KUNG may bampirang laging tulala, hawak na ni Jadd ang highest rank. Gabi-gabi siyang tulala na walang ibang nasa isip kundi si Xien. Ang alam niya, nagtagumpay siyang pigilan ang sarili ng dalawang taon. Naging okay sila ni Xien. Walang naging problema sa pagtira nito sa kubo niya sa Owl Village. Hindi siya nakagawa ng bagay na ikakatakot ni Xien. Naging panatag ang babae sa kubo niya sa kabila ng alam nito ang totoo niyang uri.
Nagtiwala sa kanya si Xien. Laging may init na hatid sa kanyang puso ang ngiti ng babae. Nakilala niya ito na laging malamig ang tingin at hindi ngumingiti. Nakita ni Jadd ang pagbabago ni Xien. Naramdaman din niya ang pagbaba nito ng harang na parang matataas na yelong nakapalibot sa pagkatao nito.
Binuksan ni Xien ang sarili para hayaan siyang makalapit-bilang kaibigan. Ang laking bagay ng naramdaman niyang tiwala nito para mas piliin niyang mabuhay nang tama. Walang ideya si Xien na sa bawat paglipas ng araw na magkasama sila, mas lumalalim ang init sa puso ni Jadd, unti-unti siyang kinakain. Bago pa man niya mamalayan, naubos na siya. Nawala na ang lamig na sampung taon siyang nilamon. Init na ang nararamdaman niya. Init na sa dibdib niya nagsimula.
Ang alam ni Jadd, kayang-kaya niyang pakisamahan ang emosyon. Kaya niyang magpanggap na walang nagbabago sa kung ano man ang meron sila dati ni Xien. Tiwalang-tiwala ang babae na ganoon pa rin sila-magkaibigan. Balak naman talaga niyang panindigan iyon. May mga pagkakataon lang talaga na mahina siya at bumibigay na lang.
Gaya kaninang naging huli na ang pag-ilag ni Xien-siguro dahil pagod na-tinamaan ang babae ng atake niya at bumagsak. Para din siyang na-uppercut nang bumagsak si Xien at halatang nasaktan. Hindi iyon unang beses nangyari pero unang beses na hindi napigilan ni Jadd ang sarili at niyakap si Xien. Kung posibleng hugutin ang sakit na naibigay niya, nahugot na niya nang hindi nito namalayan man lang.
At heto ngayon si Jadd, lutang. Pabalik-balik sa utak niya ang eksena. Ilang oras na pero ramdam pa niya ang katawan ni Xien na nakahilig sa kanya. At mas nagwawala lahat ng buhay sa katawan niya sa katotohanang hindi siya itinulak ng babae. Tahimik lang itong nagpaubaya sa yakap niya.
Ang resulta, heto siya, malapit nang mabaliw.
Kung saan-saan na umabot ang utak ni Jadd-mga bagay na gusto niyang gawin kay Xien. Sa dami ng mga iyon, alin kaya ang hahayaan siya ng babae? Tinanggap nito ang yakap. Ang halik kaya? Ang mga susunod pang yakap?
"Jadd Estevez?"
Biglang napadilat si Jadd. Agad nawala ang ngiti niya. Sa kaiisip kay Xien, hindi niya namalayan na may ibang tao-hindi, bampira na siyang kasama.
"Ano'ng kailangan mo?" malamig na tanong niya kay Catarina. Walang kasama ang babae. Sa kaiisip kay Xien, hindi niya namalayang nasa paligid na ang enerhiya nito.
"Ikaw ang may kailangan sa akin," sabi nito na sinundan ng makahulugang ngiti.
Nagsalubong ang mga kilay ni Jadd. Ano ang sinasabi nito? Siya ang may kailangan?
"Ano'ng sinasabi mo, Catarina?"
Tumitig lang ito sa kanya, hindi nagbabago ang kakaibang ngiti.
"Kung sasabihin kong ten years ago, nagkita na tayo, Jadd, maniniwala ka?"
"Hindi," agad niyang sagot. Ang natatandaan niya ay noong kinidnap sila ng grupo ni Catarina. "Two years ago, yes-"
"Wrong, sweet boy," sabi nito at mas lumuwang ang ngiti.
Sweet boy?
Gustong tumawa ni Jadd nang mapakla. Ilandaang taon na ba sa mundo si Catarina para ituring siyang parang paslit lang?
"Ten years ago, Jadd, when you lose your life-humanity rather, I was there," deklara nito.
Nagsalubong ang mga kilay ni Jadd. Hindi niya gusto ang sinabi ni Catarina. Umayos siya ng upo. Isang maling impormasyon, susugurin niya ang babae.

BINABASA MO ANG
Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)
VampireUPDATED EVERY FRIDAY! Club Red spin-off. Unedited.