Part 9

732 45 7
                                    

NAGMUMURA si Jadd habang mabilis ang takbo ng motorsiklo. Lumabas siya ng village pagkagat na pagkagat ng dilim. Biglaan siyang nagbago ng plano pagkatapos matanggap ang text message na nagpabago sa pintig ng kanyang puso. May lakad ang grupo ng alas-otso ng gabi. Sa ibang pagkakataon, hindi siya lalabas ng village bago ang oras ng alis nila.

Palubog na araw at pabalik na si Jadd sa kubo nang mag-vibrate ang kanyang cell phone. Unregistered number ang pinanggalingan ng text message.

7 days more. And you'll lose her.

Agad na napahinto si Jadd sa paghakbang. Gaya ng iba pang wrong send text messages, buburahin na lang sana niya ang text message pero may napansin siya sa huling tatlong numero—hindi lang iyon isa sa mga ligaw na text messages na natanggap niya.

May naunang dalawang text message pa na nabura na niya: She's pretty in white ang unang text message; She's alone again ang sumunod bago ang text message na kakabasa lang niya. Galing ang tatlong text messages sa iisang numero.

Hindi ligaw na text messages lang ang tatlong ipinadala sa magkakasunod na araw at sa parehong oras. Kung si Xien ang babaeng sinusubaybayan ng kung sinumang nasa likod ng text messages, hindi basta uupo lang si Jadd.

Tinawagan niya ang numero pero walang sumasagot. Nakalimang subok siya, wala pa rin. Sa pang-anim, tinanggap ang kanyang tawag pero walang nagsalita. Paghinga lang ang naririnig ni Jadd sa kabilang linya. Humigpit ang hawak niya sa gadget at malutong na nagmura. Puputulin na lang sana niya ang tawag nang may nagsalitang boses-lalaki sa kabilang linya—lugar ang sinabi ng kausap niya. Lugar kung saan nawala sa kanya ang isang mahal sa buhay.

Parang binuhusan ng purong kalamansi ang isang bukas na sugat, ganoon ang naging epekto ng tawag kay Jadd. Ramdam niyang nanginig siya sa galit. Kung sino man ang hayop na naglalaro ng kanyang emosyon, hindi niya patatawarin.

Walang paalam na lumabas ng Owl Village si Jadd. Hindi rin naman siya matatahimik kung paulit-ulit na maiisip na posibleng may masamang mangyari kay Xien. Pumayag ang dalaga na sumama sa Owl Village, nagtiwala ito sa ipinangako niyang proteksiyon. Hindi rin ito nagpakita ng takot pagkatapos malaman ang totoong pagkatao niya. Hindi inaasahan ni Jadd ang ganoong pagtanggap sa isang mortal. Hindi niya hahayaan na mapahamak si Xien habang nasa poder niya.

Lampas kalahating oras, narating ni Jadd ang address na binanggit ng lalaking nakausap sa telepono—ang abandonadong building na lugar ng kanyang bangungot. Ang lugar kung saan sila itinapon ni Ramona ng mga halimaw, na sugatan at halos wala nang malay. Ang lugar kung saan huminto ang mga alaala niya sampung taon na ang lumipas...

Agad iginarahe ni Jadd ang motorsiklo, nagtanggal ng helmet at nakiramdam. Tahimik ang paligid, payapa. Wala siyang maramdaman kundi ang hampas lang ng hangin. Walang ibang enerhiya. Hindi makakaligtas sa pakiramdam niya kung may ibang nasa lugar.

Mula nang maging "Jadd" siya, hindi na siya nagsusuot ng relo. Hindi niya gustong makita kung gaano kabilis ang oras, oras na ten years ago ay huminto na para sa kanya. Wala siyang ideya sa eksaktong oras nang sandaling iyon. Sa bilis ng takbo niya, siguradong hindi siya nahuli ng dating.

Napaaga, oo. Napaaga nga siguro siya—Natigilan si Jadd at biglang lumingon sa isang direksiyon. Wala siyang nakitang tao o pigura man lang pero ramdam niyang hindi na siya mag-isa sa lugar.

At pamilyar ang enerhiya...

