Chapter 29

212 9 5
                                    

Sumakay ako ng jeep nang walang kibo, nakatingin sa mga dumadaang sasakyan. Ang bigat ng pakiramdam ko. Habang tumatagal ay sumisikip ang aking dibdib sa tuwing naaalala ko ang mga nangyari kanina. Nanginginig ang mga kamay ko. Gusto ko ng umuwi, humiga sa aking kama at umiyak doon sa ilalim ng aking unan.

Alam kong pinag-uusapan na rin ako ng ibang pasahero sa loob ng jeep. Pero parang wala akong naririnig kahit isa. Panay ang buga ko ng hangin upang pigilan ang aking sarili. Sa totoo lang ay parang bibigay na ang mga mata ko. Pero ayokong umiyak sa harapan ng maraming tao, baka mas lalo lang nila akong pagtawanan.

Pagdating ko sa bahay, naabutan ko si lola sa labas, parang naghihintay sa pagdating ko.

“Apo,” bungad ni lola sa malumanay na boses.

“Lola,” sambit ko at kaagad na niyapos ako ni lola Tess. Hindi ko na napigilan ang aking sariling umiyak.

“Huwag mo na lang pansinin ang sinasabi ng ibang tao. Basta alam mo sa sarili mo kung ano ang totoo.” Hinagod ni lola ang likod ko habang umiiyak ako sa kaniyang balikat.

Tumaas-baba ang aking balikat dahil ‘di ko napigilan ang aking paghikbi. Wala naman akong ginawa sa kanila pero bakit ganoon na lang nila ako kung i-judge?

Nang maibsan ang bigat na nararamdaman ko ay pinunasan ko ang aking pisngi at bumitaw sa yakap. Bahagya akong ngumiti kay lola.

“Magiging ayos din ang lahat, Rendella.”

“Sana nga po.”

°•°•°•°

“Sorry po ma'am, pero hindi po kayo pwedeng pumasok sa loob,” anang security guard ng ABS building.

Kumunot ang noo ko. “Bakit naman po? Dati po akong nagtatrabaho rito. May ID pa nga po ‘ko.” Akmang kukunin ko ito sa loob ng aking bag pero pinigilan ako ng guard.

“Kahit maglabas kayo ng ID ma'am, bawal po talaga kayong pumasok dito. ‘Yon po ang utos sa'kin.”

Napaatras ako at walang nagawa. Napabuntong-hininga na lamang ako habang nakatayo sa tapat ng entrance. Sino naman kaya ang nag-utos?

May iilang babae din sa paligid pero hanggang doon lang sila at hindi pwedeng lumapit.

“OMG! I'm so excited!”

“Kailan kaya siya lalabas?”

“Sshhh! Huwag kayong maingay baka paalisin tayo rito! Maghintay na lang tayo.”

Nilingon ko ang mga babaeng nag-uusap at nakatingin din pala sila sa'kin. Umiwas kaagad ako at tumayo na lang sa gilid.

“Ano naman kaya ang ipinunta niya rito?”

“Gosh! Baka bigla niyang sasabihin, buntis siya at si Franco ang ama?”

“Nakakaloka ka! Huwag naman sana!” sabay tawanan nila.

May isang grupo rin sa kabilang side pero tahimik lang sila. Hindi ko sila pinansin nang biglang may dumaang pamilyar na sasakyan sa harap ko papuntang parking lot. Sinundan ko iyon ng tingin at nakasisiguro akong kay Franco ang sasakyan na ’yon.

Tumakbo ako at sinundan ang sasakyan papasok ng parking lot.

“Ma'am! Bawal po ‘yan!” rinig kong sigaw ng guard mula sa aking likuran.

The Beauty In MadnessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon