Part 38

434 31 23
                                    

ANG mga itim na halimaw ay Lagalag. At ang mga Lagalag ay mga aswang na pumapatay, sa isip ni Xien. Nasa likod siya ng kubo, nakaupo sa ugat ng paboritong puno ni Jadd, may hawak na walis at nakatitig sa umuusok na mga tuyong dahon.

Lubog na araw nang magsimula si Xien na magsiga para mawala ang mga lamok sa kubo. Katatawag lang ni Jadd kanina. Magdadala raw ito ng hapunan kaya huwag na siyang mag-abalang magluto. Simpleng 'sige' lang ang sagot niya. Ang pinipigilang ngiti, pinalaya lang niya nang tinapos na ni Jadd ang tawag.

Si Jadd...

Mas lumuwang ang ngiti ni Xien. Dalawang araw na ang lumipas pagkatapos ng halik ng lalaki na ginulat siya. Akala niya, may magbabago sa pagitan nila. Na mag-iiba ang trato ni Jadd sa kanya. Na mararamdaman niya ang mas paglapit nito, o magde-demand ng katugon ang mga kilos-pero nagkamali siya. Walang nagbago kay Jadd. Ito pa rin ang lalaki-na bampira man ay pinagkatiwalaan niya. Ganoon pa rin ang mga kilos nito na dahilan kung bakit siya napanatag sa kubo, kung bakit siya nagtiwala. Wala siyang naramdamang nag-iba, at natutuwa siya.

Hindi pala niya kailangang ma-pressure o matakot pagkatapos ng halik. Ramdam niyang ligtas pa rin siya sa kubo ni Jadd.

Magaan na pakiramdam, saya, at kilig ang hatid kay Xien ng halik at yakap ng lalaki. Pabalik-balik iyon sa kanyang isip at lagi siyang napapangiti. Pero hindi lang iyon ang nasa isip niya. Hindi rin niya gustong mag-focus sa mga bagong pakiramdam. Hindi siya dapat mawala sa dahilan kung bakit siya lumalaban sa buhay-ang pamilyang gusto niyang mabuo.

Ang mga itim na halimaw na mga Lagalag pala ang itinuturo ng imbestigasyon ni Jadd na interesado sa dugo nilang magkakapatid. Ang takot ni Xien hanggang nang mga sandaling iyon, ang posibilidad na Lagalag ang dumukot kay Dream...

"Hi, girlfriend," boses ni Jadd na nagpapitlag sa kanya.

Napakurap si Xien, naging malinaw ang imahe ng siga na umuusok pa. Nilamon pala siya ng iniisip. Hindi niya namalayang nakalapit na si Jadd.

Nag-angat siya ng tingin. Hindi niya narinig ang tunog ng motorsiklong dumating. Baka iniwan nito sa garahe ng Owl, sa likod iyon ng kubo ni Mags.

Ngumiti si Xien nang magtama ang mga mata nila ni Jadd. "Naglakad ka lang?" Napansin niya ang dala nitong dalawang puting plastic bags sa isang kamay, mangkok naman sa isa pang kamay.

"Mga one hour na ako diyan kay Ben," sabi ni Jadd. "Nagluto lang kami."

"Ah." Tumango si Xien, tumayo na at nagdagdag ng mga tuyong kahoy sa siga. Si Jadd naman ay nag-aayos na ng pagkain sa mesa. Ito na rin ang pumasok sa kubo at kumuha ng kutsara't tinidor, baso at pitsel ng tubig. Inilapag muna nito sa mesa ang mga kinuha bago siya nilapitan.

"Parang ang lalim ng iniisip mo," puna ni Jadd, naramdaman ni Xien ang magaan nitong hawak sa kanyang baywang at inalalayan siya palapit sa mesa. "May inaalala ka, Xi?"

Pag-angat niya ng tingin, lumapat sa kanyang noo ang mga labi ni Jadd.

"Na-miss kita, girlfriend." Dumaan ang kamay nito sa kanyang buhok.

Bago sa kanya ang mga ginawa nito. Ang halik sa noo, haplos sa buhok, at na-miss kita, girlfriend na linya.

Hindi alam ni Xien kung ano ang dapat niyang reaksiyon kaya ngumiti na lang siya at sa tanong na lang nag-focus. "Hindi pa ba confirmed na Lagalag ang kumidnap sa babaeng nawawala sa kabilang bayan?"

Hinila ni Jadd ang mahabang upuan para makaupo na sila. Saka lang nakita ni Xien ang mga nasa mesa. Tinolang manok na mainit pa pala ang nasa mangkok. Ang nasa plastic bag naman ay mga nakabalot sa dahon ng saging na ang hula niya ay kanin. Naamoy niya ang bango ng dahon na dumaan sa apoy.

Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon