NASAGOT ang tanong ni Ruri pagkalipas ng magdamag. Dumating si Irisha para sunduin sila. Kalmadong-kalmado ang babae nang dumating. Walang makikitang emosyon sa mukha at mga mata.
"Ayos lang kayong lahat?" iyon lang ang tanong ni Irisha nang pumasok sa kuwartong iyon kasama si Catarina at ang dalawang parang bodyguards ng babae.
Kay Catarina tumutok ang tingin ni Xien. Naramdaman niya kasi ang titig nito—at tama siya, sa kanya nga ito nakatingin. Nagtama ang mga mata nila. Ngumiti ang babae. May kakaibang epekto sa kanya ang kakaibang ngiti nito. Hindi niya alam kung siya lang o ramdam din ng mga kasama ang kakaibang dating ni Catarina.
Parang naglalakad na misteryo ang babae. At alam ni Xien na walang paraan para malaman niya kung ano ang nasa likod ng gandang iyon.
Pinalabas sila ng kuwartong iyon na parang wala lang. Inutos ni Irisha na si Jadd na ang mag-drive sa van at umuwi na sila. Tumingin agad kay Irisha si Jadd na halatang nagduda at hindi gusto ang nangyayari.
"Puwede kaming maghintay," sabi nito na nakatingin nang deretso sa mga mata ni Xien.
Ilang segundong nagtama ang mga mata nila. Napansin ni Xien ang bahagyang pagtango ni Irisha.
"Sa village muna kayong lahat. Hintayin n'yo ako do'n."
Magkakasunod na silang lumabas ng kuwarto—na isa lang pala sa mga kuwarto sa bahay na iyon na luma na base sa mga nadaaanan ng tingin ni Xien sa loob at sa outside view. Parang bahay ng mga naunang henerasyon.
Nang umandar na ang van palayo, si Redah ang bumasag sa katahimikan.
"Mga kaaway sila ni Miss Rish," sabi nito, hindi tanong. "Pinakawalan tayo pagdating niya—ibig sabihin, siya ang kailangan nila. Wala ba tayong gagawin? Baka test 'to sa pagiging Rayos natin. Parang hindi tamang iniwan natin siya—"
"'Yon ang utos," walang emosyong sabi ni Jadd. "Wala tayong magagawa para kay Irisha. Siya lang ang katapat ng mga kidnaper natin."
"Siya lang ang may kakayahan," sabi naman ni Xien. Bampira din si Irisha kaya kung sa labanan ng lakas at kapangyarihan, ang leader lang nila ang makakatapat sa nahuhulaan niyang lakas ng kapangyarihan ni Catarina at ng mga alalay nito. "Gustuhin man nating tumulong, wala tayong laban. Iba sila..."
"Anong iba, Xien?" Si Ruri ang nagtanong na nasa tabi ni Jadd sa unahan. Nahuli pa ni Xien ang pagsulyap ni Jadd sa rearview mirror.
"Mas maipapaliwanag ni Jadd. Siya ang nakalaban, eh."
"Bampira," biglang sabi ni Redah. Natapakan ni Jadd ang brake. Naalog silang lahat. "Sana mali ako."
Tumingin uli si Jadd sa rearview mirror pero hindi nagsalita.
"Naniniwala kang totoo ang bampira?" tanong ni Ruri na parang gustong tumawa.
"Naniniwala ako sa maraming posibilidad sa mundo," sabi ni Redah. "Kung walang unexplainable sa mundo, wala sanang gaya mo, gaya natin. Gets mo?"
"Bampira talaga, ha?" Tumawa na si Ruri. "Sa movie lang 'yon!"
"Sa movie, may gaya mo, 'di ba? O bakit ikaw, totoo ka? Sige nga, i-explain mo."
Natahimik si Ruri.
"Tama si Redah," sabi ni Jadd na sa wakas ay nagsalita rin. "Sa mundo, maraming posibilidad."
"Naisip ko rin ang iniisip ni Redah," sabi naman ni Xien. Kung hindi sinuportahan ni Jadd ang sinabi ni Redah, mananahimik na lang sana siya. "Buhay pa kasi noon ang lola ko, naniniwala na kaming magkakapatid na may mga nilalang na iba sa atin—engkanto, kapre, aswang, tiyanak... at bampira."

BINABASA MO ANG
Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)
VampireUPDATED EVERY FRIDAY! Club Red spin-off. Unedited.