"Magpakita ka—" Hindi pa man tapos ang sasabihin, inatake na siya ng puting pigura. Sunod-sunod na saksak ang pinakawalan nito, ang unang atake ang hindi niya naiwasan. Nag-iwan ng masakit na hiwa sa likod ng kanyang braso ang matalas na armas. Naiwasan na niya ang mga sumunod na atake.

Nagtagal ng ilang minuto ang pag-atake ng puting nilalang. Sa bilis ng galaw, hindi man lang nakita ni Jadd ang mukha ng kaaway. Hooded ito, sa bilis ng atake at depensa ay halatang sadyang nagtatago ng mukha.

Isang malakas na tulak ang hindi naiwasan ng nilalang. Tumilapon ito at bumagsak ilang hakbang mula kay Jadd. Gumamit siya ng kakayahan para mabilis na makalapit—na isang pagkakamali pala. Nag-angat ng tingin ang hooded na kaaway at nagtama ang mga mata nila.

Kasabay ng makahulugang ngiti nito, pakiramdam ni Jadd ay literal na nag-init ang kanyang ulo. Parang nagsipaghigpitan ang mga ugat niya sa utak at anumang sandali ay magsisiputukan. Napaungol siya, napahawak nang mariin sa ulo.

"Ahh... Ahhhh!" Bumagsak na si Jadd sa lupa. Kitang-kita niya na habang namimilipit siya sa sakit, unti-unti namang tumatayo ang kaaway na hindi inaalis ang titig sa kanya. Bumulong-bulong ito, naglahad ng kamay nang ilang segundo bago ikinuyom iyon na parang may mahigpit na hinawakan.

Naghabol si Jadd ng hininga. Nalipat na sa kanyang dibdib ang kirot sa ulo. Parang pinipiga ng makapangyarihang kamay ang kanyang puso!

Hindi siya makapaniwala na ganoon siya kadaling mapapabagsak ng isang estrangherong kaaway.

"Jadd Estevez," sabi ng kaaway—na babae pala. Makahulugan ang ngiti nito nang maging darker gray ang mga mata. Iglap lang, nasa harap na niya ang babae, walang warning na pinadaanan nang ilang beses na hiwa ng patalim ang buong katawan niya.

Sising-sisi si Jadd kung bakit nang araw na iyon pa niya napiling magsuot ng hindi itim. Napunit na ang T-shirt, nagmarka pa ang dugo niya.

"Babalikan kita," sabi ng babae at bale-walang nag-ayos ng hooded jacket."Hintayin mo ang susunod kong text message. Susunod ka sa mga sasabihin ko o mapapahamak ang babae mo, Jadd."

Sa pagitan lang ng segundo, tatlong hakbang na agad ang distansiya nila.

"Sino... sino ka?" tanong ni Jadd na naghahabol pa rin ng hininga.

Bahagyang lumingon lang ang babae, ang misteryosang ngiti na lang nito ang sagot sa tanong niya.

Pagkatapos ay nawala na ito.

At parang sabay na tinangay ng pagkawala ng babae ang lahat ng kirot na nararamdaman niya.

Malakas na napamura si Jadd nang itayo ang sarili.

Hindi siya nakasama sa lakad ng Owl nang gabing iyon.

Naghintay siya nang hatinggabi bago bumalik sa kubo—para hindi na niya abutang gising si Xien. Tumuloy lang siya sa loob nang makita na ang lampara na lang ang ilaw sa loob ng kubo. Pero pagkapasok, na-freeze si Jadd sa tapat mismo ng pinto nang maabutang nasa kama lang si Xien, nakaupo at titig na titig sa kanya.

Huli na para itago ang punit-punit na T-shirt at mga bakas ng dugo.

Gustong saktan ni Jadd ang sarili nang makita ang pagguhit ng takot sa mga mata ni Xien na laging blangko at malamig lang kapag tumututok sa kanya.

"Xi..." ang tanging nasabi ni Jadd. Sumandal siya sa nakasarang pinto. At kung hindi niya napigilan agad ang sarili, baka dumausdos na lang siya paupo sa sahig.

Hindi man niya nababasa ang iniisip ni Xien, ramdam niyang tumaas ng ilang porsiyento ang takot nito. Hindi niya masisisi ang babae kung hindi na nito paniwalaan ang ipinangako niyang proteksiyon.

Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon