell phone. "Salamat. Pina-save ko ang number mo. Magpapalit daw siya ng number, eh."

Tumango lang si Jadd. Inabot nito ang gadget at iniwan na siya. Pumasok ang lalaki sa kubo. Hula niya, magpapahinga ito, Pero ilang minuto lang, nakaamoy si Xien ng iniihaw.

Napangiti siya. Hindi pala magpapahinga si Jadd. Naghahanda pala ng hapunan.

"Girlfriend!"

Biglang nawala ang ngiti ni Xien sa boses ni Jadd. Hindi man nakita ang sarili, ramdam niyang namilog ang kanyang mga mata. Agad siyang bumaba ng kubo at pinuntahan ang pinagmulan ng boses ni Jadd—sa likod ng kubo. Naroon ang lalaki, ang sarap ng upo sa lupa habang nagpapaypay ng iniihaw na isda at karne.

Umangat ang sulok ng bibig ni Jadd nang magtama ang mga mata nila. "Magsaing ka na," sabay ngisi. "Baby ko!" Tumingin ito sa isang direksiyon, may mga taong palapit sa kubo nila.

Hula ni Xien, mga kasamahan ni Jadd sa grupo. Sa tatlong araw na naroon na siya, iyon ang unang beses na may ibang taong lumapit sa kubo nito.

Sasagot sana si Xien pero naalala ang kapalit ng pagtira niya sa kubo. Tahimik na lang siyang tumalikod para sumunod sa utos ng "boyfriend."

Hindi na siya lumabas habang kausap ni Jadd ang mga bagong dating, na nakita niyang tatlong matatangkad na lalaking nakaitim din lahat. Nasa kusina lang siya ng kubo pero wala siyang narinig na pag-uusap.

Paglabas ni Xien para sabihing luto na ang kanin, mag-isa na lang si Jadd at para sa kanilang dalawa na lang ang iniihaw nito. Napadaan yata ang mga kaibigan nito dahil sa bango ng inihaw.

Sabay silang naghapunan ni Jadd, hindi sa loob ng kubo kundi sa likod-bahay pa rin. Inilabas ng lalaki ang mesa at nilatagan ng dahon ng saging. Doon nito inilagay ang mainit na kanin at ang mga inihaw na nakakatakam ang bango. Sa gitna nila, may sawsawang toyo na may sili at kalamansi.

Nagkamay si Jadd kaya nagkamay na rin si Xien. Unang beses na nagsabay sila sa hapunan. Wala rin siyang naramdamang hindi maganda habang kasalo si Jadd—na enjoy na enjoy sa parte nito ng karne na segundo lang yatang idinaan sa apoy. Napansin niya agad na iba ang karneng para sa kanya—lutong-luto, habang ang kinakain nito ay...

"Gilrfriend," biglang sabi ni Jadd. Nahuli nitong nakatingin siya sa karneng halatang sinadyang hindi lutuin. "Gusto mong tikman ang sinasabi mong 'kadiring' diet ko?"

Ngumiwi lang si Xien. Tuloy lang siya sa maganang pagkain. "Kumakain ka rin pala?" Naisip niya na dugo lang talaga ang iniinom nito.

"Magiging perpekto ba ang abs ko kung hindi?"

Napaubo siya.

Ngumisi naman si Jadd, nagsalin ng tubig sa baso at inilagay sa tabi ng plato niya.

"Kung member ako ng Owl, mga gaya mo ang ha-hunting-in ko," sabi niya pagkainom ng tubig. "'Tapos patay agad para hindi na dumami."

Ngisi lang ang sagot ni Jadd. Natapos ang hapunan na hindi naman inilipad si Xien palayo ng "hangin" nito. Nag-enjoy siyang kumain. Nag-enjoy naman ang lalaki na magyabang.

Si Jadd pa rin ang nagligpit ng pinagkainan nila. Inutusan na siya nitong pumasok sa loob ng kubo.

Lampas alas-nuwebe na ng gabi nang pumasok si Jadd sa kubo. Hindi ito nagtagal sa loob, kinuha lang ang paboritong backpack at lumabas na.

Hindi na nagtanong si Xien. Mula nang unang gabi niya sa kubo, hindi talaga nagtatagal si Jadd sa loob tuwing gabi. Hindi niya alam kung dahil busy o sinasadya lang na iwan siya para maging komportable at payapa ang loob niya.

Hindi na rin siya nagtanong. Mas gusto rin kasi niyang mag-isa lang sa kubo. Hindi siya sanay na may ibang kasama—lalaki na, bampira pa.

Mas gusto niyang mag-isa lang.               

Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon