Part 4

943 48 5
                                    

WALA pang sampung minutong nakaupo si Xien sa pinakasulok na mesa, nakaramdam na naman siya ng kakaiba. Hindi siya kumilos, mas ibinaba lang ang sumbrero para itago ang mukha.

May nagmamasid na naman sa kanya. Pamilyar ang pakiramdam. Hindi man nakita sa ilang pagkakataon ang may-ari ng mga matang nakatutok sa kanya, alam niya na nasa paligid lang ito.

Niyuko ni Xien ang hawak na mga litrato—ang pinaghuhugutan niya ng lakas. Hindi siya dapat sumuko. Hindi pa nabubuo ang pamilya nila. Kailangan niyang maging matatag. Pupuntahan pa niya si Abby sa Maynila.

Napabuntong-hininga si Xien. Tiis lang muna, Abby, sabi niya sa isip at pinadaanan ng daliri ang nakabungisngis na kapatid sa litrato. Ang nag-iisang litrato na iyon ang alaala ng pamilya. Family picture na itinago ni Lola Citas at iniwan sa kanya tatlong araw bago ito pinatay. Kuha ng isang dayo ang picture. Isa sa maraming turista sa isla na natulungan ni Lola Citas. May dalang mamahaling camera ang turista, kinunan sila ng picture habang nasa balkonahe silang pamilya. Bumalik sa kubo ang mag-asawa bago umalis ng isla, ibinigay kay Lola Citas ang litrato, groceries, at mga libro—paraan daw ng mga ito para magpasalamat. Naaksidente kasi ang babae habang namamasyal ang dalawa at nasugatan nang malalim. Si Lola Citas ang nagpagaling na walang hininging bayad.

Tumuwid ang likod ni Xien nang maramdamang hindi na siya mag-isa sa parteng iyon ng kainan. Pag-angat ng mukha, nakatayo na si Jadd sa harap niya. Hindi siya umimik, sinalubong lang ang tingin ng lalaki.

Hindi rin umimik si Jadd na kaswal lang na lumapit.

"Kumikilos na ang mga kasama ko, Xien," sabi nito, umupo sa katapat niyang silya, hindi iniiwan ng tingin ang kanyang mga mata. "Anumang oras mula ngayon, baka matagpuan na natin ang isa sa mga kapatid mo."

Sa ilang beses na binabalik-balikan siya ni Jadd, nasabi na ni Xien na isa lang ang pinakaimportante sa kanya-ang mabuo ang pamilya niya. Kapag nagawa siya nitong tulungan, ibibigay niya ang kapalit na hihingin ng lalaki. Nahulaan na ni Xien na gagamitin siya ng grupo nito. Hindi pa niya sigurado kung sa anong paraan siya gagamitin. Hindi siya babalik-balikan ni Jadd para mag-alok ng ligtas na kubo sa Owl Village kung wala itong kailangan sa kanya.

Pagkatapos na masigurong ligtas na si Abby sa Maynila, bumalik sa isla si Xien. Sampung taon na mula nang mawala si Dream pero hindi pa rin siya susuko. Bumalik siya para doon simulan ang paghahanap ng mga sagot. Maraming taon na ang nakaraan at nag-iba na rin ang batang si Marikit. Hindi na siya basta makikilala. Hindi na rin siya magpapalipat-lipat ng lugar. Balak na niyang tanggapin ang alok ni Jadd kaya siya nakipagkita sa lalaki.

Tahimik na tumango si Xien, nasa litrato na uli ang tingin. "Thanks, Jadd. Sana hindi pa huli ang lahat." Sa litrato ni Dream nakatutok ang tingin niya. Hindi niya isusuko ang posibilidad na buhay ang kapatid.

"Gagawin namin ang lahat para makatulong," sabi ni Jadd. "Sa village ka na muna tumuloy. Hindi ka pababayaan ng grupo."

"Tatlong beses mo na akong inalok," balik ni Xien. Sa isang lumang bahay siya nagtago, hindi na sa baryo o sa gubat. Nasa bayan na ang bahay pero walang tao. Kakilala ni Nirvina ang katiwala, si Manang Puring. Hinayaan siyang tumira muna roon. Dumalaw ito sa anak at magbabakasyon ng isang buwan. Siya ang iniwan nitong tao sa bahay. Kung nabanggit ni Nirvina kay Manang Puring kung sino siya dati, hindi na sigurado ni Xien. Sa halos dalawang linggong lumipas, ligtas naman siya.

"Wala talaga akong balak sumama sa village." Nag-angat ng tingin si Xien kay Jadd. Totoo iyon. Nagbago lang ang kanyang isip nang makaalis na si Abby. Kung anuman ang kailangan sa kanya ni Jadd o ng grupo nito, magpapagamit siya. Ang kapalit, gagamitin din niya ang grupo. "Kailangan ko lang sumugal na ngayon o isa-isa kaming mawawala na wala man lang maghahanap."

Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon