The Forbidden Desires 10

110K 2.6K 221
                                    

(TFD) Chapter 10

"Bakit ganyan ang itsura mo? Ano ang nangyari sa 'yo?" Salubong sa akin ni Gineth pagkapasok ko sa loob. "Hindi ka nakita ni Ate Elle? Pinapatawag ka at si Kuya Silas ni Lola dahil kakain na."

Sinuklay ko ng mga daliri ang buhok ko at mariin na kinagat ang ibabang labi. Bakit ba pagdating kay Silas ang bilis ko magalit. Hindi naman ako ganito, ngayon lang. Siguro dahil ngayon ko lang din naman kasi naranasan ang makipagsagutan at makipagsigawan. Baka ganito talaga ako magalit at hindi ko lang alam.

"Kuya!"

Napapikit ako ng mariin nang marinig si Neth na tinawag ang kuya niya. Sa likod ko siya nakatingin at mukhang nasa loob na rin sina Silas at Elle. Narinig ko ang mahina na tawa ni Elle nang lagpasan kami ni Silas. Kahit ang kapatid niya'y hindi niya pinansin. Walang lingon likod siyang nagtungo sa kwarto niya.

"Maliligo raw saglit. Magpapalamig," si Elle kay Neth.

May kahulugan akong sinulyapan ng babae na natatawa bago siya dumiretso sa kusina. Sinundan ni Neth ng tingin si Elle at naguguluhan na tiningnan ako.

"Nag-away kayo ni kuya sa labas?"

Hindi ako sumagot.

"Bakit? Ano ang pinag-awayan n'yo?"

Umiling ako at nagpaalam na maliligo rin sandali. Nasa loob na ako ng banyo at basang-basa na ang katawan pero nakasimangot pa rin ako. Napahawak ako sa aking pang-upo at sa likod ko na tumama sa kahoy. Sa ahas kanina niligtas niya ako. Ngayon naman sinalo niya ako 'tapos binitiwan din ako. Ngumiwi ako at inisip na mas pipiliin ko na rin na bumagsak sa mga kahoy kaysa ang matuklaw ng ahas.

Pagkatapos maligo, hindi na ako nagpatuyo ng buhok at lumabas na. Baka kasi naghihintay sila at nakakahiya sa matatanda kung magtatagal pa ako. Magkakalayo ang bawat sulok ng bahay dahil sa laki ng bahay. Ilang kwarto pa ang dinaanan ko at binagtas ang malawak na sala bago ako nakapasok sa hapagkainan.

Nandoon na silang lahat. Nagtama ang tingin namin ni Silas na basa rin ang buhok kagaya ko. Sabay kaming nag-iwas ng tingin nang tinawag ako ni Lola para umupo.

Hindi maiwasan magtama ang tingin namin habang kumakain. Magkaharap kasi kami at minsan pang nagkakasabay sa pag-abot ng ulam. Wala sa sarili na napapairap ako kahit hindi ko naman iyon nakaugalian.

Napapansin ni Neth na tahimik kaming pareho ng kuya niya. Si Elle na katabi ang tatay niya'y madalas mapahagikgik sa kinauupuan niya na para bang may nakakatawa siyang pinapanuod.

"Silas! Bigyan mo nga si Athena nito!" Biglaang utos ng Lolo niya't inabot kay Silas ang lagayan ng isang ulam.

Bumilis ang tibok ng puso ko at halos mabilaukan nang sinunod 'yon ni Silas. Sinandok niya ang ulam at nakasimangot na sinalinan ang pinggan ko bago ibalik sa lolo niya ang pagkain. Nagkatinginan kami pagkainom ko ng tubig. At siyempre, mabilis ding sabay na nag-iwas.

Nagtataka na tumingin ang mga matatanda kay Elle dahil sa malakas na paghalakhak nito. Kulang na lang ay humawak siya sa tiyan niya at gumulong sa katatawa.

"Nasa hapag tayo, Anak. Kumakain ka. Mamaya na iyan," nagtataka na puna ng ama niya.

"Opo, Daddy! May naalala lang po ako!" Sagot niya na nangingiti pa rin, salitan ang tingin niya sa akin at kay Silas.

Pagkatapos kumain nagyaya sa labas si Neth. Katulad dati'y hindi ko na rin matanggihan dahil sa tuwing magyayaya siya'y may kasamang paghila.

Hinatak niya ako at tumigil sa isang bakal na duyan sa labas. Nakakabit iyon sa dalawang poste na bato. May mga ilaw pareho. Kasya ang tatlo sa duyan at nakaharap iyon kung nasaan ang matatanda na nagkakape sa labas at kay Silas na ipinagpatuloy ang ginagawa sa mga kahoy.

The Forbidden Desires (R-18) (Erotic Island Series #5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon