Sharliene?" Tawag sa kanya ng mga kasamang nasa baba na walang kaalam alam sa nangyayari. Nanlaki ang mga mata niya sa narinig. Hindi siya pwedeng makita ng mga kaibigan sa ganung kaanyuan. Kailangan niyang makagawa ng paraan bago pa mahuli ang lahat. Inilibot niya ang mga mata sa paligid. Sakto namang humangin kaya nakita niya ang nakabukas na bintana na natatabingan ng kurtina. Agad siyang sumampa doon at tumalon sa may likod bahay. Tumakbo siya ng diretso sa may kakahuyan. Huminto siya ng sa tingin niya ay malayo na siya. Pilit niyang iniluluwa ang hiyas na ipinasa ng Ina. Hindi pa siya handa. Hindi ngayong andito ang mga kaibigan niyang walang kaalam alam sa pwedeng sapitin nila. Kung hindi lang dahil sa kaalamang patay na ang Ina ay hinding hindi na sana siya babalik pa sa baryo nila. Pilit niya paring iniluwa ang hiyas ngunit ayaw talaga. Hindi naman niya malaman kung panu maibabalik ang anyongtao niya hanggang maalala niya ang ginagawa ng Ina dati para magbalik sa anyong tao. Ginawa niya iyon at naramdaman niyang dahan dahan siyang nagpapalit ng kaanyuan hanggang makita niyang sa tao na ulit ang balat niya at maging ang mukha niya. Agad siyang tumayo. Kailangang maitakas niya ang mga kaibigan . Dali dali siyang naglakad papunta sa kubo. Ngunit bago pa man siya makarating doon ay sinalubong na siya ng tiyuhing si Rodrigo.
"Kailangan mong mag-alay upang mapatunayan ang katapatan at pagtanggap mo ng buo sa ating lahi." Saad nito.
"Panu kung ayoko?"
"Bakit sa tingin mo ba may iba ka pang pagpipilian? Marami ka namang dala. Hindi naman siguro kabawasan kung iaalay mo ang isa sa kanila. Kahit nga silang lahat ay maaari naman, diba? "
"Wag ang mga kaibigan ko. Hindi mo sila pwedeng galawin." Aniyang unti unti ulit nagpalit anyo dahil sa di makontrol na galit.
"Wag sila? Eh diba ikaw ang nagdala sa kanila dito? Wala ka ng magagawa. Sa pag-apak palang nila ng Siquijor inilagay mo na sa alanganin ang buhay nila."
Akmang susugurin niya ito ngunit mas mabilis ito. Ano nga bang laban niya sa lakas nito. Matagal na itong aswang samantalang siya ay ni hindi niya matanggap ang kanyang kapalaran. Hinawakan siya sa leeg ng kamay nitong may mahahabang kuko.
"Wag mo akong susubukan, Sharliene. Hindi mo ko kaya." Anitong bigla siyang itinulak dahilan para sumadsad siya sa may damuhang bahagi ng kakahuyan.
"Hindi ko hahayaang saktan nyo ang mga kaibigan ko." Bulong niya sa sarili. Nag-anyong tao naman siya ulit at parang walang nangyaring bumalik sa kubo. Pagdating niya doon ay mas marami ng ang tao kumpara kanina. Nandun din ang tiyuhin niyang ang sama ng tingin sa kanya. Tiningnan niya ang mga kaibigan na wala paring kaalam alam.
"Sha, san ka galing?" Si Deak ng mapansin siya.
"Huh? Ah dyan lang."
"Halika na dito. Kain na tayo. Nagugutom na kasi kami kaya kumain na kami. Tinawag ka namin kanina kaso wala ka naman pala sa itaas." Ani Lynne sa pagitan ng subo.
Lumapit siya sa mga ito. Ayaw niyang tingnan kung anong inihanda ng mga kalahi para sa mga kaibigan.
"Kain ka na." Alok naman sa kanya ni Nora.
"Hindi pa ako nagugutom, eh."
"Kahit kunti lang, Sha. Baka magkasakit ka niyan." Si Abegail naman.
"Oo nga nmn Sharliene. Ang lagay ba'y sila lang ang kakain?" Sabad naman ng Tiyuhin niyang tila may ibang ibig ipakahulugan.
Napilitan siyang saluhan ang mga kaibigan. Natuklasan niyang karne naman pala iyon ng manok. Napahinga siya ng maluwag at ngayon palang at pinaplano na ang mga dapat gawin upang makatakas sila doon. Halos maghahating gabi na ng nagsialisan ang mga kaanak niya. Siya na lamang at ang mga kaibigan ang natitira.