MATAGAL na napatitig lang si Xien sa itaas na bahagi ng katawan ni Jadd. Punit-punit ang gray T-shirt nito at sigurado siyang marka ng natuyong dugo ang nasa tela. At base sa ekspresyon ng lalaki nang makita siyang gising, hindi nito gustong ilantad sa kanya ang sarili sa ganoong ayos. Ang hula niya, inisip nitong tulog na siya.
Lampas alas-onse na nga ng gabi at tulog na dapat si Xien sa mga oras na iyon. Hindi rin niya maintindihan ang sarili. Ilang oras na niyang pinipilit ang sariling makatulog pero hindi siya makaramdam ng antok. Parang hindi panatag ang tibok ng kanyang puso. Si Abby agad ang naisip niya. Naghintay siyang umuwi si Jadd. Hihiram siya ng cell phone para matawagan si Nirvina. Magbabaka-sakali siyang active pa ang numero ng babae. Gusto niyang masiguro na nasa mabuting kalagayan ang kapatid.
Hindi inaasahan ni Xien na isang Jadd sa ganoong anyo ang makikita niya.
"A-ano'ng nangyari? Ba't...ba't duguan ka?" Wala sa loob na tumayo siya at humakbang palapit pero agad na umiwas si Jadd. Umalis ito mula sa pagkakasandal sa pinto at lumayo agad hindi pa man siya nakakalapit.
"Okay lang ako, Xi," sabi ni Jadd sa walang emosyong tono. "Nag-heal na ang mga sugat."
Hindi na humakbang pa si Xien palapit. Pinanood na lang niya ang paghahanap ni Jadd ng damit sa mga gamit nito. Napalunok siya nang makitang punit din ang manggas ng T-shirt nito sa bandang likod ng braso.
"Jadd, ang dami mong naging sugat," hindi niya napigilang sabihin. "Hindi 'yan sugat sa training lang! Sino'ng nakaaway mo? Ba't ka sinugod? Saan? Hindi ka naman basta nakikipag-away sa kung sino lang, 'di ba? At sa kakayahan mo, hindi ka masusugatan nang ganyan—"
"Xi," putol ni Jadd, "Matulog ka na. Okay lang ako. Umuwi naman ako na buhay kaya huwag mo nang isipin."
"Jadd—"
"Okay lang kung maisip mong hindi sapat ang kakayahan ko para sa ipinangako kong proteksiyon," muling putol ni Jadd, naghubad na lang basta ng T-shirt, ipinunas sa hubad na katawan, at bale-walang nagbihis. Pagkaayos ng bagong itim na T-shirt sa katawan, nilingon siya nito. "Ang hindi sapat na kakayahang iniisip mo, Xi, uubusin ko lahat para ingatan at protektahan ka."
Bumuka ang bibig ni Xien pero wala siyang nasabi. Napatitig na lang siya sa mga mata ni Jadd. Hindi niya alam kung ano ang nasa mga mata nito pero wala ang kakaibang gaan ng aura nito kapag magkausap sila at nagyayabang. Walang kislap ang mga mata ni Jadd nang gabing iyon. Ang seryosong titig nito at parang bigat ng dating ang mas nagpapakaba kay Xien.
Wala na siyang nasabi hanggang lumabas na lang si Jadd nang walang anumang sinabi. Mahabang sandaling nakaupo lang siya sa kama at nakatitig sa nakasara nang pinto. Hindi niya napigilan ang lalong paggapang ng negatibong emosyon sa kanyang puso.
Mas natakot na si Xien para sa kanila ni Abby. Si Jadd at ang grupo nito ang inaasahan niyang kakamping makakatulong sa kanila. Kung madaling masasaktan si Jadd ng hindi nakikilalang kaaway, kanino pa siya sasandal para sa kaligtasan nila ni Abby?
Nakita ni Xien sa isip ang natatakot na anyo ng kapatid.
Magdamag siyang gising nang gabing iyon, malalim na nag-iisip.
Ilang araw na namang hindi umuwi si Jadd sa kubo.
BINABASA MO ANG
Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)
VampirgeschichtenUPDATED EVERY FRIDAY! Club Red spin-off. Unedited.