DALAWANG oras na nasa labas lang si Xien. Nabibigatan na siya kay Jadd pero pinilit niyang hindi kumilos. Latag na ang dilim nang dumating si Ben kasama ang grupo nito-hinahanap si Jadd para sa inuman na napag-usapan.
Nagulat ang tatlo nang matagpuan silang nasa likod-bahay, sa harap ng mga lumamig nang pagkain na hindi nila natapos. Nakahilig sa kanya si Jadd at tulog.
"May lighter ka ba, Ben?" tanong ni Xien sa bagong leader ng Owl. "Pakisindi ang ilaw." Itinuro niya ang lampara na nakakabit sa katawan ng puno, ang ginagamit nilang ilaw kapag late na ang hapunan.
Agad namang kumilos si Ben. Pagkasindi nito ng lampara, gusto niyang matawa sa mga kasamahan ni Jadd. Pare-pareho ang reaksiyon-napanganga at nagkatinginan.
"Dalawang oras na siyang tulog," sabi ni Xien, napansing lumipat sa mesa ang tingin ni Ben. Kumunot ang noo nito nang makita ang hindi nila natapos na pagkain.
"Ang gago," nakangising sabi ni Mags. "'Di pa nga uminom, bumagsak na?"
"Ano'ng nangyari diyan at nakatulog na lang?" tanong naman ni Riego. "Two hours? Baka naman may ginawa ka, Xien?" Magaan ang tono nito pero parang may bahid na katotohanan ang tanong base sa tingin.
Hindi sumagot si Xien. Hindi niya masisisi na mag-isip ng ganoon ang mga kaibigan ni Jadd. Paano nga naman makakatulog na lang basta ang lalaki kung galing lang kina Ben at nagluto pa, at malamang nangakong babalik para sa inuman?
"Ayaw mo bang uminom si Jadd kasama namin?" si Riego uli, nakaangat ang sulok ng bibig.
Si Ben ang lumapit sa kanila. Tinitigan nito si Jadd nang malapitan. Tinapik pa nito ang pisngi ng kaibigan.
Tiningnan ni Ben ang mga kasama. "Susunod na lang ako," sabi nito bago ibinalik kay Jadd ang tingin. Pagkaalis nina Riego at Mags, umupo si Ben sa tabi ni Xien. "Two hours ka nang parang poste rito. 'Pasok na natin sa loob?"
Tumango si Xien. Gusto na rin niyang ilatag sa kama ang katawan. Nangawit na siya sa bigat ni Jadd.
Nauna siya sa loob ng kubo. Sinindihan niya ang mga lampara sa kubo. Sumunod sa kanya si Ben na pinasan sa likod si Jadd.
Maging si Xien ay hindi makapaniwalang hindi man lang nagising ang bampira!
Nailipat na ni Ben sa kama si Jadd. Nakatitig pa rin ang leader ng Owl sa kaibigan. Salubong ang mga kilay nito, takang-taka sa himbing ng tulog ni Jadd.
"Ano'ng nangyari sa kanya?" Binalingan siya ni Ben pagkatapos ng ilang minutong pagtitig kay Jadd. "Bago nakatulog, ano'ng eksena?"
"Kumakain lang kami, Ben. Nagsikip ang dibdib niya, nahirapang huminga 'tapos nag-collapse na. Tinawag kita para magpatulong na dalhin siya sa ospital-walang sumagot sa tawag ko..."
"Umalis kami, Xien."
"Naisip ko nga. Nagkamalay naman siya pero natulog na pagkatapos. Inabot na ng dalawang oras."
"Kung ordinaryong tao 'yan, sinugod ko na sa ospital," sabi ni Ben. "Pero hindi-" Bigla itong tumigil at napatingin sa kanya. Nabigla lang yata. Parang hindi intensiyon na sabihin ang sinabi. "Alam mo ba ang..." Huminto na naman ito at tumingin nang deretso sa mga mata niya. "Na iba siya?"
Tumango si Xien. Hindi niya alam na inamin na pala ni Jadd sa kaibigan ang totoo. "Alam ko, Ben," sabi niya. "Alam na rin ba nila?"
"Ako lang," sabi nito.
Mas naintindihan niya kung bakit si Ben ang mas parang nakaintindi sa sitwasyon ni Jadd. Si Ben lang din ang walang sinabing kahit ano pagkakita sa kaibigan. "Ilang buwan ko nang napapansin na madalas na masama ang pakiramdam niya. Gusto ko na nga isiping rare case siya sa uri nila-may sakit sa puso." Umiling-iling si Ben. "Safe kaya 'yan o dalhin na natin sa ospital?"
"Sabi ni Rish, hayaan lang na magpahinga. Magiging okay naman daw siya. 'Pag bukas hindi pa siya maayos, ospital na-"
"Ayos lang ako." Boses iyon ni Jadd.
Napatingin sila ni Ben sa kama. Gising na nga si Jadd at pagkakitang naroon si Ben ay agad na bumangon. "Anong oras na?"
"Wala pang nine PM," sagot ni Ben. "Two hours kang tulog, pare! Ginawa mong poste si Xien sa labas!"
Lumipat sa kanya ang tingin ni Jadd. Hindi ito nagsalita pero ang tingin ay parang yayakapin na lang siya anumang sandali.
Napatikhim si Ben, agad nagpaalam na mauuna na. "Maghihintay ba kami o matutulog ka lang uli?" tanong nito na may kasamang panunukso.
"Susunod ako," sagot ni Jadd na hindi na inalis ang titig kay Xien.
Gustong takasan ni Xien ang malakas na kabog ng dibdib. Tumalikod siya para lumabas din ng kubo. "Mag-aayos pa pala ako sa likod-" Hindi na niya nagawa pang humakbang. Yakap na siya ni Jadd mula sa likuran.
Saglit yatang tumigil ang tibok ng kanyang puso. Napanganga siya at nagpigil ng hininga.
Naramdaman ni Xien ang paghinga ni Jadd nang malalim. Hinalikan siya nito sa ibabaw ng ulo at humigpit ang pagyakap.
"Ang bigat ko ba?" mahinang tanong nito. "Sorry, Xi..."
"O-okay ka na ba?"
"Okay na." Maingat siyang kinabig ni Jadd paharap. Tumutok ang titig nito sa kanyang mga mata. "Natakot ka?"
"Sino naman ang hindi matatakot? Bumagsak ka na lang bigla-"Napahinto si Xien nang kabigin siya ni Jadd at yakapin. "Nagko-collapse din pala ang-gaya mo?"
Huminga ito nang malalim. Parang mas gusto siyang yakapin kaysa makipag-usap.
"Tulog ka na, Xi. Late na ako uuwi."
"Puwede ka bang uminom? Baka hindi safe at may mangyari sa 'yo, Jadd."
"Hmm..." Umungol ito. "Iiyak ka ba kung mamatay man ako? Parang hindi. Hindi mo naman ako mahal-"
"Jadd, seryoso ako!" mariing putol niya. "Basta mag-iingat ka. Bumalik ka nang buhay..."
Magaan na tumawa ang lalaki. "Promise." Inulit nito ang halik, sa pagkakataong iyon ay sa noo na niya. "I'll be here tomorrow morning. Ako ang una mong makikita."
"Siguruhin mo lang."
"I will, babe."
"'Wag mo akong daanin sa pa-babe-babe mo! 'Wag kang maglalasing. 'Pag wala kang malay paggising ko bukas, masasaktan ka!"
Tumawa na naman si Jadd, inulit-ulit ang halik sa kanyang noo at sa ibabaw ng ulo. "Lagi mo naman akong sinasaktan. Sanay na ako." Para siyang manyikang ini-squeeze nito sa loob ng yakap. "Matulog ka na pag-alis ko, Xi. Ako na'ng magliligpit sa likod."
Hindi na umimik si Xien. Mas humilig lang siya sa katawan ni Jadd. At sa unang pagkakataon, gumanti na siya ng yakap.
"Parang ayoko nang umalis," sabi ng lalaki, kasunod ay umangat ang kanyang mga paa sa ere.
Napayakap siya sa leeg ni Jadd nang inikot-ikot pa siya habang buhat-buhat. Ngiti na lang ang naging reaksiyon niya. Hindi na iyon nawala hanggang inilapag siya ni Jadd sa kama.
"Good night, Xi."
Ngiti lang ang isinagot ni Xien. Ngiting binura ng maingat na halik ni Jadd sa kanyang mga labi.
"Bye, beautiful," bulong nito bago siya iniwan sa kama.
Iniwang lunod sa isang bago at walang pangalang damdamin.
TO PURCHASE AN EBOOK COPY CLICK HERE! 👇
"Jadd and Xien (Liwanag at Dugo)" by Victoria Amor is now available in E-BOOK format!
➡️ https://preciouspagesebookstore.com.ph/Product/Info/5282/Jadd-and-Xien-(Liwanag-at-Dugo)

BINABASA MO ANG
Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)
VampireUPDATED EVERY FRIDAY! Club Red spin-off. Unedited.