Part 36

446 30 8
                                    

Owl Village

"JADD?"

Mula sa pagmamasid sa hawak na mga sketch, nilingon ni Jadd si Xien. Kalat na ang dilim nang sandaling iyon. Tahimik na tahimik ang Owl Village. Ang Owl na nasa ilalim na ng bagong pinuno ay alerto at nakaposte na sa bawat entrada ng komunidad. Bumaba man si Jadd sa posisyon, nanatiling bukas ang village para sa lalaki, at para kay Xien na kasama nitong nasa kubo.

Isang linggo na ang lumipas mula nang makabalik sila sa village. Nagawa nila nang tama ang unang pagsubok ng Treasure pero hindi pa pala tapos ang lahat. Binigyan sila ng ilang araw para bumalik sa sari-sariling mga buhay. Pagkatapos, ipatatawag silang muli sa lumang mansiyon ng mga Feeders para sa bagong pagsasanay.

Si Irisha ay nanatili ng ilang araw sa village bago bumalik sa Laguna. Sina Ruri at Redah ay bumalik sa mga itinuturing na pamilya para sa ilang araw na kalayaan. Sina Xien at Jadd ay dalawang araw lang ang ibinigay na bakasyon ni Irisha. Bago umalis ng Owl Village ang babae, binigyan sila nito ng bagong trabaho—ang hukayin ang nakaraan ng mga taong nasa sketches na ngayon ay hawak ni Jadd. Mga babae iyon na may kanya-kanyang kuwento ang angkan. Karamihan sa mga babae sa sketches mula kay Irisha ay maraming taon o dekada nang patay. Ang trabaho nina Xien at Jadd ay alamin kung sinong mga kadugo ng mga babaeng iyon ang nabubuhay pa. Kailangan nilang malaman kung sino sa mga babae ang nakilala o napaugnay sa isang babaeng kilala ang pangalan sa islang pinanggalingan ni Xien—si Irama, na ang sketch ay iniwan din ni Irisha.

Wala silang ideya ni Jadd kung sino ang babae. At kung tama si Xien, siglo o mga siglo na ang nakararaan mula nang mamuhay ito sa isla.

Sa totoo lang, boring ang trabahong iyon para kay Xien kaya ipinaubaya na niya kay Jadd. Nabuhay lang ang interes niya nang makita sa natitirang huling sketches na hawak ni Jadd na naroon at kasama si Lola Citas!

Bakit kailangang masama sa mga babaeng iyon ang kanyang lola? At lalo na siyang napaisip nang ipasa sa kanya ni Jadd ang bagong impormasyon—na kailangan nilang maiugnay kay Irama ang sinuman sa mga babaeng nasa sketch para sa isang mahalagang ritwal na kailangang makuha ni Irisha kung paano isagawa nang tama. Kung hindi nila magagawa iyon at umabot sila sa takdang panahon, manganganib ang lahat ng Feeders na nasa panig ng Liwanag.

Bago umalis si Irisha, nakausap ito ni Xien. Binanggit ng babae na wala siyang dapat ipag-alala. Ligtas si Abby sa kinaroroonan nito. Kinontak din niya si Nirvina at maayos naman daw si Abby. Naghihintay pa rin daw sa kanya ang kapatid. Hindi lang maintindihan ni Xien ang huling text ni Nirvina—na magpapalit na naman daw ito ng numero kaya huwag nang tawagan ang numerong iyon. Nagtanong siya pero wala nang naging sagot si Nirvina.

"Xi," tawag ni Jadd at nilingon siya.

Pagbaba ng tingin ni Xien, napansin niya na ang nasa ibabaw ng mga sketch na hawak ng lalaki ay mukha ni Lola Citas.

"Gising ka pa?"

"Hindi ako inaantok," sabi niya at naupo sa tabi nito sa balkonahe ng kubo.

Kaharap ni Jadd ang laptop na dinadala nito sa bayan kapag kailangan nila ng Internet connection. Computer lang ang ginagamit nito sa kubo para magbasa ng mga nakuhang impormasyon.

"May mga bago ka bang nalaman?" tanong ni Xien.

"Hindi masyadong makakatulong. Walang nagli-link sa kanila kay Irama. Si Irama na wala akong makuhang kahit ano liban sa mga impormasyong ipinasa ni Rish. Wala sa mga nakita kong pictures ang nagma-match sa kanya, Xi. Hindi siya importanteng bahagi ng kasaysayan ng mga probinsiyang iniisip kong maaari niyang pagmulan."

"Wala pa ba tayong nabubuo kahit hypothesis lang?"

Umiling si Jadd na sinundan ng paghinga nang malalim. "Pero may iisang common sa mga babaeng ito..." Iniangat nito ang kamay na may hawak na mga bond paper kung saan nakaguhit ang mga mukhang tinutukoy. "Lahat sila ay may kuwento ang angkan."

Hindi na nagtaka pa si Xien. Naroon at kasama sa mga sketch ang kanyang lola na sinunog ng mga mamamayan dahil sa maling bintang. At hanggang ngayon mismo ay hinahabol silang magkapatid ng panganib dahil sa 'kuwento ng angkan' na binanggit ni Jadd.

"Ano'ng mga kuwento?"

"Kilala ang angkan nila bilang mga albularyo, manggagaway, mangkukulam, manghuhula at..." Tumigil si Jadd at tumingin sa madilim na paligid sa labas.

"At ano?" udyok ni Xien.

"At aswang, Xi."

Hindi siya umimik, tumango lang. Kung hindi siya naging isa sa apo ni Felicitas Magdiwa, tatawanan niya ang ganoong impormasyon. Hindi niya magawa dahil patunay ang buhay nilang magkakapatid sa isang tagong katotohanan na sa modernong panahon ay hindi na pinaniniwalaan ng karamihan. Lingid sa mga hindi naniniwala, ang mga kuwentong tinatawanan ng mga tagasiyudad ay totoong mga kuwentong may pinag-ugatan at may kalakip na mga totoong karanasan.

"Hindi talaga nagkakamali ang mga nakukuha mong impormasyon," sabi ni Xien, sinulyapan ang sketch na hawak ni Jadd. "Kaya tiwalang-tiwala sa 'yo si Rish." Inabot niya ang sketch. "Si Lola Citas," sabi niya na nakatitig sa mukha ng namatay na lola. Kahit hindi itanong, alam niyang kilala rin ito ni Jadd at alam ang totoo nilang kaugnayan sa isa't isa. "Salot sa baryo at manggagaway," patuloy niya sa mahinang boses. "'Yon ang paratang nila kay Lola bago siya pinatay sa kasumpa-sumpang paraan. Hindi totoo ang paratang nila. Manggagamot si Lola Citas. Nakita naming magkakapatid na wala siyang sinaktang tao. Hindi namin maintindihan hanggang ngayon kung paanong ang mga taong nagtiwala kay Lola ay siya ring mga taong nagtakwil at pumatay sa kanya..." Pagbaling niya sa madilim na paligid, nakita ni Xien sa isip ang maningas na apoy na kumuha sa buhay ni Lola Citas, at ang madilim na kagubatang sinuong nila para makatawid ng bayan, ng dagat, at ilan pang bayan para humanap ng isang bagong tahanan.

"No'ng nakita kong kasama ang lola mo sa mga sketch na galing kay Rish, sa kanya ako nag-umpisang maghukay ng impormasyon. Sa panahon ng lola mo, Xi, may dalawang angkan sa probinsiya ang maingay rin ang pangalan." Kumilos ang mga kamay ni Jadd, hinanap sa mga sketch ang tinutukoy at iniabot sa kanya. "Ang angkan ni Iluminardo at angkan ni Margarita. At sa ibang probinsiya, may iisang angkan na pinagmulan ng sinasabing 'kakaibang uri ng pamumuhay' na pinanggalingan ng maraming matatandang kuwento na hanggang ngayon ay pinaniniwalaan ng mga tulad natin—angkan ni Sayanara. Isa silang malaking angkan na nahati na sa dalawang dibisyon. May kilalang tawag ang mga tagaisla sa mga dibisyon na iyon—ang mga 'Sugo' at mga 'Lagalag'."

"Si Margarita lang ang medyo natatandaan ko, Jadd," sabi ni Xien. "Marami sa mga ginagamot noon ni Lola Citas ay si Margarita ang itinuturong dahilan ng pagkakasakit."

"Angkan ng mambabarang ang angkan ni Margarita."

Tumango-tango si Xien. Kumilos naman si Jadd, naging abala ng ilang segundo sa laptop nito.

"Si Iluminardo?"

"Si Iluminardo ay mula sa angkan ni Sayanara. Lumipat siya ng Capiz matapos tumiwalag. Kabilang siya sa mga Lagalag na bumuo ng bagong grupo para lumaban sa mga Sugo. Si Iluminardo ang naging pinakamalakas na banta sa sarili niyang angkan. Marami ang naging tagasunod niya at napaniwalang ang pinamumunuan ni Iluminardo na nabahaginan ng kanyang dugo ang mga totoong Sugo at hindi ang angkang iniwan niya. Ang mga tagasunod ni Iluminardo ay pinangakuan niya ng habang-buhay na liwanag."

Kumunot ang noo ni Xien, nagpalipat-lipat ang tingin sa tatlong mukha sa sketches. Ang mukha ni Margarita ay matandang nakapusod ang buhok at matalim ang mga mata. Si Iluminardo ay bigotilyo, balbas-sarado, at mahaba ang buhok. Si Sayanara naman ay magandang babaeng elegante ang hitsura at may hawak na pamaypay.

"Kung si Margarita ay mambabarang, ano eksakto ang angkan na tinatawag ang mga sariling Sugo at Lagalag, Jadd?"

"Aswang."

"

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon