NATAWA si Xien nang bumagsak ang tuyong sanga na nakalutang sa ere. Sinundot kasi ni Ruri sa tagiliran si Redah gamit ang arnis. Napatili si Redah, dinampot ang tuyong sanga para ihampas kay Ruri pero nakalayo na ito.
"C'mon, Red!" sabi ni Ruri, nang-aalaska ang tawa. "Race tayo?"
Umungol lang si Redah, umikot ang tingin at sunod-sunod ang dampot ng maibabato kay Ruri.
Nasanay na si Xien na lagi siyang audience sa pikunan ng dalawa. Tanda niyang napipikon lang ni Ruri si Redah sa mga ganoong pagkakataon—na nasisira ang concentration nito. Telekinesis ang paborito ni Redah. Gusto nitong mahasa nang husto para magawa raw nito ang mga dapat gawin nang hindi napapagod. Physical activities naman ang problema nito lagi dahil sa timbang. Pero bilib si Xien sa determinasyon at disiplina ni Redah sa sarili. Tanda niya na hindi man nito gusto ang mga nakalinya nilang activities ay walang reklamong ginagawa ang makakaya. Hindi na siya nagulat sa nabawas sa timbang nito.
Si Ruri naman, likas na mahina yata ang katawan. Hindi isang beses na nag-collapse ito noon sa pagod. Sa kanilang tatlo, si Ruri ang halatang binabantayan ni Irisha.
Si Xien naman, slim din pero sanay sa exercise ang katawan. Kung lalampa-lampa siya noon, malamang nahuli na sila ng kaaway. Pareho sila ni Abby na papasa sa Palarong Pambansa sa takbuhan. Sa anim na buwang tinutukan ni Irisha ang lakas at mga kahinaan nila, sa mga pisikal na labanan siya nahirapan. Sa mga unang buwan noon, ramdam na ramdam niya ang kakulangan ng pisikal na lakas.
Practice makes perfect, napatunayan ni Xien na totoo iyon. Napansin niyang sa araw-araw na ginagawa nila ang exercises at labanan, parang nasasanay na ang mga muscles at buto niya. Kung sa mga unang araw at linggo ay hindi siya makabangon sa sakit ng katawan, at nakakatulog na lang kahit saan sa pagod, nang umabot na sila ng ilang buwan, ramdam ni Xien na natatanggap na ng katawan ang mga bagong activity.
May mga paborito siyang moments sa anim na buwang training sa Liwanag—ang mga break time ng Rayos na nonstop ang kuwentuhan, at ang mga activity na sila ni Jadd ang mag-partner. Aliw na aliw siya sa pikunan nina Ruri at Redah. Kay Jadd naman, kung hindi siya tawa nang tawa, naaasar lang. Hindi naisip ni Xien na posible siyang mapasaya at mainis nang sabay—sa iisang tao lang.
"Twelve, thirteen, fourteen," pagbibilang ni Jadd. Nakaupo ito sa may paanan ni Xien, nguya nang nguya habang may hawak na kamote ang isang kamay at ngingiti-ngiti. Ang isang kamay naman nito ay pinipigilang umangat ang kanyang mga paa. "Ang bagal, Xi. Ano'ng petsa na?"
Nagpigil lang si Xien na sipain sa mukha si Jadd. Parang naninigas na nga ang kanyang sikmura sa kaka-sit up. Hindi na rin pantay ang paghinga niya, aba at nakuha pang mang-asar!
"Ang layo pa sa fifty, o—"
"Manahimik ka na lang!" singhal niya, nagbuga ng hangin bago ibinaba ang katawan. Bumangon uli siya, higa-bangon-higa. Masakit na ang katawan pero kailangan niyang maabot ang limit sa araw na iyon. Si Jadd ay parang enjoy na enjoy pang nahihirapan siya.
"Go, Xi!" dagdag pa ng lalaki, kumagat nang malaki sa kamoteng hawak. Nag-iba ito ng puwesto, ang mga tuhod na ang ginawang pampigil sa mga paa ni Xien. Maluwang ang ngising humarap pa ito sa kanya. "Bawat bangon, isang kiss. Ayos 'to. Sweet pa ang lips ko sa kamote."
Hindi nagpaapekto si Xien. Ang balak niya, i-head butt ang bampira. Bahala na kung siya ang mawalan ng malay sa tigas ng ulo nito. Nakakainis kasi ang ngisi nito. Ang saya lang na maduling man lang si Jadd sa hampas ng ulo niya pero imposible. Baka ulo pa niya ang mapasama ang tama.
Bumangon si Xien, walang pakialam sa nakangisi niyang exercise partner.
Biglang inilayo ni Jadd ang mukha nang palapit na ang mukha niya. "Sorry, hindi ako easy," sabi nito at ngumuso uli. "Twenty-two, bilisan mo naman. Ang bagal—oopps!" Inilayo uli nito ang mukha pagbangon niya. "Excited ka sa kiss ko, ah? Sorry, hindi mo ako matitikman, Xi!" At ngumuso uli ito paghiga niya.
BINABASA MO ANG
Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)
VampierUPDATED EVERY FRIDAY! Club Red spin-off. Unedited.