ALAS diyes ng gabi, nagising si Xien sa mga tunog ng motorsiklo galing sa labas. Parang sunod sunod ang mga dumating. Hindi gawain ng mga miyembro ng Owl ang magpaharurot ng motorsiklo sa loob ng village nang ganoong oras.
Mabilis na bumangon si Xien. Sumilip agad siya sa bintana. Tatlong motorsiklo ang nasa labas ng kubo. Apat na lalaking nakaitim ang nag-uusap ilang metro ang layo sa kubo. Isa sa apat, si Jadd. Nakatalikod man ang lalaki at liwanag ng buwan lang ang tumatagos sa mga dahon ng puno sa tapat ng apat na nag-uusap, makikilala ni Xien si Jadd. Pamilyar na siya sa tindig at dating ng lalaki.
Walang sampung minuto ang naging pag-uusap ng mga nasa labas, magkakasunod na umalis ang tatlong motorsiklo sakay ang mga kaibigan ni Jadd. Bumalik si Xien sa kama. Pagkaupong-pagkaupo niya, bumukas ang pinto ng kubo at pumasok si Jadd. Ang backpack agad na laging dala nito ang binitbit at inilagay sa tabi ng kama. Bumalik sa cabinet ng mga damit at basta na lang humugot ng t-shirt—itim rin. Naghubad ito at nagpalit ng damit. Pagkabihis, lumuhod sa tabi ng kama at may kung anong kinuha sa ilalim—nakabalot ng itim na tela, na hula ni Xien ay armas. Kung hindi patalim ay baril.
"Jadd, ano'ng meron?" hindi na nakatiis na tanong ni Xien. "Aalis kayo?" hindi niya alam kung bakit may iba siyang pakiramdam nang gabing iyon. Sanay naman siyang umaalis si Jadd anumang oras. Hindi rin iyon ang unang gabing nawala na lang ang lalaki sa balkonahe o sa paboritong bench nito sa labas na ginagawang kama.
"May lakad ang Owl, Xi." Simpleng sabi nito, ipinasok sa backpack ang itim na tela. Bitbit ang jacket at backpack, tumalikod na agad para lumabas. Napatayo si Xien para sumunod. Hindi niya maintindihan ang ibang kabog ng puso niya.
"Saan ang lakad n'yo?" nakalabas na si Jadd nang magtanong siya. Napalingon ang lalaki, halatang nagulat. Unang beses iyon na nagtanong siya tungkol sa lakad nito. Alam ni Jadd na wala siyang pakialam sa mga ginagawa nito o ng Owl.
"Ano'ng problema, Xi?" tanong nito na medyo nagsalubong ang mga kilay. "May nangyari ba na 'di ko alam?" dagdag ni Jadd. "Bakit parang ayaw mo akong umalis?"
"Hindi," biglang sabi niya, umiling agad. "Hindi gano'n. Gusto ko lang malaman..."
"Sa kabilang bayan lang," sabi ni Jadd. "Sunod-sunod daw ang walang paliwanag na pagkamatay ng mga alagang aso. Parang sadyang pinapatay ang mga bantay sa bahay. Kagabi, tao na ang nawawala. Pinsan daw ng ama ni Ben ang biktima. May mga kaso rin pala ng pagkawala na ngayon lang umabot kay Ben."
Tumango na lang si Xien. Itinuloy na ni Jadd ang pagbaba sa kubo.
"Jadd?" tawag niya uli. Nasa balkonahe na siya, si Jadd naman ay palapit na sa sariling motorsiklo. "Ingat ka..."
Hindi niya ginagawa iyon dati kaya napatitig sa kanya si Jadd. Iniisip siguro nito na may iba talaga sa kanya nang gabing iyon. Sandali lang naman ang pagtataka ni Jadd. Tumango ito at ngumiti.
"Ako pa ba?" sabi nito. "Balik ka na sa loob, Xi."
Pumasok na uli sa kubo si Xien. Sa bintana na lang niya tinanaw ang pag-alis ng motorsiklo ni Jadd.
Pinilit niyang bumalik sa pagtulog pagkatapos pero nangawit na si Xien, hindi pa rin nagbalik ang antok niya. Hindi niya alam kung ano eksakto ang inaalala niya para hindi siya antukin. Wala naman talaga—si Jadd lang na nasa biyahe na kasama ng mga kaibigan nito.
Nagtataka si Xien sa sarili. Ang kabog na iyon, kabog ng puso niya tuwing may parating na panganib sa kanila ni Abby noon.
Si Abby!
Bumalikwas ng bangon si Xien. Ang cell phone agad ang hinanap niya. Pagkahawak ng gadget, ang numero agad ni Nirvina ang ini-store niya sa phone book. Inactive ang numero pagkatapos ng huli nilang pag-uusap na gamit niya ang cell phone ni Jadd.
BINABASA MO ANG
Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)
VampireUPDATED EVERY FRIDAY! Club Red spin-off. Unedited.