DUMATING si Jadd bago mag-alas diyes ng gabi. Akala ni Xien, makakatulugan na lang niya ang paghihintay at hindi na naman ito darating. Mas gusto niyang solo ang kubo pero nang gabing iyon, hinihintay talaga niya si Jadd. Kailangan nilang mag-usap tungkol kay Sasha.
"Nag-dinner ka na, Xi?" kaswal na tanong ni Jadd pagkapasok sa kubo, lumapit sa kanya at inabot ang bitbit na plastic bag. Alam na niya agad na pagkain ang laman. Pagkain naman ang laging bitbit nito para sa kanya.
"Tapos na," sagot ni Xien. Sopas at tinapay ang hapunan niya. Naghahanap ng sabaw ang panlasa niya kanina kaya naghanda siya ng sopas sa limitadong sangkap na mayroon sa kubo ni Jadd. Sinilip niya ang laman ng plastic bag—barbeque yata base sa amoy. May nakapa rin siyang mainit pa, na hula niya, kanin na nakabalot sa dahon ng saging. "Salamat dito," pinigil ni Xien ang ngiti. Hindi niya alam na may thoughtful na bampira.
Wala na silang bigas sa kubo kaya nagbitbit ng kanin si Jadd. Kung tama siya, nasa village na ito nang maalalang paubos na ang bigas nila pag-alis nito. Naisip siguro na ilang araw na siyang walang maisaing. Hindi pa naman nagutom si Xien. Kagabi lang talaga naubos ang bigas. Bukas ng umaga pa lang niya planong magpunta ng palengke para bumili ng bigas, umuwi man o hindi si Jadd.
"Sorry," si Jadd na naupo sa sahig, ilang hakbang ang layo sa kama kung saan siya nakaupo. "Nawala sa isip kong bumili ng bigas kanina, Xi."
"Kagabi lang naman naubos," sabi niya, gustong matawa na para silang bagong mag-asawang nag-a-adjust sa bagong buhay, na hindi pa natatantiya ng tama ang mga kailangan sa bahay. "Bukas ko pa lang planong bumili."
Bakit nga ba bigas ang pinag-uusapan nila? Tungkol kay Sasha o sa imbestigasyon tungkol sa pamilya niya ang dapat nilang pinag-uusapan, hindi ang simpleng pagkaubos ng bigas!
"Ano'ng dinner mo?"
Pero sige na nga, masarap sa pakiramdam na inaalala rin siya ni Jadd, na concern ito sa lagay niya sa kubo. Mali nga siguro ang iniisip niyang 'gamit' lang siya sa paningin ni Jadd kaya siya nasa kubo. Kung ang kakayahan niya o ang dugo niya ang may silbi sa bampira, hindi pa niya sigurado. Wala pa namang utos sa kanya si Jadd. Napapaisip na nga si Xien. Para kasing nag-alok lang si Jadd ng ligtas na lugar para sa kanya.
"Sopas at tinapay."
"Wala akong kuwentang asawa," sabi nito, seryosong seryoso ang anyo nang sinabunutan ang sarili. "Walang bigas, walang ulam, wala na lahat, hindi pa ako umuwi. Dilat na ang mata ng asawa ko, nasa kung saang lupalop pa ako kasama ang barkada—umiinom, nambababae, gumagala!" inuntog pa nito sa dingding ng kubo ang likod ng ulo. "I'm sorry, baby—"
"May tama ka na naman," putol ni Xien, tumayo na at nagpunta sa kusina para ayusin sa mesa ang pagkain at takpan. Iinitin na lang niya para sa almusal bukas.
Magaang tumawa si Jadd. "Hindi ka man lang naapektuhan?"
"Sanay na ako sa drama mo," balewalang sabi ni Xien. "Walang dating lagi. Mas dry pa sa bitak-bitak na lupa 'pag summer." Totoo iyon. Sanay na nga siya sa mga linya nitong minsan ay nakakatawa, minsan naman ay nakakainis. Lalo na kapag nagyabang na o kaya ay dumidiga ng labas sa ilong.
"Kailan mo kaya ako mararamdaman, Xi?"
Hayun na nga! Nag-umpisa na naman ang bampira. "Siguro 'pag may bigas na."
Buong buo ang tawa ni Jadd. Ramdam ni Xien na sa kanya nakatutok ang titig nito. Siya naman, nasa pagkain na inaayos sa mesa ang atensiyon. "Kakain ka ba? Busog na ako. Kung kakain ka—"
"Nag-dinner na ako," putol nito, nawala na ang bakas ng tawa sa mukha. Tumayo na si Jadd para lumabas na naman ng kubo. Mula nang dumating siya sa kubo, sa pagkain lang naman talaga sila nagsasabay. At ang mga pag-uusap nila, ganoon pa rin. Si Jadd ang cool, siya ang dry. Hindi naman kasi sila magkaibigan kaya wala siyang makitang dahilan para mag-usap sila na parang magkapamilya o magkaibigan. Isa pa, sa totoo lang, hindi siya sigurado kung paano ba ang tamang pakikitungo kay Jadd. Hindi siya nabuhay na normal—na may mga kaibigan, na nakakapaglaro at nakakapasyal sa labas, na nakikikisalamuha sa ibang tao, na malaya.
Pag-angat uli ng tingin ni Xien, nasa tapat na ng pinto si Jadd. Aalis na naman agad? Hindi man lang sasabihin sa kanya ang pagkikita nito at ni Sasha?
"Jadd?" hindi na napigilan ni Xien ang sarili. Tinakpan na agad niya ang pagkain sa mesa. Kung ayaw magsalita ni Jadd, siya ang magtatanong. "May balita ka sa babae?" ang babaeng nagmamanman sa kanila ang sinasabi ni Xien—si Sasha na tinanggap niya ang alok nang hindi alam ni Jadd. Kung hindi pa niya ginawa iyon, hindi niya malalaman na si Jadd rin ay nakuha na ni Sasha.
Pero bakit walang binabanggit sa kanya si Jadd? Gaya ba niya, gusto rin nitong ilihim ang ginawang pagkampi sa babaeng iyon?
"May mga impormasyon na akong nakuha pero 'di pa buo," sabi ni Jadd. "'Pag malinaw na, saka ko ipapasa sa 'yo."
Hindi sumagot si Xien, tumingin lang siya sa mga mata nito. Ilang segundong nagtama lang ang mga mata nila.
"Iniisip mong may hindi ako sinasabi sa 'yo, Xi?"
Umangat ang isang kilay niya. "Meron ba?"
Hindi agad sumagot si Jadd. Hindi na rin itinuloy ang pagbubukas ng pinto, hinarap siya pero wala namang sinabi. Ilang segundo pa, huminga na lang nang malalim. "Lumabas ka raw ng village kanina?"
Pareho lang naman sila ni Jadd na may hindi sinasabi sa isa't isa. At mukhang alam na rin nito na may mga ginagawa siyang hindi rin nito alam.
Tumango si Xien. May mga mata talaga si Jadd sa loob ng village. Nakakarating sa lalaki ang mga ginagawa niya. "May binili lang ako sa palengke," kung hindi sasabihin ni Jadd na nagkita na ito at si Sasha, hindi rin niya sasabihin na nakipagkita na rin siya sa misteryosang babaeng iyon.
"O, 'yon naman pala. Bakit 'di ka bumili ng bigas?" ang tono nito, parang asawang biglang uminit ang ulo. Napamaang si Xien, at napailing na lang pagkalipas ng ilang segundo nang mapansin niyang nagpipigil ng ngiti si Jadd.
"Ba't ako bibili? May binigay ka bang budget sa bigas? 'Kaw 'tong lalaki rito, ubos na'ng bigas, nasa gala ka pa? Iresponsableng asawa!"
"Nag na-nag ka na ngayon," sabi naman nito, ngingisi-ngisi. "Alam mo, kung 'di ka lang talaga maganda..."
Nagtama ang mga mata nila. Sabay lang ang pag-awang ng bibig niya at ang paglapad ng ngisi ni Jadd. Ang tagal na nagtama lang ang mga mata nila. "Ano? Tapusin mo!" si Xien kay Jadd, pinipigilan niyang mapangiti.
Bumagsak naman ang mga balikat ng lalaki. Naging parang talunang mandirigma.
"Sorry na," ang sinabi nito. "Sorry na naubos na ang bigas. Kasalanan ko na. 'Di ka pa naman nagutom, bakit away na agad? Isang beses lang napabayaan, parang ang sama sama ko nang asawa, ah!"
Natawa na talaga si Xien, hindi niya napigilan. Wala siya dapat oras sa kalokohan ni Jadd pero may mga ganoon talagang pagkakataon na wala siyang choice kundi sakyan na lang ang trip ng bampirang mortal na mortal ang kilos. Hindi na nagtataka si Xien kung hindi nahahalata ng mga kasama nito ang kaibahan ni Jadd. Kung hindi lang siguro siya naging Magdiwa, hindi rin niya malalaman na hindi ordinaryo si Jadd Estevez.
Tumatawa pa rin si Jadd nang binuksan na ang pinto. Nawala na ang ngiti ni Xien. Alam niyang tapos na ang usapan. Wala talagang balak ang lalaki na magsabi sa kanya tungkol kay Sasha. "Xi?"
Naglalakad na si Xien pabalik sa kama nang tinawag ni Jadd ang pangalan niya. Bumalik sa lalaki ang tingin niya.
"May sasabihin ako," ang sinabi ni Jadd sa mababang boses. "Pero hindi pa ngayong gabi."
Natuwa si Xien. Hindi nga sinungaling ang bampira. Siguro may hinihintay pang impormasyon kaya hindi pa gustong sabihin. O baka kikilanin muna nito si Sasha bago ipapasa sa kanya ang impormasyon.
Tumango siya. "Ako rin," si Xien at marahang ngumiti. Ramdam niyang nagtitiwala na talaga siya kay Jadd sa kabila ng alam niyang totoong uri nito.
"Sasha, Irine, Rissa—ilan lang sa mga pangalan na gamit ng babaeng gusto mong makilala. Hindi pa buo ang impormasyong nasa akin."
At 'di mo talaga sasabihing nakaharap mo na siya, Jadd?
Ilang segundong nagtagal sa mga mata niya ang titig ni Jadd bago ito lumabas ng kubo.
BINABASA MO ANG
Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)
VampirUPDATED EVERY FRIDAY! Club Red spin-off. Unedited.