Part 31

1.2K 38 10
                                    

Red Paradise Resort, Laguna

UNANG hakbang pa lang ni Xien sa Red Paradise, ramdam na niya ang naghahalong mga enerhiya. Ang utos sa kanila, sa lobby ng Red Hotel sila maghihintay. Si Irisha ang mismong susundo sa kanila.

"Grabe," mahinang komento ni Ruri. Sa kanilang apat, ito ang halata ang pag-ikot ng mga mata sa paligid. "May kakaibang feels sa place na 'to," at mahinang siniko si Redah na tahimik lang.

Hula ni Xien, mas gustong makiramdam ni Redah kaysa magpahalatang umiikot ang tingin sa paligid.

"Na-feel mo rin, Red?" tanong niya.

"Kanina pa, girl," mas mahinang sagot ni Redah. "'Wag kang masyadong obvious diyan. Mas gusto ko sa lugar ni Miss Rish na panay videoke ang kapitbahay kaysa dito. May mga matang nakatingin sa atin."

Ramdam din iyon ni Xien sa basement parking pa lang. Kung siya ang tatanungin, mas gusto rin niya ang bahay ni Irisha na una na nilang tinuluyan ni Jadd dati. Pero dahil ang utos ay sa bahay na iyon muna sila bago ang tawag, kalahating araw lang silang nagtagal. Pagkatapos ng ilang oras nilang tulog, natanggap na ni Jadd ang tawag ni Irisha.

Sa Red Paradise sila pupunta. Kotse rin ni Irisha ang ginamit nila papunta sa lugar. Si Jadd ang driver nila. Ang lalaki rin ang tumatanggap sa mga instructions ni Irisha.

"Grabe talaga," sabi uli ni Ruri. "Ang rangya ng place na 'to..."

"True," sabi naman ni Redah. "Hindi ko naisip ma-fall sa bampira pero pag-iisipan ko na ngayon."

Tumawa si Ruri. "Pasipsip ka agad ng excess fats," sabi nito at nginisihan si Redah.

"At least sa akin, may masisipsip. Ikaw, isang lunok pa lang ng dugo, kalansay ka na agad!" Sinundan iyon ni Redah ng nang-aasar na tawa.

Aabutin sana ni Ruri ang buhok ng babae para sabunutan pero agad itong nakalayo. Lumipat ito ng upo sa tabi ni Jadd. Kumapit pa sa braso ng lalaki.

Gaya ni Xien, walang reaksiyon si Jadd at hinayaan lang si Redah. Sanay na ito sa mga ganoong kilos ng babae. Hindi rin naman magtatagal ang hawak ni Redah, lalapit kasi agad si Ruri para hilahin ito palayo kay Jadd. Mag-aasaran na naman ang dalawa.

Si Xien ay audience pa rin ng dalawa. Siya ang laging tahimik sa kanilang tatlo. Si Jadd naman ang lalaking version niya.

Nahila ni Ruri si Redah palayo kay Jadd. Nasa kabilang upuan na sa lobby ang dalawa. Sila ni Jadd ang naiwang magkatabi. Pareho silang walang imik. Hula ni Xien, nakikiramdam si Jadd sa mga nasa paligid. Mas nahasa na ang lakas ng isip nila pero sa kanilang apat na Rayos, si Jadd lang ang hindi magkakamali ng pagkilala sa mortal o bampira sa paligid. Silang tatlo, makakaramdam lang ng iba't ibang enerhiya pero hindi nila talaga matutukoy kung mortal o hindi ang mga nasa lugar.

Naglabas ng cell phone si Xien. Kung sina Redah at Ruri ay walang pakialam na nag-uusap, siya ay mas gustong hindi magsalita. Kung lugar ng mga bampira ang Red Paradise, sigurado siyang hindi lang sila pinapanood, may mga nakikinig din sa usapan nila.

Nag-text siya kay Jadd.

Mortal ang mga nasa reception?

Hindi tumunog ang cell phone ni Jadd pero nakita ni Xien na hinugot nito ang gadget mula sa bulsa. Ilang segundo lang, may reply na ang text niya.

Yes.

Nag-text uli siya. Wala ka pang napansing bampira?

Nakatutok lang ang tingin ni Jadd sa screen ng cell phone nito. Napansin ni Xien na hindi agad ito nag-text. Parang may naramdaman. Sumunod agad ang tingin niya nang mag-angat ng mukha si Jadd at tumingin sa elevator na kasasara lang. Napatitig ito sa dalawang lalaki na lumabas—ang tatangkad!

Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon