Isang buwan na ang nakakaraan...
ANG dilim at sukal ay kaligtasan. Ang liwanag sa gabi ay panganib. Hindi sila dapat maabutan ng liwanag.
Inabot ni Xien ang ang kamay ni Abby at mahigpit na hinawakan. Hinila niya ang kapatid para tumakbo. Walang protestang nagpahila ang bunso nila at sumabay sa malalaki niyang mga hakbang.
Pareho silang sanay na sanay sa pagtakas. Hindi na bago ang ganoong eksena, na nasa labas sila sa gitna ng gabi at nagpipilit umiwas sa liwanag—dahil ang liwanag ang magpapahamak sa kanila. Ang liwanag ang tutulong at magtuturo sa kanila sa mga taong hindi niya maintindihan kung bakit ayaw silang tigilan, kung bakit ayaw silang bigyan ng katahimikan.
Sa pagkawala ni Lola Citas, hindi na sila nagkaroon ng katahimikan. Ang mga gabi na dapat ay pahinga nilang magkapatid, naging oras ng pagbabantay. Hindi sila nagtagal sa isang lugar. Sino man sa kanila ni Abby ang makaramdam ng panganib, agad agad nilang iniiwan ang lugar.
Nawala na sa kanila si Lola Citas, ganoon rin si Dream. Hindi na niya kakayanin kapag si Abby pa ang napahamak. Nagdesisyon na agad si Xien na ilayo ang kapatid sa panganib. Hindi siya sigurado sa sariling kaligtasan pero susugal siya. Kailangan nilang maghiwalay ni Abby. Kung tama siya dugo nila ang humahatak ng panganib, gaya ng sinasabi ng mga taong may galit sa pamilya nila.
Para malito ang mga nakakasagap ng amoy ng kanilang dugo, dapat nasa magkaibang lugar sila.
Nakausap na ni Xien si Nirvina. Nangako ang babae na hindi pababayaan si Abby sa Maynila. Naniniwala pa rin siya sa kabutihan ng babaeng iyon. Pero kung nagkamali man siya ng pagtitiwala at mapahamak si Abby, siya mismo ang maniningil. Hindi niya bibigyang ng pagkakataong humingi ng tawad ang traydor.
Hinigpitan ni Xien ang hawak sa kamay ng kapatid. Ramdam niyang basa na siya ng pawis. Alam niyang ganoon rin si Abby pero hindi bumabagal ang pagtakbo nito, sinasabayan siya. Hindi man nagsasalita ang bunso nila, hula ni Xien ay pareho sila ng iniisip—kung kailan darating ang isang gabing wala nang panganib at ligtas na silang tumingin man lang sa buwan.
Kung buhay siguro si Lola Citas, madali lang silang kakalma ni Abby. Sasagutin nito ang mga tanong at magpapaliwanag sa mahinang boses sabay ng pagpapausok. Makikinig sila hanggang abutin ng antok. Magigising silang umaga na—at naging ligtas sa lumipas na buong gabi.
Pero wala na si Lola Citas. Naiwan sila ni Abby na wala nang ginawa kundi tumakas. Kung hindi nila gagawin iyon, mawawalan na sila ng pagkakataong mahanap si Dream. Hindi isusuko ni Xien ang posibilidad na buhay ang kapatid. Nawawala lang ito. Walang nakitang bangkay. Buhay ang panganay nila, kakapitan niya ang kahit maliit na posibilidad.
Sixteen si Dream, eleven siya at seven years old naman si Abby nang mamatay si Lola Citas. Naging totoo ang panaginip ni Dream. At habang tinutupok ng apoy si Lola Citas, silang magkakapatid ay nasa kagubatan at para tumakas. Sa utos ng lola nila kay Dream, kasamang tinupok ng apoy ang mga nakaraan nila. Sa bagong lugar, wala na sina Marilag, Marikit at Mayumi. Isinilang ang mga bago nilang pagkatao—Dream, Xien at Abby.
Naging maayos ang mga unang buwan sa bagong lugar pero sa ikatlong buwan, nawala na lang si Dream. Umalis ng bahay ang kapatid para bumili ng mga kailangan nila, hindi na ito bumalik. Naiwan sila ni Abby. Naiwan sa kanya ang responsibilad na protektahan ang kapatid. Sa pagkawala ng panganay na pinakamatatag sa kanilang tatlo at mas nakakaintindi kay Lola Citas, naging sentro na ng atensiyon ni Xien ang pangalagaan si Abby.
Naging mas mahalaga ang kaligtasan kaysa sa pormal na edukasyon. Hindi man nagkaroon ng pagkakataong pumasok sa ekuwelahan, hindi nila isinuko ni Abby ang pagkatuto. Tinuruan nila ang mga sarili. Mga lumang libro at kung ano-anong babasahin, binabasa nila ng kapatid sa mga oras ng katahimikan. Ang lahat ng mga natutunan niya, itinuturo ni Xien kay Abby, ganoon rin ang kapatid sa kanya. Ang kakayahan niya, tinanggap ni Xien ng buo samantalang si Abby, dahil sa edad, ay hindi gustong isipin ang espesyal na kakayahan. Hindi nito gustong malaman ang mga iniisip ng ibang tao.
BINABASA MO ANG
Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)
VampireUPDATED EVERY FRIDAY! Club Red spin-off. Unedited.