Chapter 27: Smile

12 6 0
                                    


Naglalakad pauwi si Haesuk kasama ang kanyang ina na si Myunghee. Hindi maipinta ang mukha nito, tahimik lang itong naglalakad at sa daan nakatingin.

"Sorry…" halos pabulong na sabi ni Haesuk. Galing kasi sila sa school dahil pinatawag ang magulang niya. Ilang beses na kasi siyang napupunta sa disciplinary office at ngayon ay sinuspend na siya ng isang buwan, hindi na sila binigyan pa ng pagkakataon kahit pa anong gawing pagmamakaawa ng mama niya.

"Sa school mo ba nilalabas lahat ng galit mo sa papa mo, kaya ka nagkakaganyan?" tanong ni Myunghee sa mababang tono, nasa gilid niya si Haesuk na puro pasa ang mukha dulot ng pakikipagsuntukan sa kanyang kaklase.

"H-Hindi po," sagot ni Haesuk habang nakayuko.

"Kung gano'n, bakit?" Huminto sa paglalakad si Myunghee para harapin ito, huminto din ang anak niya at diretsong tumingin sa kaniya. "Bakit kailangan mo lagi makipag-away? Anong dahilan mo?" galit nyang tanong.

Tumingin sa ibang direksyon si Haesuk at hindi magawang sumagot.

"Ilang beses ka na napupunta sa guidance, ilang beses na din ako nagmamakaawa para lang makapag-aral ka pa din. Paano kung pagbawalan ka sa lahat ng school dahil sa mga pinaggagagawa mo?"

Nahihiyang tinignan ni Haesuk ang mga taong dumadaan sa gilid nila, kaya hindi siya makasagot.

Napansin 'yon ni Myunghee kaya huminga siya nang malalim para ikalma ang sarili. "Pasensya ka na kung dito pa kita kailangan pagsabihan, alam mo namang mas malala ang matatamo mo kung malalaman pa ng papa mo ang tungkol dito," mahinahon nyang sinabi bago hawakan ang anak sa pisngi.

"Ma…"

"Hmm?"

"Gusto ko pong lumipat ng school."

Kahit hindi alam ang dahilan, hinayaan ni Myunghee na lumipat ng school si Haesuk. Nagbabakasali siya na baka magbago na ito kung makakakilala ng ibang tao.

Ang buong akala niya sa school dinadala ng anak niya ang galit nito sa ama kaya lagi niya itong nababalitaan na may kaaway, ang hindi niya alam ay hindi talaga nananakit ang anak niya dahil ito ang sinasaktan.

Nang mag-uwian sa bagong school na nilipatan ni Haesuk ay biglang may humila sa kaniya papunta sa walang taong lugar. Pinalibutan siya ng tatlong lalaki, hindi naman siya makatakbo dahil pader na ang nasa likod niya.

"Bakit ka daw lumipat?" nakangiting tanong ng lalaking may kulot na buhok, sinandal nito ang sapatos sa pader para i-corner si Haesuk. "Miss ka na ni Sangyeon."

Noong unang araw pa lang ay hindi na maganda ang pakiramdam niya sa mga ito, ngayon ay napatunayan niya na mauulit na naman ang nangyari sa kaniya noon sa dati niyang school.

Binubully siya ng mga kaklase niya noon at ang tinutukoy nitong Sangyeon ang pasimuno. May isa pang lalaki na nabubully at iyon ang lalaking kasama niya kapag nagaguidance siya. Pinapalabas na sila ang dalawang nag-away, pero ang totoo parehas lang silang biktima.

Wala naman magawa si Haesuk dahil wala siyang kakampi, hindi din naman siya kakampihan ng ama niya kung sakaling magsusumbong siya dito.

Nagdadalawang isip si Haesuk kung papasok siya sa loob ng bahay nila, pagkatapos kasi siyang pagtripan ng mga bago niyang kaklase ay sinigurado niya muna na maayos ang itsura niya pag-uwi.

"Naka-uwi na po ako," sabi ni Haesuk pagbukas ng pinto, agad niyang nakita ang masamang tingin ng ama niya.

"Kumusta ang pag-aaral?" nakangiting tanong ni Myunghee nang salubungin siya nito.

Hindrance Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon