Chapter 20: Money Is Important

47 19 0
                                    

"Ate!" Isang batang lalaki ang sumampa sa kama na hinihigaan ni Arim para gisingin ito. Tanghaling tapat na pero tulog na tulog pa din si Arim dahil sa gabi nagsisimula ang kanyang trabaho. "Ate, may bisita tayo!"

Nagising naman si Arim at kinusot ang mata para tignan nang maayos ang nakababata nyang kapatid. "Sino naman ang bibisita sa atin?"

"Nandito si Kuya Junho!"

Agad na bumangon si Arim sa pagkakahiga at lumabas sa kwarto, nakita niya ang isang lalaki sa maliit nilang sala na kumakain ng ramen.

"Anong ginagawa mo dito?" mahinahon ngunit may diin na tanong ni Arim, bakas sa mukha niya ang pagka-inis sa lalaking nakikita niya ngayon.

Nakangiti siyang nilingon ni Junho. May highlights na kulay pula ang itim nitong buhok, may ilang piercing, at tattoo sa katawan. "Hindi mo ba ako namiss?"

"Anong pinagsasasabi mo?" galit na tanong ni Arim. Lalapitan niya sana si Junho pero biglang dumating ang kapatid niya.

"Yaejoon! Namiss mo ba ang kuya Junho mo?" Nilahad ni Junho ang dalawa nyang kamay kaya lumapit sa kanya si Yaejoon na pitong taon gulang pa lang. "Gusto mo bang maglaro tayo sa park?" tanong niya sa bata habang nakaupo ito sa hita niya.

"Anong kalokohan 'to? Bakit ka nandito?" Lumapit si Arim sa kanila at kinuha ang kapatid niya mula kay Junho. "Ang lakas ng loob mong bumalik, nababaliw ka na ba talaga?"

"Nandito ako para humingi ng tawad, hindi ko gustong iwan ka," mahinahong sagot ni Junho.

"Yaejoon, pumasok ka muna sa kwarto mo. H'wag kang lalabas hangga't hindi ko sinasabi," utos ni Arim sa kapatid niya, tumango ito at nagtungo sa kwarto.

"Tumayo ka dyan." Sinipa ni Arim ang binti ni Junho. "Umalis ka na dito." Nang tumayo ito ay tinulak niya ito palabas ng apartment.

"Sandali lang, Arim! Hindi mo man lang ba ako hahayaang makapagpaliwanag?"

Tinulak siya nang malakas ni Arim kaya napaupo siya sa lupa. "Umalis ka na, hindi ko kailangan ng paliwanag mo! Matapos mong mawala ng ilang buwan at iwan sa akin ang mga utang mo, nagawa mo pang bumalik?! Sobrang kapal naman talaga ng mukha mo!"

"Aish!" Tumayo si Junho at pinagpagan ang likod niya. "Hayaan mo akong makapagpaliwanag! Hindi ko gustong iwan ka, alam mo namang mahal na mahal kita 'di ba?"

"Umalis ka na lang," mahinahong sagot ni Arim. Isasara na sana niya ang pinto pero hinawakan 'yon ni Junho para hindi niya tuluyang maisara.

"Arim, hindi ko gustong iwan ka! Nasilaw lang talaga ko sa pera!"

"Dyan ka naman magaling! Handa mo akong iwan kahit anong oras basta may pangbisyo ka!" Pilit nyang sinara ang pinto pero malakas talaga ang kapit ng lalaking 'to.

"Bumalik ako para bayaran ang mga utang ko, at syempre para balikan ka. Sobrang miss na kita, hindi ko lang 'yon magawa dahil sa lalaking 'yon."

Kumunot ang noo ni Arim at lumuwag ang pakahawak niya sa pinto dahilan para magawa na ni Junho na makapasok ulit.

"Sinilaw niya ako ng pera niya para layuan ka. Alam kong nagkamali ako at alam mo din kung gaano kita kamahal, kaya nandito ako ngayon para ipaglaban ka."

"Ano na namang kasinungalingan ang sinasabi mo? Tanga ba ang tingin mo sa akin?"

"Hindi ako nagsisinungaling! Binigyan ako ni Jihyuk ng madaming pera!"

Sinuntok siya ni Arim sa dibdib. "Kinuha mo naman?!"

"Bakit naman ako tatanggi sa grasya-AH!" Sinuntok siya muli nito.

Hindrance Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon