BAGO lumalim ang gabi, magkasamang lumabas ng village sina Ruri at Redah. Mas maraming oras man ang inilalaan ng dalawa sa Liwanag, hindi natatapos ang isang linggo na hindi dinadalaw ng dalawa ang mga kinikilalang pamilya. Si Redah, ang mga taong tinutulungan ang dahilan kaya pinapasok ang kung ano-anong raket. Si Ruri naman, ang pamilya ng kaibigan at kabanda na itinuring na nitong pamilya mula nang mawala ang lola at kapatid.
Hindi mapigilan ni Xien na malungkot kapag siya na lang ang naiiwan sa kubo ni Jadd pagkaalis ng dalawa. Ramdam niya ang kulang sa kanyang buhay—ang pamilya niyang hindi mabuo-buo.
Dalawang taon na ang lumipas at hindi niya binalikan si Abby. Nagkausap sila ni Nirvina pagkatapos ng ilang buwang hindi nagparamdam ang babae. Maayos ang lagay ng kanyang kapatid. Si Irisha naman ang rason kung bakit hindi pa rin niya binabalikan ang kapatid. Pinigilan siya nito. Kung magkakasama na sila ni Abby at lagi rin siyang aalis para sa mga tatapusin niyang assignment para sa Liwanag, laging maiiwang mag-isa ang kanyang kapatid. Una nang nabanggit ni Irisha na hindi sila mananatili sa isang lugar lang. May mga kailangan silang gawin sa labas ng village at sa labas ng probinsiya.
Ang pangako ni Irisha, pagkatapos ng isang mahalagang misyon ng Liwanag, ito na mismo ang gagawa ng paraan para magkasama na sila ni Abby. Nagtiwala si Xien sa salita nito.
Pero hindi si Abby ang nagpapagulo sa isip niya nang ilang araw na—si Jadd. Mula nang mangyari ang yakap na pabalik-balik sa kanyang isip, ang yakap na dahilan bakit gising pa siya nang madaling-araw na iyon, ramdam ni Xien ang pag-iwas ng lalaki. Hindi na ginagawa ni Jadd ang dating ginagawa kapag dumating nang late sa kubo—papasok at itse-check kung maayos siya sa loob bago lilipat sa balkonahe o sa paborito nitong bench o puno sa labas. Sa umaga naman, wala na ang lalaki paggising niya—kaya wala na rin ang nakasanayan niyang mainit na almusal.
Busy lang siya, sabi ni Xien sa sarili. Mapapabuntong-hininga nga lang siya pagkatapos. Busy rin kasi si Jadd dati pero ginagawa pa rin nito ang mga simpleng bagay na iyon pagkarating o bago aalis ng kubo.
Hindi gusto ni Xien ang pakiramdam na parang may kulang ang bawat araw. Ayaw mang aminin sa sarili, nami-miss niya ang bampira. Sa mga oras na iyon na hindi siya makatulog, gusto niyang alugin si Jadd at tanungin kung ano ang problema—may payakap-yakap pagkatapos biglang iiwas?
Naputol ang iniisip ni Xien nang marinig ang tunog ng bumukas na pinto. Walang ibang papasok sa kubo ng hatinggabi hanggang madaling-araw maliban kay Jadd. Silang dalawa lang ang may hawak ng susi sa pinto.
Nagkunwari si Xien na tulog. Nakatalikod na siya sa direksiyon ng pinto kaya walang ideya si Jadd kung dilat man siya o hindi. Pumikit pa rin siya. Hindi niya alam kung bakit lumakas ang tibok ng kanyang puso. Ikinuyom niya ang kamay, muntik nang umangat iyon para humagod sa kanyang dibdib.
Hindi na nagulat si Xien na wala siyang naramdamang mga yabag na lumapit. Sanay na siya kay Jadd. Tunog lang talaga ng pinto ang naririnig niya kapag pumapasok ito sa kubo.
Ano'ng gagawin mo?
Matutulog ba si Jadd sa loob ng kubo? Kukuha ng kailangang gamit? O lalapit sa kama niya—gigisingin siya para mag-usap sila? Ginagawa nito ang huli kapag may mahalagang utos si Irisha na kailangan nilang gawin agad.
Tahimik pa rin. Naririnig tuloy ni Xien ang tibok ng kanyang puso—Natigilan siya at wala sa loob na nagpigil ng hininga nang maramdaman ang pag-angat ng kumot sa kanyang katawan. Maingat na hinila iyon ng tahimik na tahimik niyang kasama sa kubo, at inayos sa kanyang katawan.
Nagpigil si Xien ng ngiti. Na-miss niya ang gesture. Akala niya, hindi na mauulit pa. Naghintay siyang tumunog ang pinto, tanda na lumabas na si Jadd. Iba nga lang ang sumunod na eksena sa inakalang kabisado na niyang kilos ni Jadd—naramdaman niya ang maingat na haplos ng palad sa kanyang buhok. Sobrang ingat na halos wala siyang naramdaman. Tumawid pa sa gilid ng kanyang pisngi ang isang daliri nito—banayad at maingat na dumaan.
Na-realize ni Xien, pigil na pigil niya ang paghinga. Na pinakawalan lang niya nang marinig na ang tunog ng nagsarang pinto.
Unti-unti siyang dumilat. Hinagod na talaga niya ang dibdib. Hindi pala humupa ang malakas na tibok ng kanyang puso. Ang lalim ng naging paghinga niya. Lalong hindi na siya makakatulog. Ang yakap ni Jadd at ang eksenang katatapos lang ang gugulo sa katahimikan ng kanyang isip at puso.

BINABASA MO ANG
Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)
VampireUPDATED EVERY FRIDAY! Club Red spin-off. Unedited.