TC#42 : EmotionsDel's POV
Nagising na lamang ako na hawak ang leeg nang walang malay na si Arko. Tiningnan kong mabuti ang mukha nitong namamaga. Tsk, ano na naman bang pinag-gagawa ni Jude?
Dahan-dahan ko siyang inilapag sa sahig nang pasilyo. Maingat-- upang hindi na madagdagan ang sakit ng katawan niya pag-gising. Nang naayos ko na ang pagkakaupo niya ay tumayo na ako.
Nahagip nang paningin ko ang nakahigang si Divinus. Patawad, Divinus, pasaway talaga ang isang ako. Ibinalik ko na siya sa kalatas ko at inabot ang maskara ko bilang Fantoccio. May pupuntahan pa ako ngayon. Planong matagal nang ginagawa ni Eclipse.
Tinahak ko ang pasilyo. Tahimik dito. Malamang, lahat nang estudyante ay nasa battlegrounds. Masiyadong tahimik ang lugar, para sa iba nakakabinge ito. Ngunit para sa katulad ko, ang katahimikan ay kapayapaan. Payapa tulad ng patay, tulad k--.
Umiling ako at sinubukang iwagwag sa isip ko ang mga alaalang biglang pumasok sa isipan ko. Tatlong binatilyo. Naalala ko pa nga ang pangalan nila. Faith, Vow and Divine. Hindi ko nga maintindihan bakit pakiramdam ko ay nakasama ko na sila, at nakakasama ko pa. Malabo ang alaala ko.
Sabi ni Eclipse, matagal na akong namatay. Dahil sa eksperimentong siya mismo ang gumawa. Wala akong hinanakit sa ginawa niya. Pasalamat na nga lang ako at binigyan niya pa ako nang panibagong pagkakataon sa mundo.
Nang magising ako noon ay wala na akong maalala. Kung sino ako, at marami pang iba. Ang tanging bumungad sa paningin ko ay ang ngisi nang isang binatilyong may itim na buhok. Tanda ko pa ang sinabi niya nuon.
"Maligayang pagbabalik sa mundo nang mga buhay, Delusion." aniya.
Itinuro ko ang sarili ko. Marami akong gustong itanong ngunit walang lumabas na boses sa bibig ko. Tinitigan ko lamang siya at tumango.
Tumawa siya bigla na gumulat sa'kin. "Tsk, mukhang may mali sa ginawa kong pagbubuhay sa'yo. Hindi ko pa rin talaga napiperpekto ang necromancy."
Necromancy. Ito ang mahikang bumuhay sa'kin. Pag-aaral sa mga patay. Taliwas sa kakayahan ni Dran na alkemiya, na paghahanap sa buhay na walang hanggan. Magkaiba ngunit iisa, ganun sina Dran at Eclipse.
Huminto ako sa paglalakad nang may pumasok na alaala na naman sa isip ko. Nangyari ito noon pa sa panibagong buhay na ibinigay niya.
"Ba't ba walang kislap ang mata mo? Hindi ko pa rin mailagay ang tamang emosiyon at ekspresiyon sa'yo." Nakangiti siya ngunit nakakuyom ang mga kamay. Tamang emosiyon at ekspresiyon ba? Siya ata ang wala noon.
"May kapatid ba a-ako?" bigla kong nasambit. Sa pagkakataong iyon ay lumingon siya at ngumiti.
"Siguro! Tama. Ha-ha! Gusto mo ba makita ulit ang mga kapatid mo?"
Kapatid ko? Naalala ko na. Kinuha ko ang mga kalatas sa likuran ko at pinalabas ang tatlo kong manika. Divinus, ikaw nga pala si Divine ang kwela kong kambal. Faith, na Fatum na ngayon. Andiyan pa rin ang magagalitin mong ekspresiyon ano? At ang iyaking si Vow. Mga kapatid ko, naaalala ko na.
Lumuha ako ngunit agad kong pinigilan. Dali-dali ko itong pinunas at-- sandali, luha? May, emosiyon na ako?!
Ngunit wala akong naramdamang kakaibang pakiramdam. Yung katulad nang sinasabi nila kapag masaya? Wala talaga. Hindi ako napalundag. Hindi ako natuwa.
Pinagalaw ko ang mga manika na parang niyayakap nila ako. Sobrang nalulungkot ako't hindi ko na kayo makakausap pa. Kahit sobrang gulo niyo 'pag magkakasama.
Sabi ni Eclipse, kaya tayong lahat pinatay ay dahil sa eksperimento niya. Ang pagsamahin ang apat na kapangyarihan sa iisang vessel o katawan. Nagtagumpay siya, nasa'kin na ang kapangyarihan nang tatlo kong kapatid. Ang pagkontrol sa mga buhay, sa mga manika at sa pangunguha nang kaluluwa. Nakakainis! Ba't niya ba kami trinato nang gan'oon?
Kinalma ko ang sarili ko. Bumibilis ang tibok nang puso ko at ramdam ko ang sukdulan na galit para sa kanya. Kaya hindi ako nagalit sa kanya noon ay dahil wala akong emosiyon. Buong akala ko'y pagpapasalamat ang nararamdaman ko ngunit hindi pala, nagagalit ako!
Pinagalaw ko ang mga manika ko-- ang mga kapatid ko. Ipaghihiganti ko ang brutal niyong kamatayan. Alam kong isa lang akong tau-tauhan ni Eclipse, ngunit kahit hindi ako magtagumpay basta't may ginawa ako, ayos na sa'kin iyon.
Nakarating kami sa silid ni Crimson, ang czar nang paaralang ito. Mataman niyang pinagmamasdan ang buwan at ang anim na bituing nakapaligid rito.
"Fantoccio, nandito ka na pala. Alam mo bang ngayon na natin gagawin ang ritwal nang pag-gising sa mga consumer. Nakalinya na nang tama ang David's triangle." aniya bago humarap sa'kin.
Hindi na matutuloy ang plano niyo! Tama na ang mga namatay na mga estudyante na isasakripisyo niyo sa eksperimentong ito!
Pinagalaw ko ang tatlong manika ko at galit na tiningnan siya. "Hindi na iyon matutuloy!"
"Ooh! Ang blankong si Del, may emosiyon na ba ngay--" Hindi na niya natuloy ang sasabihin upang umiwas sa mga kadena ni Divinus. Umatras siya nang ilang hakbang upang ilagan naman ang karit at mga punyal ni Fatum at Vatis.
"Heh! Wala pa sa kalingkingan nang lakas ko ang kapangyarihan mo Del. Isa ka lang puppet, ni Eclipse. Matatalo ka lang." aniya at hinubad ang damit. Naroroon ang napakahabang sugat na ginawad sa kanya nang mga sorsero nang Mirage. Nahuli silang lahat ngunit pinakawalan siya ni Eclipse. Si Eclipse, hindi ko pa rin alam ang tumatakbo sa isip niya. Pinakawalan at balak niyang buhayin ang lahi nang isang halimaw?!
Nagtagisan kami nang lakas ni Crimson. Wala siyang nagawa kundi ang umiwas. Maliit ang espasiyo nang kwarto kaya't kinuha ko itong pagkakataon. Pinakawalan ko ang libo-libong pulang sinulid. Sa oras na madik'tan siya nito, makokontrol ko na siya. Isa siya negatibong tao, yun ang alam ko.
Naghintay ako nang ilang segundo ngunit ramdam kong hindi pa siya nasa ilalim nang kapangyarihan ko. Tsk, ganito ba talaga kalakas ang mga konsyumer-- napatigil ako nang makitang kinakain niya ang enerhiyang nasa loob nang mga sinulid ko. Nakaikid ang mga sinulid sa pulso ko kaya ramdam ko ang mabilis na pagkaubos nang lakas ko at ang pagdagdag nang lakas niya.
Napaluhod ako matapos niyang tumigil. "Mahina ka Del." aniya. Lumapit siya sa'kin at inangat ko sa pamamagitan nang pagsabunot sa'kin. "Wala ka na naman sigurong halaga kay Eclipse di'ba? Iko-consume na lang kita."
Matapos niyang sabihin iyon ay tiningnan niya ako sa mata. Umakto siyang humihigop sa hangin at naramdaman kong umaalpas na sa katawan ko ang mga natitira kong lakas. Ikinuyom ko ang mga kamay ko at sa huling pagkakataon hinila ko ang mga sinulid na kumukontrol sa mga manika. Kung hindi ko kayang talunin ka, isasama kita sa hukay Crimson.
At sa ilang sandaling iyon sabay-sabay na bumaon sa aming katawan ang baston, karit at mga punyal nang mga manika ko. Ngumiti ako. Kahit papa'no may nagawa ako, di'ba? Mga kapatid ko?
---