Part 26

1K 35 0
                                    

KANINA pa nangangati ang mga labi ni Crystal upang basagin ang katahimikan na naghahari sa loob ng sasakyan ni Thyro. Nasa biyahe na sila pauwi. Nasa kanyang kandungan naman ang kanilang anak na si Theo na mahimbing na ang tulog.

Napatitig siya sa maamong mukha ng kanilang anak. Hindi mawala-wala sa kanyang isip ang huling sinabi sa kanya ng ama ni Thyro kanina nang makaharap niya ito. Halos hindi naman siya nakapagsalita sa harap nito at puro tango lamang ang kanyang naisagot.

Pero ang mas tumanim sa kanyang isip ang sinabi nito sa kanya habang hindi nakatuon ang pansin ni Thyro sa kanila.

"Sana sa pagkakataong ito, hindi mo na takasan si Thyro. Hindi mo alam kung anong kaya niyang isakripisyo. Tatalikuran niya ang maraming tao para sa'yo. Lalo pa ngayon na may anak kayo."

Palihim siyang napasulyap kay Thyro na abala sa pagmamaneho. Gusto man niyang tanungin pa ang ama nito ukol sa sinabi nito ngunit hindi na niya nagawa nang lumapit sa kanila si Thyro kanina. Nahalata rin naman niya na iwas ang ama nito na pag-usapan pa ang tungkol sa sinabi nito.

"Anong iniisip mo?"

Napakurap-kurap naman siya nang biglang magsalita si Thyro nang hindi siya nito nililingon. Napailing-iling naman siya.

"Wala lang," sagot niya.

"May bumabagabag sa isip mo."

Nakagat niya ang pang-ibabang labi. "Medyo naguluhan lang ako sa ama mo kanina. May sinabi siya na hindi ko lubos naintindihan."

"Ano iyon?"

Saglit siyang napaisip kung sasabihin ba dito ngunit naisip niya ito lang din ang puwede niyang pagtanungan. Wala naman sigurong masama.

"Nasabi niyang handa mo raw talikuran ang maraming tao para sa akin? Anong ibig sabihin niyon?"

Kitang-kita niya ang ginawang paglunok nito at ang paghigpit ng hawak nito sa manibela. Gumagalaw-galaw ang panga nito at mukhang hindi nagustuhan ang narinig mula sa kanya.

"May hindi ka ba... sinasabi sa akin?" aniya. Gusto niyang malaman ang ibig sabihin niyon. Gusto niyang marinig mula kay Thyro ang ibig sabihin ng ama nito. Nararamdaman niyang naiintindihan nito ang salitang iyon ng sarili nitong ama.

Walang anumang salita ang umalpas mula sa bibig ni Thyro hanggang sa ihinto nito ang sasakyan sa parking lot ng bahay. Hindi man lang niya namalayang nakauwi na pala dahil halos buong biyahe siyang naghintay ng sagot nito ngunit wala siyang nakuha.

Umikot ng sasakyan si Thyro matapos itong bumaba at binuksan ang pinto ng passenger's seat at kinuha ang kanilang anak mula sa kandungan niya.

"Ako na ang maghahatid kay Theo sa kuwarto niya. May bisita ka. Asikasuhin mo muna iyon," anito sa kanya.

Kahit nagtataka sa sinabi nito ay napasunod na lamang siya dito hanggang sa loob ng bahay. Halos napahinto naman siya sa paghakbang nang makita niyang may binati si Thyro pagkapasok ng bahay.

"Iaakyat ko lang po si Theo. Hindi na po kayo naabutan. Marahil bukas ay magugulat siya kapag nakita kayo. Alam ko pong miss na rin niya kayo," narinig niyang saad ni Thyro sa kausap sa may sala.

At halos masapo niya ang nakabukas na bibig nang humawi si Thyro. Nanlaki ang mga mata niya sa nakikita. Her mother is standing in front of her. Nagtuloy-tuloy naman si Thyro sa ikalawang palapag ng bahay upang ihatid si Theo sa kuwarto nito.

Nagtatanong ang kanyang mga mata. Hindi makapaniwalang nakatayo ngayon ang kanyang ina sa kanyang harapan. Mabilis naman siyang napatakbo nang makahuma sa gulat at mahigpit na niyakap ang kanyang ina.

"Paano kayo napunta dito? Paano niyo nalaman dito? Na-approved na po ang visa niyo? Paano? Anong nangyari?" sunod na sunod na tanong niya sa ina.

Isang ngiti naman ang binigay ng ina sa kanya. "Isa-isa lang ang tanong. Mahina na ako."

"Nay!" pigil niya dito. "Nagbiro pa kayo."

Tinapik-tapik ng ina ang kanyang balikat saka naupo sa sofa. Maging siya ay napaupo na rin. Hindi naman niya napigilang yakaping muli ang ina.

"Ang saya-saya ko na kasama ko na po kayo ngayon. Panigurado, magugulat rin si Theo kapag makita niya kayo bukas." Mariin niyang naihawi ang mga butil ng luha sa kanyang mga mata.

"Ako rin," saad ng kanyang ina. "Masaya ako na makakasama ko na rin kayo."

Nginitian niya ang ina. "Paano nga kayo nakarating dito?"

Hinawakan ng kanyang ina ang kanyang mga kamay na nanginginig pa dahil sa sobrang excitement.

"Inasikaso ng asawa mo ang visa permit ko para payagan akong manatili dito sa Singapore para makasama kayo."

Saglit siyang napatigil sa sinagot ng kanyang ina. "S-Si Thyro? G-Ginawa niya iyon?"

Tumango-tango ng kanyang ina. "Noong isang linggo pa dumating si Atty. Angeles sa bahay upang sabihin sa akin na pinapaasikaso ng asawa mo ang visa permit ko. Hiningi niya ang lahat ng papeles na kakailanganin. Tapos noong isang araw ay bumalik siya upang ibigay ang plane ticket ko at mga papel na patunay na pinapayagan na ako ng embassy na tumuloy dito. Nauna nga lang si Atty. Angeles na pumunta dito pero siya ang sumundo sa akin kanina sa airport."

"Si Atty. Angeles?" wala sa sariling tanong niya ulit. "Iyong pinsan ni Thyro?"

"Magpinsan ba sila?" tanong ng kanyang ina. "Magkahawig nga sila. Parehos silang singkit."

Tumango-tango siya. Hindi pa rin siya makapaniwala na ginawa iyon ni Thyro para sa kanyang ina. Ni hindi man lang niya nahulaan ang binabalak nito.

Para namn siyang nakabalik sa tunay na mundo nang bigla siyang kurutin sa tagiliran ng kanyang ina.

"Nay! Masakit!" angal niya dito.

Nagulat naman siya nang bigla siya nitong duruin. "Ikaw, ha! Hindi mo sinasabi sa aking nagkita na kayo ng ama ni Theo. Kung hindi pa kumatok sa bahay si Atty. Angeles, hindi ko pa malalaman na nagsasama na kayo."

Napangiwi siya sa sinabi nito saka napakamot sa batok. "Pasensya na, Nay. Sa bilis ng pangyayari, nakalimutan ko nang banggitin."

Halos manlaki naman siya sa pilyong ngiti na nakita sa mukha ng ina.

"Pero guwapo ang asawa mo, ah. Kaya naman pala guwapo rin ang apo ko. May pinagmanahan naman talaga."

"Nay!" pigil niya dito. "Baka marinig kayo ni Thyro."

"Bakit?" painosenteng tanong ng kanyang ina. "Tama naman sinabi ko, ah. Nagulat nga ako nang pumasok siya sa pinto habang karga-karga ang apo ko. Naisip ko tuloy bigla bakit nagawa mong takbuhan ang isang guwapong nilalang na iyon, eh."

"Nay!" pigil niya ulit. "Ngayon mo pa ba ako sesermunan?!"

"Oo!" sagot nito. "Kung hindi mo siya tinakbuhan, e'di sana, matagal na akong may guwapong manugang na pinagmalaki sa mga chismosa nating kapitbahay. Hindi ka sana nila pinag-usapan noon na bigla na lang nabuntis pagkatapos maka-graduate ng college!"

"Nay! Tapos na iyon. Sinabi ko naman po sa inyo, 'di ba, hindi importante ang sasabihin nila. Basta maayos tayo at nakakaahon sa buhay."

Ngumiti ang kanyang ina na kinatunaw ng kanyang puso. "Pero masaya ako para sa iyo na kumpleto na ang pamilya mo. Mukhang mabait naman ang asawa mo. At nararamdaman kong hindi niya kayo pababayaan ni Theo. Nagawa pa nga niya akong isingit sa trabaho niya para lang ipaasikaso ang visa permit ko. Sabihin mo sa kanyang malaki ang pasasalamat ko dahil sa ginawa niya."

She smiled. "Makakarating po sa kanya."

When You Make My Heart Smile Tonight [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon