Part 30

510 30 1
                                    

LUMAPIT si Xien sa nakabukas na bintana ng kubo. Naroon pa rin si Jadd sa dati nitong puwesto, parang hindi gumalaw man lang. Alam niyang gising ang lalaki. Hindi ito natutulog nang ganoong oras.

Oras na ng paglubog ng araw. Lunchtime pa dapat ang usapan nilang apat na Rayos sa kubo. May mga importanteng lakad sina Redah at Ruri kaya nagpasabing hapon na makakarating. Hindi pa alam ni Xien kung ano ang mayroon. Wala namang bilin si Irisha nang umalis. Dati pa rin—na magsanay sila at tutukan ang paghasa sa kakayahan kahit wala ito sa village.

Si Jadd, buong araw na nasa village pero kahit anino ay hindi nakita ni Xien sa kubo. Bumalik lang ito nang palubog na ang araw. Gusto nga niyang tumawa na sa text pa nito sinabi na may meeting ang Rayos. Si Jadd ang laging pinapasahan ni Irisha ng impormasyon kaya una nitong nalalaman lahat bago sila. May mga misyon din na si Jadd na ang gumagawa para sa kanila, lalo na kung may ibang lakad sina Redah at Ruri sa labas ng Liwanag.

Sa mga lakad na kailangan ni Jadd ng partner, si Xien ang kasama. Tanda niya na may mga lugar at taong inutos si Irisha na imbestigahan nila ni Jadd. Dalawa lang ang role niya, tagahawak ng mga lumang bagay na puwede nilang pagkuhanan ng impormasyon at taga-sketch ng mga mukhang kailangan nilang ipasa kay Irisha. Sa kanilang apat, si Jadd ang pinakamagaling sa research. Malaking tulong din ang koneksiyon nito sa Owl—at ang koneksiyon naman ng mga miyembro ng Owl sa mga tamang tao.

Sina Redah at Ruri ay kasama sa mga misyon na kailangan nila ng magaling mag-disguise. Hindi makapaniwala si Xien na ang galing ni Redah na magpanggap na dancer. Napanganga siya sa galing nitong mag-belly dance. Nasa audience ang subject na kailangan nilang makuhanan ng litrato. Si Ruri naman, researcher at photographer ang mas madalas na role. Si Jadd naman ang protector nilang tatlo kapag nalalagay sila sa alanganing sitwasyon.

Nakita ni Xien na naglabas ng cell phone si Jadd. Naging abala ang lalaki sa gadget na parang may tiningnan nang matagal. Pag-angat ng mukha, tumingin ito sa bintana—hindi na nagawang umatras ni Xien.

Nagtama na ang mga mata nila.

Bakit naman ako magtatago? sabi niya sa sarili. Ano naman kung tumingin? Kailan pa naging masama ang tumingin?

Biglang tumayo si Jadd at mabibilis ang hakbang pabalik sa kubo. Napahagod naman si Xien sa dibdib. Parang pumitlag kasi ang kanyang puso.

Ano'ng ginawa ko? Ba't para siyang galit?

Nasa tapat pa rin si Xien ng bintana pero nakaharap na siya sa pinto nang itinulak na iyon ni Jadd.

Nagtama ang mga mata nila. Hindi humakbang papasok ang lalaki, tumingin lang sa mga mata niya. Naghintay siya na magsalita ito pero bigla na lang kinabig pasara ang pinto.

Napanganga si Xien nang ilang segundo. Wala siyang naintindihan sa kilos ni Jadd. May problema ba sa kanya ang lalaki? Umangat ang isa niyang kilay. Hindi na siya si Marikit Magdiwa—o si Xien kung palalampasin lang niya iyon.

Nag-inhale-exhale muna siya nang dalawang beses bago lumabas ng kubo sa mabilis na mga hakbang.

"Jadd!" tawag niya pababa pa lang ng kubo. Hindi lumingon ang lalaki. Hindi pabalik sa paboritong bench ang punta nito, mukhang paalis na naman. Bakit aalis kung may meeting ang mga Rayos? "Aalis ka? 'Kala ko may pag-uusapan ang mga Rayos—"

"Lipat-kubo lang ako, Xi," sagot nito na hindi lumilingon. "May nakalimutan akong sabihin kay Ben—"

"Wala si Ben, Jadd!" malakas nang agaw ni Xien. Nawala yata sa isip ni Jadd na wala sa village ang Owl. Nahuli niya tuloy ang pag-a-alibi nito. "Ano ba'ng problema mo? Mag-usap nga tayo!"

Pero parang walang narinig na humakbang din si Jadd palayo.

Naikuyom ni Xien ang kamay. Hindi niya gusto ang nanghuhula. Kung may problema, mas gusto niyang pinag-uusapan nang harapan.

Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon