Part 15

601 38 5
                                    

"NASAAN siya?" napabaling si Xien sa babaeng nakaitim. Pantay ang tono nito, blangko ang mukha. Malamig ang tingin na tumutok kay Sasha. Nahulaan agad ni Xien na pare-pareho silang napapunta sa lugar na iyon dahil may ginamit na pain si Sasha. Base sa anyo ng babaeng nakaitim, hindi nito gustong naroon. Halatang halatang napilitan lang. Ni hindi kumilos man lang. Nasa parehong puwesto pa rin.

Napansin niya na bumalik sa particular na puno ang tingin ni Sasha. Ramdam ni Xien ang parang pagpitlag ng puso niya nang marahang humakbang si Jadd paalis sa pinagkukublihang katawan ng puno. Tuluyang inilantad na nito sa mga mata nila ang itim na kabuuan. Kung tama siya, naroon na ang lalaki kanina pa.

"OMG! Fafa on the loose!" biglang sabi ni Redah, parang biglang natuwa na naroon si Jadd.

"J-Jadd..." ang nasabi na lang ni Xien, ang pag-uwi nito na duguan ang agad pumasok sa isip niya. Naglaban ba ito at si Sasha at nawalan ng pagpipilian si Jadd? Pagtapat sa kanya, bumaling ang lalaki.

"I'm safe, Xi," sabi ni Jadd, parang nahulaan ang iniisip niya. "Hindi ka na dapat nagpunta kung inaalala mo lang ako."

"May sarili akong rason," sabi niya na sinagot nito ng ilang segundong titig at pagtango.

"K-Kuya Jadey?" ang babaeng nakaitim, parang nakakita ng multo. Kung kanina ay walang pakialam sa kanila, pagdating ni Jadd ay nabitawan na lang nito ang gitara, napatayo nang walang sa loob. Naging malinaw rin ang emosyon sa mga mata nitong nabasa na ng nagbabantang luha.

Kilala ng babae si Jadd?

"Hello, kid," si Jadd sa babae, ang titig na nasa kanya kanina, nakatutok na sa babae. "Dalagang-dalaga ka na, ah."

Parang nawalan na ng sasabihin ang babaeng nakaitim, tumingin na lang sa sariling mga paa at ilang segundo lang, yumugyog na ang mga balikat sa walang tunog na pag-iyak. Wala nang nagsalita. Wala rin sa kanila ang kumilos. Ang mga mata ng lahat, nakatutok na sa babaeng umiiyak.

Si Jadd ang unang kumilos. Lumapit ito at tumayo mismo sa harap ng babaeng umiiyak.

"Ten years," si Jadd. "Pagdating mo kanina, hindi kita halos nakilala. Akala ko nagbago ka na. Iyakin ka pa rin, RR?" napansin ni Xien ang pag-iiba ng emosyon sa mga mata ni Jadd. Hindi ang malamig at seryosong mga mata ang nakita niya. Ang titig na pamilyar siya...

Inakbayan ni Jadd ang babae at kinabig payakap. "Saka na ako magpapaliwanag. I'm sorry..." at huminga nang malalim ang lalaki. "Hindi ko nagawang protektahan ang Ate mo, at hindi na rin kita nagawang balikan..."

Ate?

Magkakilala nga ang dalawa!

Hindi na nagsalita ang babaeng tinawag nitong RR. Umiyak na lang nang umiyak sa dibdib ni Jadd. Napatitig na lang si Xien sa dalawa. Pero nang ilang minuto na at magkayakap pa rin, parang gusto na niyang lumapit at hilahin palayo kay Jadd ang babae. Inilayo na lang niya ang tingin. Wala siya dapat pakialam. Malapit ang dalawa kaya nagyayakapan, bakit naman siya kokontra?

"Jadd?" tawag ni Sasha, bumalik ang tingin niya sa babae. Nang bumaling si Jadd, may kung anong inihagis si Sasha na agad namang sinalo ng lalaki.

Niyuko ni Jadd ang babaeng yakap pa rin nito. "Gusto mo bang maging isa sa amin?" Sa wakas, tumigil na rin sa pag-iyak ang babae. Nagpunas na rin ng sariling luha. "Kung hindi mo gusto—"

"Gusto ko," sabi agad ng babae kay Jadd. "Nandito ka at buhay. May dahilan na ako para magtiwala kay Issa."

Issa?

"Irisha," si Jadd at tumingin kay Sasha. "Siya ang lider ng grupo. Gusto mo ba talaga?"

"Gusto ko, kuya Jadey—"

"Jadd na lang ngayon," pagtatama uli ni Jadd. "Kung nakapag-desisyon ka na," si Jadd na maingat na isinuot sa babae ang kuwintas—kuwintas na pareho ng ibinigay sa kanya ni Sasha—na Irisha pala ang totoong pangalan?

Irisha...

"Ingatan mo 'yan," si Jadd sa babae. Hindi naman maalis-alis ang titig nito kay Jadd. Sa kilos ng nakaitim na babae, parang ayaw nang bumitaw kay Jadd. Magpapayakap na lang yata habang buhay?

Muntik nang matawa nang walang laman si Xien. Salamat na lang, naalala niyang suot din niya ang parehong kuwintas—ang katibayan ng pagkampi niya kay Irisha para sa pamilya.

Walang ibang dapat nakakakuha ng atensiyon niya. Isa lang ang sentro ng atensiyon niya—ang sariling pamilya.

May misyon ka, Xien, paalala niya sa sarili. Sumugal ka para sa pamilya mo. Wala nang iba pang mas mahalaga. Wala kang dapat isipin. Wala ka dapat nararamdamang iba...

Hindi alam ni Xien kung bakit sa gitna ng pag-iisip, kay Jadd bumalik ang tingin niya. Si Jadd na nakatingin pala sa kanya. Yakap pa rin nito ang babaeng nakaitim, hinahagod hagod pa ang likod.

Ngumiti si Jadd nang magtama ang mga mata nila. Hindi gumanti ng ngiti si Xien, inilipat niya ang tingin kay Irisha.

Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon