TC#22 : Checkmate
"Aaaah !! Ang hina ! ang hina niya !" sigaw ni Equinox sabay tapon sa itim na queen na hawak niya.
"Relax Equinox ! Hindi pa tapos ang laban" pagpapakalma sa kanya nang lalaking palagi niyang kasama.
"Aaah ! Bakit kasi hindi niya pa pinatay ang Chess nung may pagkakataon siya ! Ang landi ! Ang hina!" sigaw ni Equinox na nangagalaiti.
"Haha ! Dapat kasi ikaw na lang ang gumalaw hindi yung kung sino-sino na lang ang inuutusan mo" paninermon ng lalaki.
"Aaah ! Tumahimik ka Solstice !" Sigaw ni Equinox.
"Haha ! Bakit ? kakalabanin mo ako ?! Wala kang laban sa akin alam mo yun !" sigaw nang lalaki.
Tinitigan ng masama ni Equinox si Solstice. Mula sa likod ni Equinox lumabas ang isang nilalang na ang katawan ay kalahating itim at kalahating puti.
"Tumahimik ka Solstice !" sigaw ni Equinox.
"Haha ! Walang magagawa ang iyong Familiar sa akin !" sabi ni Solstice. Sabay nito ay naglagablab ang buo niyang katawan. Kulay pula ang apoy nito.
"Mahina ! mahina ! mahina ! Kayang patagalin nang aking familiar ang gabi kung saan siya dominante ! Ano ang magagawa ng apoy mo sa akin hah" Pag sigaw ni Equinox ngunit bigla na lamang ito nahintatakutan sa payasong nakangiti sa likuran ni Solstice.
"Si-sino ka !" sigaw ni Equinox ngunit nanatiling nakangiti ang payaso.
Nang mapansin ni Solstice na nakatingin sa kanyang likod si Equinox ay agad siyang napalingon. Napaatras siya sa gulat dahil sa payasong nakangiti at hindi gumagalaw.
"Hindi pa ba kayo titigil ? Pinalampas ko na lahat nang ginawa niyo ngunit ang paglaruan ang mga piyesa ko ay sapat na para mapatid ang pasensya ko" sigaw ng misteryosong lalaki na nagkukubli sa dilim ng kwarto.
"Hah ! Ang isang hari sa larong chess ay hindi sumusugod sa kampo ng kalaban maliban na lang kung matatalo na !" biglang pagtawa ni Equinox.
Walang naging tugon ang misteryosong lalaki sa kanila na labis ikinainis ni Equinox.
"Sugod Horanox ! " utos ni Equinox sa nilalang sa likod niya. Mabilis na umatake ang nilalang na kulay itim at puti sa misteryosong lalaki.
Ngunit hindi pa man nakakabuwelo ang "Horanox" ay pumalahaw na ito sa sakit dahil nahati sa dalawa ang kanyang katawan. Nahiwalay ang itim na parte sa puting parte. Mula dito ay sumirit ang masaganang itim na dugo.
"Horanox! Paano mo natalo ang familiar ko ! imposible !" pagtangis ni Equinox ngunit huli na ang lahat , wala nang buhay ang kanyang Familiar.
"Minaliit mo naman ata ang mga manika ko" sabi ng misteryosong lalaki nang nakangiti.
Biglang nagliyab ang katawan ng kawawang familiar ngunit ang apoy ay kulay berde. Dahil sa liwanag na nalikha ng apoy , naaninag ng dalawa ang itsura ng misteryosong lalaki. Kasama nito ay tatlong manika , Isang payasong nakangiti , isang kalansay na may hood na pinupunasan ang dugo sa kanyang karit at ang mukhang scarecrow na naglalaro ng bolang apoy na kulay berde sa kamay.
"I-ikaw !" sigaw ni Solstice na kanina pa hindi makagalaw at makapagsalita. Samantalang patuloy sa paghikbi ang babaeng Equinox sa pagkamatay ng kanyang familiar.
"Vatis" usal ng lalaki.
Ngumanga ang scarecrow at hinigop ang kulay berdeng apoy na tumutupok sa nilalang kanina. Dahil dito biglang naging kulay pula ang mata ni "Vatis" . Lumabas sa kanyang katawan ang kulay berdeng mga usok.