14

105 5 0
                                    

Punong-puno ng galit ang dibdib ko dahil pinagmukha niya akong tanga sa kabila ng pagmamakaawa ko noon. Oo pinalaya ko din naman siya nung huli dahil nagsawa na akong sagipin pa ang aming relasyon. Tuluyan na itong nalunod at hindi ko na kaya pang maiahon.

"Leeana, may dahilan ang paglayo ko sa iyo." kitang kita ko ang pag-aalala niya dahil walang tigil ang paglandas ng mga luha ko sa aking pisngi.

"Dahilan?! Anong dahilan? Bakit hindi mo nagawang sabihin sa akin ang dahilan mo noon at baka sakaling naintindihan pa kita. Bakit kailangang iwanan mo ako at tapos sasabihin mong mahal mo pa din ako?Kung alam mo lang ang mga pasakit ko nung iniwan mo ako. Kung alam mo lang ang lahat ng pagdurusa ko nung mga panahong hinihintay ko ang pagbabalik mo." napapasinok na ako sa pagsasalita dala ng pag-iyak ko. Oo inaamin kong lumundag ang puso ko ng sabihin niyang mahal niya pa din ako. Pero bakit ganon siya , napakadamot niya sa kabila ng pagmamahal niya sa akin nagawa pa din niya akong saktan.

Hindi ko na alintana ang mga taong nakapaligid sa amin. Wala akong pakialam kung pag-usapan nila kami. Kaya nga pumili na din ako ng mauupuan kanina na medyo tago dahil inaasahan ko na ding mangyayari ang ganitong sitwasyon. Mayroon mang makakita sa amin hindi ganoon kabulgar dahil nasa medyo tagong upuan kami.

Tumayo siya at tumabi sa akin. Inaalo niya ako dahil panay ang iyak ko. Niyakap niya ako at isinandal sa kanyang balikat. Gusto ko siyang itulak pero hindi ko ginawa. Hinayaan kong umiyak sa mga balikat niya. Wala na akong pakialam pa, basta ang alam ko lang ngayon kailangan ko siya.

Naramdaman ko ang malalim niyang paghinga at ang pagdampi ng hangin sa aking tenga na lumalabas sa bibig niya. Sobrang lapit ng labi niya sa tenga ko dahilan upang tumayo ang halos lahat na ata ng balahibo sa aking katawan. Nanunuyo ang aking lalamunan dala ng muli naming paglalapit.

"Leeana, may sakit ako noon. At walang kasiguraduhan ang gagawing operasyon sa akin. Hindi ko masabi sa iyo noon kung hanggang kailan pa ang buhay ko dahil 20% lang ang tiyansa kong mabuhay. Hindi ko sinabi sa iyo ang totoo dahil ayokong masaktan ka." bulong niya sa akin.

Napalingon ako sa gawi niya habang yakap-yakap niya pa din ako. May sakit pala siya noon bakit hindi na lang niya sinabi. Bakit kailangang isipin ko na niloko niya ako.

"Bakit sa tingin mo hindi ba ako nasaktan sa ginawa mo?Labis ang sakit ng nararamdaman ko." sabay turo ko sa aking dibdib. "Nung iniwan mo ako, kulang na lang ay magpakamatay ako. Tapos ngayon sasabihin mong ayaw mo akong masaktan?" paghihisterikal ko. Halos sabog na sabog na ang pakiramdam ko sa mga sinasabi niya.

Mas hinigpitan pa niyang lalo ang pagkakayakap niya dahilan para hindi ako gaanong makakilos..

MiNSAN LANG KiTANG iiBiGiN [ fin]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon