Chapter 6

234 21 1
                                    

Nang imulat ko ang aking mga mata mula sa pagkakatulog ay magaan na ang pakiramdam ko.

"Sigurado ka bang papasok ka na? Baka masama pa ang pakiramdam mo?" tanong ni mama habang hinahanda ang almusal ko.

"Ayos na po ako, ma. Hindi na po masama ang pakiramdam ko." Naupo na ako para kumain.

The best talaga ang pinaghalong itlog at hotdog na may kasamang sinangag na kanin pang-almusal—lalong-lalo na kapag si mama ang nagluto.

"Astherielle, aalis na ako. Hindi na kita mahahatid kaya mag-taxi ka na lang, ha?" paalala ni mama at ibinigay ang pamasahe ko.

Ilang minuto lang nang makaalis si mama ay umalis na rin ako. Napansin kong madilim pa ang kalangitan at halos hindi pa bukas ang ilaw sa school kaya nagpababa muna ako sa taxi driver sa isang tabi. Pumunta ako sa coffee shop na lagpas lang nang kaunti sa school namin.

Pagpasok ko pa lang sa coffee shop ay bumungad na sa'kin ang mabangong aroma na dala ng iba't ibang uri ng kape. Kakaunti lang ang tao sa loob. May mga ka-schoolmates ako na nando'n din—naghihintay siguro.

Um-order ako ng isang vanilla cappuccino at isang cheesecake. Magkakape lang dapat ako pero hindi ko mapigilang bumili ng cheesecake. Masarap kasi ang dessert nila rito.

"Caramel Macchiato for Luke!" anunsyo ng barista.  Napalingon ako nang marinig ko ang pangalan.

Paglingon ko ay nasa harap ko na agad si Luke. "Pwede ba akong maupo rito?" tanong niya at tinutukoy ang bakanteng upuan na nasa harap ko.

"S-sure!" Ngumiti ako nang pilit pero nahihiya pa rin ako sa kaniya dahil sa nangyari kahapon.

"Mabuti na ba ang pakiramdam mo? Ang aga mo pa pumasok," tanong niya.

"Ah, oo, maayos na pakiramdam ko. Salamat kahapon." Humigop agad ako ng kapeng iniinom ko pagkatapos ko siyang sagutin.

"Sigurado ka? Bakit parang nanginginig ang kamay mo—"

"Ha? Nanginginig kamay ko? H-hindi ah." Pinutol ko na agad ang sinabi niya at sinunod ko namang isubo ang kapiraso ng cheesecake.

"Sa tingin ko maayos na ang pakiramdam mo." Buti naman at sumang-ayon na siya. "Pero, parang..." Inilapit niya nang kaunti ang mukha niya, "naiilang ka ba sa'kin dahil sa ginawa ko kahapon?" dagdag niya.

Nababasa niya ba ang sinasabi ng utak ko?!

Sumandal siya sa upuan at nag-cross arms. "Wala naman 'yon sa'kin. Hindi ka naman gano'n kabigat at hindi ka naman malikot."

Imbes na gumaan ang pakiramdam ko sa sinabi niya, parang lalo pa ata akong nahiya.

Lumipas ang ilang minutong nakakabinging katahimikan sa pagitan naming dalawa.

"Tara na, anong oras na," anyaya niya sa'kin.

Hinayaan ko muna siyang mauna bago ako sumunod.

"Ah!" Namalayan ko na lang na nauntog ako sa likod niya dahil huminto siya sa paglalakad.

"Sabay na tayong tumawid," aniya na parang walang nangyari.

Humilera ako sa gilid niya at sabay kaming tumawid habang nakahinto ang mga sasakyan.

Nang makatuntong kami sa pinto ng classroom ay dinig na namin ang pinaghalo-halong ingay ng mga kaklase namin. May nagpapatugtog, nagdadaldalan, kinikilig habang nanonood, may nakanta at kung ano-ano pa. Inilapag ko na ang bag ko at naupo.

"Oy kuya!" pagtawag ni Avianna kay Luke.

"Nauna kang pumasok sa'kin, bakit ngayon ka lang?" tanong nito.

Springtime RemembranceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon