CHAPTER 7

Boys and Boss Syndrome

SINUNOD KO NGA ANG BILIN sa akin ng hinayupak na si Yel pagkauwi ko ng bahay. Pero hindi ako nagtagal sa banyo. Kailangan kong pumunta ng bayan at bumili ng tatlong case ng beer para sa tindahan at bilyaran ng kapitbahay namin. Sayang naman yung mararaket ko. Ipinagtataka ko lang na hanggang ngayon ay wala pa si Jeya at si Lolo ay nasa kapitbahay, naglalaro ng chess kasama ang batang magaling maglaro na siyang ikinukwento niya lagi.

Nag-iwan ako ng note sa mesa katabi ng saging na nagsasabing uuwi rin ako kaagad. May raket lang ako. Alam ko rin namang hindi ako papayagan ni Lolo dahil ang gusto niya ay personal akong magpaalam kaso ayoko siyang istorbohin. Alam ko pa namang kapag nasabi mo nang aalis ako ay mag-aalala na naman iyon hanggang sa hindi ako umuuwi. Kaya hindi na lang ako magpapaalam. Wala na rin naman siyang magagawa kung hindi ang maghintay sa oras na mabasa niya ito.

Nagbihis ako ng isang lumang T-shirt na may print ng Timberwolves sa harap at six-pocketed camouflage three-fourth pants bago magbisikleta gamit ang aking mahiwagang depadyak papunta sa bilyaran. Nang makapasok ako roon para hanapin ang may-ari, napahinto ako sa nadatnan ko sa loob.

Huminto sila sa paglalaro at dahan-dahang ibinaba ang mga hawak na tako bago ako tignan. Lumipat ang tingin ko sa mga nakakalat na bote ng beer sa mga bangko at silya. Sa mesa ay may mga hindi pa nabubuksang bote.

Muli ko silang tinignan at inasahang may sasagot ng hindi ko mabigkas na tanong. Ngunit nagulat na lang ako nang sabay-sabay silang umiwas ng tingin sa akin at ipinagpatuloy ang pagtusok sa cueball na parang wala ako sa harap nila. Walang pang-aasar, walang bumati ng good afternoon, walang kahit na ano. Tagos sa buto ko ang lamig na ipinadarama nila sa akin at wala kong ideya kung bakit—

Gumawi ang tingin ko kay Mois na tahimik sa sulok habang nakadekwatrong iniinom ang beer diretso mula sa bote. Wala nang pulu-pulutan. Hula ko nga ay hindi na pumasok ang mga ito sa iskwelahan. Kaya pala wala din akong makita sa kanila kahit na isa kanina doon. Kaso nagtaka ako. Hindi ko maisip kung bakit nila ito ginagawa. Hindi sila umiinom unless may problema ang isa. Pero ang isa pang ipinagtataka ko, kung may inuman man, yung may problema lang ang pinapainom nila para may matinong mag-advice sa kanya kapag lumakas na ang loob niya.

Ngayon, bakit lahat sila, tumatagay?

Hindi kaya... Hindi. Hindi. Imposible. Pero... hindi kaya...

Wala silang naisayaw kagabi sa debut?

Ha! Malamang! Ngumisi nga ako at saka lumapit sa kanila pero sadyang nagulat ako nang kaagad silang nagsitayuan at hinablot ang mga bote ng beer at saka umalis pagkatapos mag-iwan ng mga perang bayad sa bilyaran at alak sa mesa. Dinaanan nila akong parang hangin.

At ang sakit n'on. Isa lang ang ibig sabihin nito. Kung hindi dahil sa wala silang naisayaw kagabi...

Anong nagawa ko?

MABILIS ANG PAGKAKAPEDAL ko sa aking madyik depadyak kaya naman walang kahirap-hirap akong pasipul-sipol na sumasabay sa trapik na namumuo sa kahabaan ng highway. Ilang sandali pa ay lumiko na ako papunta sa sentro ng bayan at saka narating ang branch na kukunan ko ng mga alak. Nang makita na ako ng kargador ay alam na kaagad nila ang pakay ko kaya naman lumapit na sila kaagad. Umobliga naman akong sabihin agad ang mga ipinadedeliver sa akin. Wala pa kasi silang nahahanap na drayber ng delivery truck, magtatatlong linggo na kaya kahit medyo masama kung sabihin, mabuti kung ganoon para may pagkakitaan pa akong ekstra.

Inilapag sa harap ko ang tatlong patong na case ng SanMig Light beer at saka ako kinuhanan ng bayad. Kaagad naman akong inisyuhan ng resibo kaya kumilos na ako.

That Boystown Girl [COMPLETE]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon