Part 17

600 41 9
                                    

"HINDI mo sinabing nagkita na kayo ni Irisha, Xi," si Jadd habang naglalakad sila nang marahan. Ang ganda ng panahon kaya maliwanag ang buwan. Presko rin ang hangin kaya para lang silang nagre-relax sa labas.

Ang tahimik ng village. Mga panggabing hayop at ibon lang ang naririnig niya sa paligid, kasama ng tunog ng mga dahon na hinahampas ng hangin.

"Pareho lang tayo," sabi naman ni Xien. "Mas nauna ka niyang napapayag 'di ba? Wala kang binanggit sa akin na nakaharap mo na siya. No'ng nagkita kami, sinabi niyang nakuha ka na niya."

"Hindi ka naman niya sinaktan?"

"Ikaw ang sinaktan niya, 'di ba?" balik ni Xien sa halip na sagutin ang tanong nito. Nahuhulaan na niyang ang gabing umuwi si Jadd na duguan, si Irisha ang nakaharap nito.

Hindi umimik si Jadd. Tumingala lang sa magandang buwan, sumunod din ang mga mata ni Xien.

"No'ng umuwi kang duguan, siya ang hinarap mo?"

Nanahimik lang si Jadd, umiikot ikot sa paligid ang tingin habang naglalakad sila nang mabagal.

"Ginusto mo bang maging isa sa Rayos o nawalan ka ng pagpipilian, Jadd?" dagdag na tanong ni Xien nang hindi ito umimik. Huminto na siya sa paghakbang para hintayin si Jadd na sinadya yatang mas bagalan ang paglalakad.

Huminto ang lalaki sa mismong harap niya. Tumalikod naman si Xien para ituloy na ang mabagal na mga hakbang.

"Hindi ko kaya ang kakayahan niya," pag-amin ni Jadd, magkasabay na ang mga hakbang nila. "Nakita mo naman, ang dali lang para sa kanyang saktan ako—alam nating pareho na ako ang pinakamalakas sa Owl. Kung ganoon kadali lang sa kanyang ibagsak at saktan ako, paano pa ang mga kaibigang mas mahina sa akin? Ang mga taong naniniwala at nagtiwala sa kakayahan ko? Naisip kong kaysa lumaban, bakit hindi na lang ako kumampi sa mas malakas," pagbaling ni Xien, nahuli niya ang paghinga nito nang malalim. "Hindi ko alam na kasama ka rin pala sa listahan niya ng Rayos."

Katahimikan.

"Tama kaya 'tong ginawa natin?" basag ni Xien sa katahimikan. "Hindi naman natin siya talaga kilala, 'di ba?" huminto siya sandali, hinarap si Jadd. "Tama kayang nagtiwala tayo? Totoo kayang para sa liwanag ang grupo? Paano kung hindi pala? Paano kung gagamitin tayo na parang mga alipin lang—at para sa masama, Jadd? Sa kakayahan niya, wala tayong laban. Baka makawala man tayo sa grupo, bangkay na tayong lahat."

"Hindi ko rin alam, Xi," ang mahinang sinabi nito. "Kulang na kulang pa ang impormasyong nakuha ko tungkol kay Irisha," tumingala na naman ito sa maliwanag na buwan. "Magtiwala na lang muna tayo sa ngayon."

"Sana hindi tayo nagkamali ng desisyon, Jadd." Tumingala rin muna si Xien sa buwan bago bumalik sa paglalakad nang mabagal.

"Pinili lang naman nating maging kakampi niya, Xi," si Jadd na sumabay na rin sa paghakbang niya. "Hindi ibig sabihin na magiging sunod sunuran na tayo sa lahat ng utos. Kung mali ang isang utos, bakit natin susundin? Hindi tayo robot na naka-program para sumunod lang sa utos."

"Kasasabi mo lang na 'di mo siya kaya. Kung ikaw nga na mas malakas, napabagsak niya, paano na lang kaming tatlong babae? 'Tingin mo, hahayaan niya tayong sumuway? Sa kakayahan ni Irisha, kayang kaya niyang ipilit ang gusto niya—"

"Ako na lang ang saktan niya, okay sa akin," sabi ni Jadd. "Pero kung ikaw o si Ruri na ang sasaktan, ibang usapan na."

"Eh, si Redah?"

"Si Redah? Hindi niya kailangan ng proteksiyon. Boyfriend, oo."

"Ganoon?"

Pagbaling ni Xien, nakatingala sa buwan at nakangisi ang lalaki. Napangiti na rin siya.

"Hindi ka patas, Estevez."

"Seryosong sagot ang gusto mo?"

"Kailan ba hindi? Ikaw lang ang puro kalokohan, eh."

"Sa inyong tatlo, si Redah ang mas alam paglaruan ang kakayahan niya, Xi. Hindi siya basta susunod lang kay Irisha. Kung labag sa loob, hindi gagawin ni Redah ang utos."

"Nabasa mo ang iniisip niya?"

"Kaya niyang isara ang isip," sabi ni Jadd. "Pagdating ko, nababasa ko pa siya. Naramdaman niyang nagawa ko. Wala na akong nasagap nang magtama uli ang mga mata namin."

"Si Ruri?"

"Nababasa ko ang iniisip niya."

"Close kayo dati pa?"

"Bestfriend ko noon ang Ate niya. Twelve years old siya nang mamatay si Mona—kaming dalawa pala. Sa ten years na dumaan, walang buwan na hindi siya nagpunta sa sementeryo." Si Jadd sa mababang boses, napansin ni Xien ang paghagod nito sa batok nang tumingala uli sa buwan. "Kasalanan ko na nawalan siya ng nag-iisang kapamilya..."

"Ikaw ba ang pumatay sa bestfriend mo? Kung hindi, ba't naging kasalanan mo?"

"Hindi ko siya nagawang protektahan sa mga hayop..."

"Ang mga hayop na sinasabi mo," si Xien na tumingin-tingin sa paligid. Nasa parte na sila ng Owl village na maraming kubo. Hindi na ligtas mag-usap tungkol sa mga sekreto. "Ang mga hayop bang naiisip ko? May...kadiring diet?"

"Oo," sagot ni Jadd. "Inatake nila kami nang walang kalaban-laban. Ang bakasyon na naisip kong magiging unforgettable, naging bangungot. Nawala sa akin lahat nang gabing iyon—kasama ang mismong buhay ko."

"Sila rin ang may gawa sa 'yo niyan?"

Tumango si Jadd. "Pero wala akong malinaw na alaala pagkatapos kong mawalan ng malay. Mga last seconds sa buhay si Mona, 'yon ang huling alaala ko. Hindi ko na alam kung ano ang mga sumunod na nangyari pagkatapos. Nakita ko na lang ang sarili kong... 'kumakain' na."

"G-Galing sa...tao?"

"Hayop."

"Hanggang ngayon?"

Tango na lang ang sagot nito.

"Hindi mahirap maghanap ng pagkain?"

"After ten years? Parang paghinga na lang, Xi."

"Ano'ng lasa?"

"Gusto mong tikman minsan?"

"Sige, ikaw na lang."

"Ako ang gusto mong tikman?"

Huminto ang mga paa niya sa paghakbang. Huminto rin si Jadd. Sabay halos ang pagbaling nila sa isa't isa. Nagtama ang mga mata nila. Biglang tinakpan ni Jadd ng mga braso ang dibdib na parang gustong protektahan ang sarili sa kanya.

"Baliw," si Xien na nahawa agad sa ngiti nito. "Nabubuang ka talaga 'pag bilog ang buwan," balik si Xien sa paglalakad. Hindi na sumabay si Jadd sa paghakbang niya. Nasa likuran lang niya ang lalaki, tahimik na sumusunod.

Nagulat na lang siya nang biglang bumanat ng kanta ang bampira.

"Bilog na naman ang buwan...bilog na bilog na bilog... ilabas n'yo na ang kalokohan!"

"Gabi na, Jadd. Ang ingay mo—"

"Banal na aso! Santong kabayo, natatawa ako, hihihihi! Hihihihi!"

"Hoy!—" napanganga na lang si Xien nang paglingon niya, gumigiling ang loko na parang nang-aakit na dancer. Kung hawak ni Xien ang cell phone, baka naibato na niya sa lalaki. Napaisip siya kung paanong naging lider ng Owl si Jadd, kung paano nakuha nito ang respeto. Puro lang naman ng kalokohan ang bampira.

"Hihihihi...hihihihi," kanta pa rin nito na sinasabayan ng paggiling ng balakang, inikot ikot pa sa ere ang bitbit na jacket. Natawa na nang tuluyan si Xien. Napailing na tinalikuran niya ang baliw na bampira. Naiwan nga lang sa utak niya ang view na gumigiling si Jadd.

At na-realize ni Xien, nakakainis ang ganda ng katawan ni Jadd Estevez.

Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon