NABURA ang natitirang pagdududa ni Jadd sa kakayahan ni Irisha. Dalawa sa mga kaibigan niya ang nakabantay sa gate ng village. Nadaanan niyang naroon pa rin ang mga kaibigan sa kanya-kanyang puwesto, walang ini-report na kakaibang pangyayari o bagong mukhang pumasok.
Kung mortal si Jadd, hindi siya mag-aalala.
Pero hindi na siya mortal. At naramdaman niya agad ang bagong enerhiya na nasa loob ng village.
Alam ni Jadd na may ibang tao—mali, hindi tao—bampira na mas malakas kaysa sa kanya ang nakapasok nang hindi napigilan ng mga kasamang nagbabantay nang gabing iyon.
Nadaanan niyang hindi naman mukhang nasabak sa labanan ang mga kaibigan. Ibang kakayahan ang ginamit ng bampira. Walang ideya si Jadd kung ano pa ang mga kakayahan ng babaeng bampira na hindi niya alam kung ano talaga ang totoong sadya sa kanila ni Xien.
Ang sigurado ni Jadd, hindi matatapos ang gabi na hindi siya lalapitan ng bampirang "bisita" nila. Sinadya niyang maghintay sa labas ng kubo. Hindi niya iiwan si Xien na payapa ang tulog. Hindi niya hahayaan ang kahit sinong makalapit sa kubo nang hindi muna dadaan sa kanya.
Sa mga nagdaang oras, nakasandal lang si Jadd sa katawan ng paborito niyang puno. Paubos na ang laman ng tinutungga niyang bote ng alak, hindi pa niya maramdaman ang mas paglapit ng enerhiya. Magpapaabot pa yata ng madaling-araw ang unwanted visitor.
Mayamaya ay natigilan si Jadd—nawala ang nararamdamang enerhiya. Nagsalubong ang kanyang mga kilay. Nagmanman lang nang ilang segundo—nang mapamura siya. Ang enerhiya kasing naramdaman niyang nawala, bigla na lang bumalik na doble ang lakas!
Napamura si Jadd sa isip nang maramdamang nasa mismong likuran na niya ang iniisip na unwanted visitor.
Pabagsak na inilapag niya sa tabi ang bote ng alak. Hindi niya nilingon ang bagong dating. Naghintay lang siya ng unang atake. Kung siya ang susugurin, ayos lang. Ibang usapan na kapag ang kubo ang sinugod at si Xien ang sasaktan nito. Hindi man sapat ang lakas niya laban sa babaeng bampira, hindi niya papayagang makalapit ito kay Xien.
"Jadd."
Hindi tuminag si Jadd. Hindi pa man lumilingon, alam niyang ang babaeng bampirang umatake sa kanya sa abandonadong building at ang bisita nila ngayon sa village ay iisa. Iniisip pa rin niya ang posibleng pakay ng babae sa kanila ni Xien.
"Kailangan kita sa grupo ko," narinig niyang sabi nito bago inilantad ang sarili sa harap niya. Ilang segundong tumutok lang sa mukha ng babae ang titig niya, bago mabilis na humagod pababa hanggang sa mga paa nito. Puti ang suot ng babae hanggang sa sapatos. Hooded white pa rin ang jacket. Si Xien agad ang naalala ni Jadd. Paborito ng babae ang kulay puti sa mga damit.
Pero kung si Xien ay mukhang anghel kapag nakaputi, ang babae ay misteryo at takot ang bubuhaying pakiramdam sa kausap. May iba sa paraan ng pagtitig ng babae na nagpapatayo ng mga balahibo.
Tumawa si Jadd. "Sa lahat ng pagkakataong naramdaman at nakita kita, puti ang suot mo," sabi niya, walang balak itago ang naisip. "'Wag kang magpanggap na anghel. Nararamdaman ko ang lakas mo. Hindi ka ordinaryong kauri." Inabot niya uli ang bote ng alak at uminom. "Ano'ng kailangan mo sa isang kauri na alam mong mas mahina kaysa sa 'yo?" At pabagsak niyang inilapag uli ang bote na halos wala nang laman.
"Ang pinagsamang lakas ng mahihina ay maaaring tapatan ang lakas ng iisang nilalang lang—gaya ko. Hindi posible ang isang matatag na grupo kung wala akong magiging tapat na mga kakampi, Jadd."
Nagsalubong ang mga kilay ni Jadd sa sinabi ng babae. Kakampi at hindi kaaway ang rason nito sa paglapit? Gusto siya nitong maging kakampi? Muntik na siyang tumawa nang mapakla.
BINABASA MO ANG
Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)
VampireUPDATED EVERY FRIDAY! Club Red spin-off. Unedited.