Chapter 3
Anjelous
Buong magdamag akong binagabag sa unang gabi ko sa puder ng mga Salvaterra. Iniisip ko rin si Tatay na naiwan sa isla. Nakauwi na kaya si Chito at hinanap ako? Sigurado akong magtataka iyon sa pagkawala ko. At tiyak na hindi niya pababayaan ang tatay ko.
Tumupad kaya sa napag-usapan si Lawrence? Naipagamot kaya ang Tatay at nagpatuloy na kaya ang paghahanap sa kuya ko? Nang tingnan ko ang mamahaling cellphone nung babaeng huwad ay wala ni isang message galing sa kanila.
Lahat ng iyon ay nakaikot sa utak ko. At kahit kumportable ang higaan ko ay hindi ko pa rin magawang makampante.
Maaga akong bumangon. Ang una kong ginawa ay magligpit ng pinaghigaan at maligo. Ang sink sa banyo ay animoy nakapatong lang sa lamesang gawa sa palochina. Nanibago ako sa mga gamit at kasangkapan. Dahil pawang malayo iyon sa mga mayroon kami sa Isla Verde.
Nang makaligo naman ay hindi ko malaman kung anong susuotin ko. Wala akong makitang maayos-ayos na damit sa cabinet niya. Maganda naman lahat pero iyong pambahay ang hindi ko mahanap. Maliban sa isang skinny jeans at cotton shirt na ang laylayan ay tinipid sa tela. May maiksing panloob na pinatungan ng lace na mas mahaba kaya naaaninag ang tiyan ko.
Naglagay na lamang ako ng red lipstick niya at kaunting powder sa mukha. Hindi ako naglagay ng eyeshadow at hindi rin ako marunong no'n. At nasa bahay lang naman ako. Kung aalis man ay saan ako pupunta?
Maliwanag na sa sala pagbaba ko. Napahawak ako sa tiyan nang kumalam ang sikmura ko. Mula pa kahapon ay wala akong matinong pagkain. Ang pagkaing inalok sa akin ni Lawrence ay hindi ko masyadong nagalaw dahil sa shock na makita sila.
Hinanap ko ang kusina. Narating ko ang dining at napangiti agad nang makita kong naroon na si Anjeline. Pero imbes na kumain ay nilalaro lamang nito ang teddy bear niya. Naroon din sa tabi niya si Dalia, nagulat pa nang makita ako at sandaling napatitig sa akin.
"A-anjeline, eat your breakfast na. Nandiyan ang mama mo," tila may bahid ng pananakot ang tono niya.
Agad na lumingon sa gawi ko ang bata. Tinitigan ako. Hindi ngumingiti. I was lost nang makita kong takot nga siya sa akin. Nakikita ko sa munting mga mata niya. Yumuko at inabot ang kutsara at tinidor sa plato.
Lumapit ako at tumabi sa upuan niya. Manghang nakamasid sa akin ang yaya niya.
"Dalia! Anong inuupo mo diyan? Asikasuhin mo si Miss Anjelous," may ma-awtoridad na boses ng babae ang sumatinig sa likuran namin.
Nilingon ko iyon. Nagmamadali namang tumayo si Dalia at pumunta sa kusina. Dinaanan niya ang matandang kusinera, si Nana Josie.
Nagtagpo ang mga mata namin. Nginitian ko siya bilang paggalang na hindi ko maaalis sa sistema ko. Sa litrato ay mukha na siyang istrikto. Sa personal, mas mukha pa talagang istrikto.
Napatitig siya sa akin sandali bago tumikhim. Siya namang labas ni Dalia mula sa likuran niya at may dala ng isang baso. Binaba sa harapan ko at sinalinan ng orange juice. Nakayukong umalis sa gilid ko at tumayo sa likuran ni Anjeline.
Sandali akong napatitig sa isang baso ng juice na nasa harapan ko. Tiningnan ko rin ang pagkaing nakahain. May sinangag na kinulayan ng margarin, bacon, maling, hotdog at pritong itlog. Halos magdiwang na nga ang sikmura ko sa pagkain pero isang basong juice lang ang nasa harapan ko.
Bakit wala akong plato?
Nanlalamig kong kinuha ang baso at tipid na uminom. So refreshing. Masarap at matamis. Pero ang nagrarambol kong tiyan ay sinangag ang hinahabol.
BINABASA MO ANG
False Hope (Touch #1)
RomanceAnjelous was forced to pretend as someone else's wife after being abducted by a woman who looks exactly like her. Although crazy, it should be easy--her 'husband' was her first love after all--but no, she's trapped in a toxic loveless marriage. But...
