PUMIKIT si Jadd nang maramdamang hindi na siya mag-isa. Pinili niya ang puno sa likod ng kubo kaysa sa puno sa harap na paborito niya. Mas malilim ang puno sa likod. Hindi muna niya gusto ng kahit anong klase ng liwanag kaya doon siya nagpalipas ng oras.
May ilang oras nang hindi kumikilos si Jadd, nakatitig lang sa malayo. Walang hanggang dilim ang nakikita niya. Hindi niya gustong kumilos. Kung posible nga na lumamon ng tao ang dilim, baka ipinagpilitan na niya ang sarili. Ang bigat ng pakiramdam niya.
Sobrang gulo ng kanyang isip.
Ang kanyang puso, ang bigat-bigat na.
Ilang gabi na ba siyang miserable pagkatapos ng pag-uusap nila ni Catarina?
At kanina lang, nag-iisip na si Jadd na humingi ng kahit anong armas kay Irisha. Armas na makakapatay agad ng bampira. Mas kakayanin niya ang sakit bago siya maging abo. Ang galit ni Xien ang hindi niya kakayaning tanggapin kapag nalaman nito ang totoo.
Bumaling si Jadd sa direksiyong ramdam niyang naroon si Irisha. Ilang segundong sinalubong nito ang tingin niya bago humakbang palapit. Walang sinabi ang babae, nakatitig lang sa kanya na parang alam na alam ang gulo sa kanyang isip at puso.
Sa ibang pagkakataon, hindi magsasalita si Jadd. Mas gugustuhin niyang maglambitin sa puno magdamag o banggain ang lahat ng matigas na madadaanan kaysa umamin ng totoong nararamdaman.
Pero hindi na kaya ni Jadd ang halo-halong emosyon. Ang bigat na ng kanyang dibdib at mas lumalala pa ang kirot na nararamdaman, sasabog na lang siya anumang sandali. Kung sana nga sumabog na lang siya at maging abo, pero hindi.
"Ano'ng dapat kong gawin, Rish?" naitanong niya na halos bulong na lang. "Ang babaeng 'yon... si Catarina," at napahagod siya sa dibdib. "She knew..." Nagpigil siyang sumigaw nang malakas. "Alam niya lahat..."
Nakatitig pa rin sa kanya si Irisha. Wala na siyang sunod na sinabi pero ramdam ni Jadd na nakuha na nito ang mensahe.
"Ginawa ko rin ang isang bagay na sa ibang pagkakataon ay hindi ko gagawin, Jadd-para protektahan kayo at ang grupo. Dumarating talaga ang pagkakataon na nawawalan tayo ng pagpipilian. Ang nagawa mo kay Marilag, kapag nalaman ni Xien-"
"Hindi niya dapat malaman, Rish," putol agad ni Jadd. "Hindi muna sa ngayon..."
"Walang lihim na naitatago hanggang sa huli. Hindi man ngayon, darating ang araw na malalaman ni Xien ang lahat."
Parang lalong kumirot ang dibdib ni Jadd. "Nasaan ang... ang babae?" Isa pang tanong iyon na parang aninong ayaw siyang lubayan. Pagkatapos sugurin ang babae at walang kaabog-abog na kinagat hanggang mawala ang sobrang pagkauhaw, ano ang nangyari dito? Sa nakita niyang eksena nang maglapat ang mga kamay nila ni Catarina, binitawan na lang niya basta ang katawan ng babae at nagtatakbo. Walang direksiyong paglayo.
Mula sa eksenang iyon, naalala na ni Jadd ang mga araw at gabi sa gitna ng gubat, bago siya lumabas para alamin ang nangyari kay Mona-at nakita niyang nasa sementeryo ang lahat, inililibing ang dalawang kabaong. Kung paanong nagkaroon ng katawan sa kabaong na para sa kanya, nalaman ni Jadd pagkalipas ng ilang taon na nagbalik siya sa lugar sa paiba-ibang anyo-sunog na katawan ang nasa kabaong na kasama ng kabaong ni Ramona. Si Sir Rem ang nasa likod ng lahat.
"Ligtas. Isa nang kauri. Pinoprotektahan ng isang Feeder."
Parang may nabunot na tinik sa dibdib ni Jadd. Isang tinik lang. Alam kasi niyang kapag nalaman ni Xien ang lahat, hindi magdadalawang-isip ang babae na pagbayarin siya.
"Hindi magpapatawad si Xien, Rish. Pero kung maibabalik ko ang kapatid niya-"
"Hindi natin siya magagalaw," sabi ni Irisha at tumingala sa mga dahon ng puno. "Mailap ang Feeder na may hawak sa kanya. At..." huminto ang babae at huminga nang malalim. "At nasa panig ng kaaway."
Napamura si Jadd sa isip. Naging bampira si Marilag! Kaya pala walang bangkay na nakuha. Gaya niya, may bampirang nag-transform sa kapatid ni Xien. Pagkatapos ng transformation, itinago si Marilag? Pareho ba silang walang maalala kaya hindi rin makabalik sa pamilya ang babae?
"Miyembro ng parehong grupong kumagat sa akin?" balik niya kay Irisha.
Tumango ang babae, hindi na dinugtungan ang sinabi.
Naikuyom na lang ni Jadd ang palad. Tumingala siya sa mga dahon na isinasayaw ng hangin. Kung hindi pipigilan ang sarili, pakakawalan niya ang isang sigaw na gigising sa lahat ng natutulog na mortal sa Owl Village.
Mahaba ang dumaang katahimikan.
"Kayo ni Xien, Jadd." Si Irisha ang bumasag sa katahimikan. "Pareho kayong mahalaga sa Liwanag. Isa man sa inyo ay hindi puwedeng mawala. Kailangan ko ang buong tiwala mo. Ipaubaya mo sa akin ang lahat. Ako na'ng bahala."
"Pero, Rish-"
"Hindi ka gagawa ng kahit anong hakbang. 'Yan ang utos ko."
Hindi siya umimik, mas humigpit lang ang pagkakakuyom ng kamay.
"Bubuuin ko ang pamilya ni Xien bago pa man mangyari ang kinatatakutan nating pareho," patuloy ni Irisha, lumipat din sa dilim ang tingin nito.
Hindi man nababasa ang isip ng babae, may pakiramdam si Jadd na may gumugulo rin sa isip nito.
"Handa akong tumulong sa kahit anong paraan, Rish. Ipag-utos mo lang."
"Alam ko. Maging handa ka lang lagi. Ikaw ang unang tatawagan ko," sabi nito, at base sa sumunod na kilos ay handa nang umalis. "Gamitin n'yo sa pag-eensayo ang mga sandaling wala ako sa mga susunod na araw. Mas sanayin n'yo at paghusayan ang mga taglay ninyong kakayahan. Kakailanganin natin 'yan sa mga susunod na araw."
"Ang mga hunters?" Ang Owl, ang grupong naging pamilya ni Jadd sa loob ng maraming taon at pinili niyang bitawan ang pagiging leader. Ipinasa niya kay Ben ang posisyon pagkatapos na magpaalam kay Sir Rem.
Inamin na rin ni Jadd kay Ben ang totoo niyang uri. Isang malakas na suntok ang reaksiyon ni Ben pagkatapos ng confession niya-para daw sa kawalan ng tiwala sa pagkakaibigan nila. Hindi niya inaasahan ang pagtanggap nito sa kaibahan nila.
Tinanggap ni Ben ang bagong posisyon. Wala sa Owl Village nang gabing iyon ang mga kaibigan, may tinapos na misyon sa ibang lugar.
Mas pinili man ni Jadd ang Liwanag, hindi niya tuluyang binitiwan ang Owl. Lahat ng tulong na kaya niyang ibigay sa grupo, ibibigay niya. Bukas pa rin siya sa mga espesyal na utos ni Sir Rem, ang kondisyon na ibinigay niya para payagan nitong bumitaw sa grupo. Ganoon din ang pangako ni Ben bago sila naghiwalay nang gabing iyon na nalaman na nito ang totoo, na magkakampi pa rin sila kahit pinili niya ang Liwanag.
"Let them do their job," sabi ni Irisha. "Ang mahalaga, alam nilang nasa panig ka pa rin nila at handa kang tumulong anumang sandali. At tayo naman, kailangan natin ang impormasyong ipapasa nila tungkol sa mga pinaghihinalaan nilang bampira."
"Matatagalan ba bago ka bumalik ng village?"
"Kapag hindi ako bumalik, kailangang kayo ang sumunod. Ipaabot mo sa iba pang Rayos na maghanda sila. Ipapatawag ko kayo bago matapos ang buwan."
"Kailan ang alis mo sa village?" tanong ni Jadd.
"Ilang oras mula ngayon."
Pagkaalis ng babae, tumutok na lang sa mga dahon ang titig ni Jadd. Alam niyang sisilip na naman ang bagong araw na walang magbabago sa bigat na dala-dala sa dibdib.
BINABASA MO ANG
Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)
VampirUPDATED EVERY FRIDAY! Club Red spin-off. Unedited.