Part 33

430 31 16
                                    

TAHIMIK na sumasabay si Xien sa paglalakad ni Jadd. Galing sila sa katatapos lang na dawn meeting sa gubat. Isang oras na pisikal na ehersisyo at kalahating oras na pagsasanay sa lakas ng isip ang ginawa nila. Gustong masiguro ni Irisha na buo ang lakas ng Liwanag. Hindi basta-basta lang ang laban na haharapin nila.

Naging malinaw na sa kanilang mga Rayos ang misyon—ang palabasin ang totoong lakas ng isa sa mga tinatawag na 'Treasure' ng mga bampira. Nagpaliwanag si Irisha, inisa-isa ang detalye na kailangan nilang malaman at nagbigay ito ng instructions.

Sa gitna ng pagsasanay nila ng pag-iisa ng mga enerhiya kanina, dumating ang isa sa mga bampirang nakasabay nila sa hapunan nang nagdaang gabi—si Zefro. Tahimik na pinanood nito ang ginagawa nila hanggang matapos. Nag-usap ang lalaki at si Irisha nang ilang minuto, habang sila, tuloy sa nakasanayang meditation bago at pagkatapos ng pagsasanay.

Hindi na sila magkakasabay na bumalik sa lumang mansiyon. Mas naunang bumalik si Irisha nang sunduin ni Vio. Si Redah naman, nagpasama kay Zefro na maglibot sa gubat. Si Ruri ay guguluhin daw ang planong magpa-cute ni Redah sa bampirang sobrang tahimik pero mabait naman pala, kaya sumama na rin sa dalawa.

Sina Xien at Jadd na lang ang magkasabay na bumalik sa lumang mansiyon. Hindi alam ni Xien kung ano ang iniisip ng lalaki at tahimik din. Siya, ang tungkol sa itim na halimaw at sa misyon nila sa lugar ang iniisip.

Ang itim na halimaw kaya ang isa sa mga nilalang na gustong makuha ang dugo nilang magkakapatid?

Hindi bampira...

"Ang tahimik mo, Xi." Boses ni Jadd na pumutol sa pag-iisip niya. "Ano'ng iniisip mo?"

"Marami."

"Ang misyon natin?"

"Kasama na," sabi niya. "Unang beses nating susubukan ang lakas ng Liwanag. Medyo kinakabahan ako. Handa na ba talaga tayo? Espesyal ang babaeng haharapin natin."

"Mas magandang masubukan na kung hanggang saan ang kakayanin natin."

"Mas malakas ka naman kasi sa amin," sabi ni Xien kay Jadd. "Wala ka talagang dapat isipin."

"You're ready, Xi. Trust yourself. Mas malakas ka kaysa sa iniisip mo. Ngayon ka pa ba magdududa sa kakayahan mo? Kung noon nga na wala ka pang kakayahang lumaban, tumira ka na sa kubo ng bampira na hindi natakot, ngayon pa bang kayang kaya mo nang protektahan ang sarili mo?"

Sulyap lang ang sagot ni Xien sa sinabi ni Jadd. Hindi na niya sasabihing wala naman siyang naramdamang panganib kapag nagkakaharap sila noon. Mas madaling mapanatag kung payapa ang kanyang puso.

"Napag-aralan ko na kasi ang perpektong pagsaksak sa puso mo kaya hindi na ako natakot," magaan niyang sagot. "Alam ko na rin kung saan ka laging nakapuwesto at kung anong oras ka gising o tulog. Madali na lang gumanti kung may ginawa kang masama."

Pagbaling ni Xien, nakangiti si Jadd at patingin-tingin sa mga dahon ng puno. "Hindi mo talaga aaminin na nabihag ka ng charm ko kaya ka sumama sa village, Xi?"

Natawa siya. "Sige lang, bilugin mo pa 'yang ulo mong lolobo na sa sobrang hangin. Charm pala, ah?"

Sinulyapan lang siya ni Jadd, ngingiti-ngiti na parang may kahulugan. Ilang ulit nitong ginawa iyon—ang sumulyap at ngumiti.

Hindi na napigilan ni Xien ang sarili, hinampas niya ang mahanging bampira, na nakailag nga lang agad. Ilang beses pa niyang inulit ang hampas na hindi tumama rito.

Nang tumawa pa si Jadd, naasar na si Xien. Hindi na niya ito tinigilan hangga't hindi nasasaktan. Namalayan na lang niyang naghahabulan na sila sa kakaiwas nito sa atake niya.

Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon