HANDA na kayo?
Sa gitna ng malalim na katahimikan, dalawa na lang ang malinaw kay Xien—ang boses ni Irisha sa isip niya at ang init ng araw sa tapat ng kanyang puso. Ang init na iyon ang hudyat na handa na siya bilang isa sa Rayos.
Handa na ako, Rish.
Sa ilang beses na ginawa nila ang pag-iisa ng lakas, si Irisha na nasa gitna nila ang nagsisilbing Araw kung saan nakakonekta silang lahat bilang mga Rayos. Nag-iisa ang mga mahika ng kuwintas at ang lakas nilang lima.
Sa araw na iyon, ang papel nila bilang mga Rayos ay maging kaisa ni Irisha sa pagpalalabas ng lakas ng Liwanag. Dalawa lang ang Bulong na kailangan nilang gawin—Bulong ng Hiling at Bulong ng Proteksiyon. Sa bulong ng Hiling, sama-sama nilang pakakawalan ang mga enerhiya at hahayaang kontrolin ni Irisha. Ang babae, bilang Araw nila nang sandaling iyon, ang may kakayahang gamitin ang enerhiya laban sa kaaway. Ang Bulong ng Proteksiyon naman ay gagawin nila kapag pinakawalan na ni Irisha ang kanilang mga enerhiya. Kailangan nilang gamitin ang pinagsama-sama nilang lakas at mahika ng Araw para gamiting proteksiyon sa sarili. Maliban sa dalawang uri ng Bulong, wala na silang ibang dapat gamitin.
Ang 'kaaway' na kaharap nila nang sandaling iyon ay si Crissa, isa sa tatlong Treasure ng mga Feeders. Ang misyon ng Liwanag, palabasin ang kapangyarihan ni Crissa sa pamamagitan ng pag-atake sa kahinaan ng babae—si Zefro, na pinagkakatiwalang Maestro ni Crissa at kaibigan ni Irisha.
Simulan na natin, muli ay utos ni Irisha.
Huminga nang malalim si Xien, isinara ang isip sa lahat ng uri ng ingay at tunog. Sa mga pagsasanay nila sa Liwanag, inabot ng taon bago siya nagtagumpay na magawa iyon.
Ramdam ni Xien ang init sa dibdib na parang mahinang hangin na humahagod at kumakalat sa buo niyang katawan. Parang hinihigop ng init na iyon ang lamig sa bawat parte ng katawan niya hanggang sa maramdaman ang parang bolang enerhiya sa kanyang loob.
Ngayon na. Boses iyon ni Irisha, ang hudyat na kailangan na ni Xien na pakawalan ang bolang enerhiya.
Kung ano man ang nangyayari sa paligid, dapat ay walang epekto sa kanilang apat. Walang kahit anong tunog o ingay na dapat makapasok sa malalim na katahimikan. Si Irisha ang mga mata nila nang mga sandaling iyon. Ang pagkabasag ng konsentrasyon ng sinuman sa kanilang apat ay kahulugan ng pagkabigo nila sa misyong iyon.
"Isang puso na balisa at nababalot ng agam-agam," boses uli ni Irisha, kasunod na narinig ni Xien ang Bulong para sa lakas. Naramdaman niya ang mas paglakas ng init ng Araw. "Hahayaan mo ba siyang mamatay?" Si Zefro ang tinutukoy ni Irisha.
Hindi man nakikita ang nangyayari, ramdam ni Xien na nakakulong na si Zefro sa pinagsama-sama nilang lakas, at kapangyarihan ni Irisha.
Malalim na katahimikan na naman.
"Palayain si Zefro!" pagkaraan ng ilang segundo ay utos ni Irisha.
Huminga nang malalim si Xien, umusal ng Bulong ng Proteksiyon.
"Hindi mo siya kayang protektahan o ayaw mo lang gawin?" Si Crissa ang kausap ni Irisha. "Ayaw mong gawin dahil iniisip mong nagmamahal siya ng iba at nasasaktan ka!
"Hindi ka karapat-dapat. Hindi ka karapat-dapat maging kaisa ng Bato ng Buhay sa kasalukuyang estado ng puso mo. Makasarili ka. Sarili mo lang ang iniisip mo, Crissa—kung gaano ka nasasaktan, kung gaano ka nahihirapan! May nagawa ka na ba para sa iba? Magagawa mo bang mabuhay para sa ibang tao? Makakaya mo bang ibigay ang buhay mo para sa kaligtasan nila?"
BINABASA MO ANG
Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)
VampireUPDATED EVERY FRIDAY! Club Red spin-off. Unedited.