The Forbidden Desires 27

110K 2.3K 886
                                    

(TFD) Chapter 27



"Bakit tumawag? Ano ang sinabi ni Ate, Kuya?"

Pinipigilan ko mapatingin kay Silas. Napapangiti kasi siya kapag nagtatama ang tingin namin. Baka makahalata si Neth.

"Lilinisin 'yung likod ng bahay. Nagpaalam lang na aalisin muna ang mga gamit ko."

"Kailan ka ba babalik doon? Umalis na si Ate Elle kasi magtatrabaho. Nabanggit niya ba sa 'yo?"

"Yup." Tumango si Silas at napangiti nang magtama ang tingin namin.

Sumubo ako ng pagkain at iniwas ang tingin. Kinakabahan ako sa ginagawa niya. Mabuti na lang din at mukhang wala naman pakialam sa paligid si Gineth.

"Kuya, sasama ako sa bahay nila Raff. Hindi kami natuloy sa kanila kaya ngayon siya nagyaya," nakalabi si Neth at nagmamakaawa ang mukha.

"Okay," sabay abot sa ulam ni Silas.

Napanganga si Neth. Parang hindi makapaniwala sa mabilis na pagpayag ng kuya niya.

"Mag-iinom kami, Kuya?"

"Just don't drink too much," walang tingin na sagot niya sa kapatid.

Lalong nagulat si Gineth at pinanlalakihan ako ng mga mata. Gulat na gulat ito sa mga sinasagot ni Silas sa kanya. Kulang na lang magtatalon siya at umiyak sa sobrang tuwa.

"Isasama ko si Athena!"

Doon na nag-angat ng tingin si Silas at agaran na inilingan ang kanyang kapatid.

"Ikaw lang ang pupunta. Hindi pwede si Athena. May pag-uusapan kami."

Tumango si Gineth. Pagkaraa'y malungkot ito na tumingin sa akin at parang nanghihinayang. Ngumiti naman ako. Wala naman kasi akong balak na sumama.

Uminom si Silas at tiningnan ako. Napalabi ako nang makita ang nakatago na ngiti niya sa baso habang umiinom ng tubig.

Pagkatapos mananghalian, nasa sala kami. Hindi pa umaalis si Gineth kaya nasa gitna namin siya ni Silas sa mahabang sofa. Nakahilig ako sa sandalan ng sofa at yakap ang isang unan. Naka-indian sit naman si Neth at may mga kausap sa chat sa telepono niya.

Mula sa panunuod sa tv, napasulyap ako kay Silas na sinusuklay ang buhok niya pataas. Nakatingin ito sa kapatid at pasimple na ipinatong sa sandalan ang braso para maabot ako. Nagulat siya nang malingunan ako at makita na pinagmamasdan ko ang pasimpleng ginagawa niya. Nakaupo nga siya pero hindi naman siya mapakali.

Napangiti siya at nakatitig sa akin na inabot ang buhok ko na nasa balikat para paglaruan sa mga daliri niya. Kapag haharap si Gineth sa akin, titigilan niya iyon at ipipirmi lang sa sandalan ang kamay. Kapag nasa telebisyon o telepono ulit ang mata ni Gineth, babalik iyon sa paglalaro sa buhok ko. Pinamumulahan ako kapag nagkakatinginan kami. Nakikiliti kasi ang anit ko sa marahan na paghila niya sa mga hibla ng buhok ko.

"Anong oras ka aalis?" Pagkaraa'y tanong niya sa kapatid.

Tumingin sa pambisig na relo si Gineth bago sumagot sa tanong ng kuya niya.

"After thirty minutes, Kuya. Ihahatid mo ba ako?"

"Bakit thirty minutes pa? Wala ba si Raff sa bahay nila?"

"Nandoon! Kaya lang baka nag-aayos pa sila-"

"Tumulong ka na lang kung nag-aayos pa sila. Ihahatid na kita."

Tumayo si Silas at umakyat para siguro kunin ang susi ng sasakyan kaya hindi na nakapag-reklamo si Neth. Baka magbago pa raw ang isip ng kuya niya.

Isinama ako ni Silas sa paghatid. Nagla-laptop si Gineth sa backseat pagkapasok ko sa harapan ng sasakyan. Isusuot ko sana ang seatbelt pero inunahan ako ni Silas. Sinilip niya ang kapatid sa likuran at nang makita siguro na nasa laptop ang atensyon nito'y ninakawan niya ako ng isang madiin na halik. Napalunok ako at napayuko sa suot na seatbelt dahil sa sobra-sobra na pag-iinit ng mga pisngi ko.

The Forbidden Desires (R-18) (Erotic Island Series #5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon