MADALING-ARAW na, gising na gising pa sina Xien at Jadd. Nakaupo si Xien sa kama habang mahigpit na yakap ang isang unan. Si Jadd naman, nakasandal sa gilid ng kama sa may bandang paanan niya. Pareho silang tahimik lang na nakatitig sa dingding.
Hindi man magsalita si Jadd, ramdam ni Xien na pareho sila ng iniisip-ang mga nangyari sa nakalipas na buong araw.
"Jadd?" tawag niya sa atensiyon nito. "Ano kaya ang mangyayari?" Iyon din ang tanong na iniisip nina Redah at Ruri. Nag-text sa kanya si Redah mga isang oras na ang lumipas. Si Ruri naman, nag-text kay Jadd. Hula ni Xien, gising pa rin ang dalawa nilang kasama sa kuwarto ng mga ito.
"Kakampi ni Rish si Vio," sabi ni Jadd. "Malaking bagay na may isa sa kanila ang nasa panig natin."
"Nakita mo ba si Crissa? Parang ang laki ng galit niya kay Rish."
"May kasamang selos," sabi ni Jadd. "Malapit kasi si Rish kay Zefro. Si Crissa, mukhang in love na magulo ang utak. Bata pa, eh. Si Zefro naman, opposite ni Crissa, sobrang kalmado na parang bato na."
"Parang may espesyal sa pagitan nina Rish at Zefro, napansin mo?"
"Meron," sang-ayon ni Jadd. "Hindi nga lang gaya ng nasa pagitan nila ni Vio."
"Ibig sabihin, si Crissa ang mahal ni Zefro?"
"Sabi ni Rish, si Zefro ang naging sandalan at kakampi ni Crissa ng eighteen years, Xi. Si Crissa ang rason kaya nandito pa si Zefro. Nakita mo naman ang ginawa kanina, halatang-halatang nakahandang magbigay ng buhay 'wag lang masaktan si Crissa. Ang manhid lang ng Sapphire na 'yan. Siya lang ang hindi nakahalata."
"Baka kasi wala namang sinasabi si Zefro," sabi naman ni Xien. "Ang hirap namang mag-assume o manghula ng feelings ng iba."
Hindi umimik si Jadd kaya napatingin siya rito. Nakatingin din sa kanya ang lalaki. "Ganoon ba?"
"Oo, 'no? Hindi naman manghuhula ang mga babae, eh. Kung magkasama sila sa loob ng eighteen years, sanay na siguro si Crissa sa mga ginagawa ni Zefro. Kung mabait siya, sweet, or thoughtful-at ginagawa na niya iyon dati pa, iisipin ni Crissa na ganoon lang talaga siya. Na walang ibang kahulugan sa likod ng mga action at gestures. Iba siyempre 'pag sinabi mismo."
"Actions speak louder than words-sabi nila, Xi."
"Totoo naman 'yan. Pero minsan, kailangan din talagang marinig mismo para malinaw. Para sigurado, gano'n." Inilagay ni Xien sa likod ang yakap na unan at sinandalan. Huminga siya nang malalim at pumikit na. "Umaga na. Matulog na tayo, Jadd."
Katahimikan na.
Magkasama man sila sa kuwarto, panatag si Xien. Mauubos kasi ni Jadd ang lahat ng puwesto sa kuwartong iyon para tulugan, huwag lang tumabi sa kanya sa kama.
"Nagka-boyfriend ka na, Xi?"
Napadilat siya sa tanong. "Hindi. Ba't bigla mong tinatanong?"
"Parang ang dami mong alam sa feelings-feelings."
Base sa boses ni Jadd, parang nakangiti ito. Nahulaan na ni Xien na magsisimula na naman ang lalaki-kung hindi siya pipikunin, magyayabang. Tutulugan na lang niya ito.
"Ang galing mong magsalita, manhid ka rin naman."
Napadilat uli siya at nag-angat ng ulo. "Anong manhid ako?" balik niya. "Kung manhid ako, sana hindi ko ramdam ang damdamin ng mga tao rito. Ramdam ko kaya! Sina Rish at Vio, sina Zefro at Crissa, sina Devon at Tin, si Doc El at si Mina. Pati nga sina Crystal at Chase, may iba sa titigan, eh. Pero pari daw si Chase kaya baka mali ako..."
"Eh, 'yong damdamin mo?"
Tumawa si Xien. "Crush ko lang 'yong green-eyed, hoy! Ang advance ng utak mo!" Hinila niya ang kumot hanggang balikat. Hindi siya tumalikod sa puwesto ni Jadd. Gusto nga niyang nakikita ang lalaki na nasa malapit lang. Mas madali siyang nakakatulog. "First time kong magka-crush. 'Wag mong patayin ang kilig ko."

BINABASA MO ANG
Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)
VampireUPDATED EVERY FRIDAY! Club Red spin-off. Unedited.