BUHAY ang engine ng van at naka-aircon sila sa loob. Nahulaan na ni Xien na naniniguro si Irisha na walang ibang makakarinig sa pag-uusapan nila. Magkakasunod silang pumasok sa van. Si Jadd ang nagsara ng pinto pagkapasok nilang tatlo. Bumalik ito sa driver seat, umupo at nanahimik na. Si Irisha ang nasa tabi nito sa unahan.
"May mga tanong kayo," basag ni Irisha sa katahimikan. "Kung sasabihin ko ang mga dapat kong sabihin, mga pagdududa lang ang mabubuo sa isip n'yo. Itanong n'yo muna 'yan lahat bago ko ilatag ang mga dapat n'yong malaman."
Katahimikan.
May napatikhim, kung si Redah o si Ruri, hindi sigurado ni Xien.
Parang walang gustong maunang magsalita kaya si Xien na ang nagtanong. Gusto niya ng kumpirmasyon. "Si Catarina at ang mga kasama niya, bampira ba sila?"
"Oo," deretsong sagot ni Irisha. "Mga bampirang galing sa Fedeus."
"Kakampi o kaaway sila, Miss Rish?" Si Redah ang nagtanong.
"Ang mga tagasunod ni Catarina, tumatanggap at sumusunod lang sa utos. Si Catarina, hindi ko pa alam. Isa sa mga unang misyon ng Liwanag na gusto kong tutukan at tapusin agad ay ang alamin kung sino sa mga Fedeo na nasa Pilipinas ang kakampi o kaaway."
"Ano'ng kapalit ng kalayaan namin?" Si Ruri naman ang nagtanong.
"Isang pabor," sagot ni Irisha. "Na walang kinalaman sa Liwanag."
"Ikaw ang kailangan nila? Hindi ang Owl o si Xien?" Si Jadd ang nagtanong.
"Ako," si Irisha uli sa mababang boses. "Ginamit ni Catarina ang mga mortal na may koneksiyon sa Owl para magkaroon ng mukha ang grupo mo, Jadd. Gamit ang mga taong mahalaga sa inyo, natukoy ni Catarina ang Owl member na may koneksiyon sa akin—ikaw."
Mas naintindihan ni Xien kung bakit ganoon na lang sila kadaling pinalaya, pati ang iba pang mortal na binihag.
"Hindi ordinaryong bampira si Catarina." Si Jadd naman ang nagsalita. "Sino siya?"
"Chosen One—espesyal na babaeng nakatakda para gampanan ang mahalagang papel sa buhay ng mga Fedeo—dati. Ganap na siyang bampira ngayon. Ibig sabihin, mas malakas kaysa sa ordinaryong bampira ng Fedeus." Ang mga sumunod na sinabi ni Irisha ay iba pang detalye tungkol sa Chosen One at Guardian, ang halaga ng dalawang binanggit sa bawat Fedeo, ang tungkulin, responsibilidad, panganib at kaligtasan. Nagpatuloy si Irisha hanggang ipinakilala na rin sa kanila ang kasaysayan ng New Fedeus.
Mahahabang minutong tahimik silang lahat. Pagbaling ni Xien kay Ruri, nakanganga ito. Halatang hindi makapaniwala. Si Redah, nakaangat ang kilay na sumulyap kay Ruri. Sinasabi ng tingin na, "ano, tatawa ka pa?"
Pero ang hindi inaasahan ni Xien na walang ligoy na tanong, galing kay Redah.
"Bampira ka rin ba, Miss Rish?"
"Bago ka magtanong, alam mo na ang sagot, Red."
Napabuga ng hangin si Redah, sumandal sa kinauupuan.
"Kailangan mo ba talaga kami?" tanong ni Jadd sa walang emosyong tono.
"Kailangan ko ng mga tapat na kakampi," sagot ni Irisha. "Mga kakamping kikilos kasama ko para maging madali ang bawat mahirap na misyon. Ang Araw, walang halagang kuwintas lang kung suot ng maling mortal. Hindi gigising ang mahika ng Araw kung wala ang pinagsamang lakas ng puso at isip ng mga Rayos. Nasa kuwintas na suot n'yo ang bahagi ng kapangyarihan ng pinakamalakas na Livin ng Fedeus," patuloy ni Irisha. "Pero para lang malinaw sa lahat, at gusto kong tandaan n'yo: Hindi ko binuo ang Liwanag para isalang ang mga Rayos sa laban ko sa mga Fedeo ng dilim. Hindi kayo pain na ihaharap ko sa kaaway para hindi tumagos ang atake na para sa akin." Nilingon sila ni Irisha at isa-isang tinitigan sa mga mata. "Hindi ko hihilingin ang higit sa kaya n'yong ibigay. Ang kailangan ko lang, katapatan at tiwala."
Mga dalawang minutong katahimikan ang dumaan sa loob ng van.
"Xien," si Irisha.
Bumalik sa unahan ang mga mata niya.
"Kakampi ba kita?"
"Ibabalik ko ang Araw kung hindi na," sabi niya. "Pero may request ako—kung tatayo ako sa tabi mo, sana huwag mong iwan ang space mo 'pag kailangang ko ng makakapitan."
"Hindi ako nang-iiwan ng kakampi, Xien."
Ngumiti na siya nang magtama ang mga mata nila.
"Jadd?" Ang lalaki naman ang binalingan ni Irisha.
"Kung para sa Liwanag ang laban mo, lagi akong nasa likod lang."
"Red?"
"Game ako hanggang kaya ng bilbil, Miss Rish!"
"Ruri?"
"Sa totoo lang, hindi ko alam kung ba't mo ako pinili," sabi ni Ruri. "Sa gitara at pagkanta lang naman ako magaling. Physically, ang hina ko. Baka pitik lang ng bampira, talbog na ako, eh. 'Yong binanggit kong kakayahan, hindi ko pa rin nga naiintindihan hangggang ngayon. Hindi rin laging nangyayari. May mga instances lang. I'll be honest, tinanggap ko lang ang kuwintas kasi nasa group si Kuya Jadey. Believe it or not, iniisip ko kung paano ako naging deserving sa spot ko sa Liwanag." At tumawa ito nang walang laman. "Ang haba na ng speech ko."
"Go on," si Irisha.
"Gamitin mo ako," patuloy ni Ruri at huminga nang malalim. "Kung saan ako may silbi. Ayos lang sa 'kin. It's good to know I am somehow... needed. Ten years ko nang iniisip kung ano'ng silbi ko sa mundo, eh."
"Baka kailangan mong kumain muna nang marami bago ka tumanggap ng assignment sa Liwanag, kid."
"Grabe ka sa akin, Kuya Jadey!"
"Actually, may point si Papa Jadd," sabi naman ni Redah. "Kung may way lang para ilipat sa 'yo ang taba ko, nag-share na ako, girl!"
"Isa ka pa, eh!"
"Bawasan kaya ang gig? Focus muna sa maraming tulog at maraming kain, RR," si Jadd uli.
"May buhay kayo sa labas ng Liwanag," sabi uli ni Irisha. "Hindi 'yan mawawala. Ilang oras lang sa bawat araw ang ibibigay n'yo sa grupo. Sa susunod na anim na buwan, marami akong ituturo."
BINABASA MO ANG
Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)
VampireUPDATED EVERY FRIDAY! Club Red spin-off. Unedited.