Part 8

715 39 1
                                    

"JADD..." tawag ni Xien na sinadyang dumikit sa tagiliran ng lalaki. Pagpasok pa lang nila sa palengke, nakaramdam na siya ng kakaiba. May mga matang nakasunod sa kanila. Sigurado siyang hindi iyon isa sa grupong tinakasan nila ni Abby. Nagpanggap siyang walang nararamdamang iba, patuloy lang sa pagpili ng mga gulay, isda at prutas na sadya nila sa palengke.

Sa suot na panlalaking damit, sumbrerong nagtatago sa kanyang buhok, at itim na itim na salamin, walang mag-iisip na siya ang ikalawang apo ni Felicitas Magdiwa. Walang bakas sa hitsura niya ang Marikit na pinaghahanap ng mga taong interesado sa kanilang magkakapatid.

"May problema?" tanong ni Jadd na nagkunwaring abala sa pagtingin sa malalaking lansones pero nauna nang umikot ang mga mata sa paligid.

"Naramdaman mo ang nararamdaman ko, tama?"

Hindi umimik ang lalaki, kumuha ng isang lansones at walang paalam na tinikman. Nag-sales talk naman ang tindera. Si Xien na ang nagpabalot ng isang kilo. Pagkakuha sa supot, naramdaman niya na mahigpit siyang inakbayan ni Jadd.

"Babae," bulong nito nang bahagyang ibaba ang sarili, natakpan na ang bibig niya bago pa man siya nakapagtanong. Itinuloy nila ang mabilis na paglalakad, hindi siya binigyan ng pagkakataong magsalita. "Huwag kang lilingon," mas mahinang bulong nito, iginiya na siya palayo.

Hindi na sila nag-usap hanggang marating nila ang lugar kung saan iniwan ni Jadd ang motorsiklo. "Sakay, bilis," sabi nito na kaagad sumampa.

Naging mabilis din ang pagkilos ni Xien, sumampa rin siya sa motorsiklo at kumapit sa baywang ng lalaki. Pinaharurot ni Jadd palayo ang motorsiklo nang hindi nagpapaliwanag. Naging lampas thirty minutes lang ang biyahe mula sa bayan hanggang sa Owl Village na dati ay inaabot nang halos isang oras. Pagpasok sa Owl Village, saka lang nagbawas ng speed si Jadd.

Kung dati ay dinadaanan ni Jadd ang kubo ng ilang kasamahan bago tutuloy sa sariling kubo, nang hapong iyon ay tuloy-tuloy sila sa kubo ng lalaki. Napansin din ni Xien na naging mas alerto ito. May napansin siyang kakaiba sa kilos.

Magkasunod nilang inilagay sa mesa sa kusina ang mga bitbit—pagkain nilang dalawa sa susunod na isang linggo.

"Hindi ka panatag," basag ni Xien sa katahimikan. "May hindi ka sinasabi sa akin, Jadd?" Nanatili siyang nakatayo habang si Jadd ay ibinagsak ang sarili sa upuang gawa sa matibay na kahoy.

Hindi ito sumagot, tumingala lang at hinagod ang batok.

"Hindi ang mga taong naghahanap sa akin ang nagmamasid sa atin, sigurado ako," mariing sabi ni Xien, hindi inaalis ang tingin sa lalaking unti-unti na niyang pinagkakatiwalaan. Naging ligtas siya sa ilang linggong nasa Owl Village at kasama si Jadd sa iisang kubo. Walang ginawa ang lalaki na hindi niya nagustuhan. Hindi rin ito nagpakita ng kilos na dapat niyang ikatakot. May ilang beses pang nagpanggap siyang natutulog sa mga gabing late na umuwi si Jadd—maingat nitong inaayos sa katawan niya ang kumot bago lilipat sa sahig para magpahinga. Hindi lang iyon, nang magpanggap siyang nakatulog sa sala, binuhat siya ni Jadd at maingat na inilipat sa kamang inilaan na nito sa kanya. At sa mga gabing nasa Owl Village lang si Jadd—mga gabing wala itong lakad kasama ang grupo—nasa labas lang ang lalaki at tahimik na nagmamasid sa paligid.

"Hindi ko siya kilala, Xi."

"Sabi mo, babae?"

Tiyak ang pagtango ni Jadd. "Malakas na babae. Hindi pamilyar ang enerhiya niya."

"Katulad mo siya?"

"Na mas makapangyarihan."

"Bakit siya nagmamasid sa atin?"

"Iniisip ko rin kung bakit," sagot ni Jadd. "Puwedeng dahil sa Owl o dahil sa 'yo."

"Mortal ang interesado sa aming magkakapatid, hindi bam—hindi mga gaya mo."

"Huwag kang aalis ng village na hindi ako kasama."

"May naisip ka bang posibleng dahilan?"

Umiling si Jadd. "Ang sigurado ako, mula nang araw na sinundo kita, nagmamasid na ang babaeng iyon, taglay ang enerhiyang nararamdaman ko sa paligid bago pa ako nagpakita sa 'yo."

"Ano'ng ibig sabihin n'on?"

"Matagal na siyang nagmamasid, Xi. Kung bakit at para saan, aalamin ko pa lang." Iyon lang at tumayo na si Jadd, dumeretso sa pinto.

Hindi na nagtanong si Xien, nahulaan na niya kung saan pupunta si Jadd—sa mga kasamahan nitong nasa village din.

Matagal na nanatiling nakaupo lang si Xien at nag-iisip. Mabilis na lumipas ang mga araw. Nasisiguro niyang naghihintay na sa Maynila si Abby. Hindi pa siya puwedeng lumabas ng Owl Village. Hindi pa hangga't hindi niya nasisigurong magiging matatag niyang kakampi ang grupong pinamumunuan ni Jadd.

Nang sumunod na araw, may dinalang lumang mga gamit si Jadd—journal na sa kalumaan ay wala nang visible na mga salita sa bawat page, at kinakalawang na kutsilyo—para hawakan niya.

Bago umalis ang lalaki, ibinigay ni Xien ang dalawang sketch na mabilisan lang niyang iginuhit.

"Siya ang nagsulat sa journal." Ang tinutukoy niya ay ang babaeng nasa sketch. "Nakita ko siyang duguan, hawak ang journal sa ibabaw ng dibdib. Malakas ang ulan, parang oras ng twilight. May dumating na lalaki, umiyak nang umiyak bago sumigaw nang sobrang lakas. Graciella, 'yon ang pangalang isinigaw niya."

Itinaas ni Jadd ang kinakalawang nang kutsilyo.

"Hawak naman 'yan ng lalaking matangkad, lumalaban sa mga itim na...na 'di ko alam kung ano, Jadd. Parang mga halimaw. May mga kasama siyang lumalaban. Ang lalaki ang... ang huling namatay sa grupo ng mga lumaban sa...sa mga itim na tao pero mukhang halimaw."

Tumango-tango si Jadd. "Ano pa, Xi?"

Nakatingin kasi siya sa mga mata ng lalaki kaya nahulaan yata nito na may sasabihin pa siya.

"Ang lalaking lumapit sa duguang babae at ang lalaking lumalaban gamit 'yang kutsilyo ay iisang tao lang." Itinuro niya ang lalaki sa sketch na hawak ni Jadd. "Siya."

Matagal na napatitig sa kanya si Jadd bago lumipat ang tingin sa mga sketch, mayamaya ay tumayo na. "Thank you, Xi."

Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon