Chapter 1: Chased

1.8K 48 2
                                    


Kabado si Ellie habang nakasandal sa gilid  ng maikling hallway na patungo sa ground floor comfort room ng  Angelicum Hospital and Medical Center kung saan siya nagtatrabaho bilang nurse.. Maya-maya pa, alanganin niyang sinilip ang  lobby ng ospital. Ang mga mata niya, hinahanap ang lintek na ex niyang si Gil, na eventually naging stalker na ayaw siyang tantanan. Kagabi, bago niya umpisahan ang 16-hour duty niya, nag-text ito sa kanya. Kung paano nito ulit nalaman ang bago niyang number, wala siyang ideya. Basta ang sabi nito,  hihintayin siya nito sa lobby ng ospital para daw makapag-usap sila. 

Nakunsumi siya. Naging mali-mali tuloy siya sa duty niya kanina sa ER. Ilang beses siyang pinagalitan ni Dr. Matt Lavigne, ang head ng Medicine Department at attending physician sa ER simula nang mag-duty siya kagabi. Kahit kanina, para pa rin siyang windang na pusa na hindi makaanak-anak dahil natataranta siya at lumilipad ang isip niya!

Muli siyang sumandal sa dingding na pinagkukublihan niya. Hindi na niya talaga alam ang gagawin kay Gil. Pina-barangay na niya ito at lahat para lang tantanan siya, kaya lang parang ayaw nitong magtanda! Nagpalit na siya ng number, naka-block na rin ito sa Facebook niya at iba pang social media, lumipat na nga rin siya ng kasera sa pagbabakasakaling matigil na ang pagsunod-sunod at panggugulo nito sa kanya. Kaya lang parang hindi effective. 

Mahigit isang buwan lang ang itinigal ang relasyon nila ni Gil. Noong una, maayos naman ang pakikitungo nito sa kanya. Matiyaga pa nga ito sa pagsundo-sundo sa kanya noon. Kaya lang, nagbago ang lahat nang matanggal ito sa trabaho nito sa kumpanya ng softdrinks bilang assistant plant manager. Dinibdib nito ang pagkakatanggal nito sa trabaho lalo pa at ito ang bread winner ng pamilya nito. Natulala ito at halos hindi makausap ng isang linggo. At bilang ulirang girlfriend, araw-araw niya itong pinuntahan sa bahay ng pamilya nito sa Bulacan. Kahit na anong pagod niya sa trabaho, hindi niya ito tinigilan na bisitahin. Nagtiyaga siya talaga.  Isinapuso niya kasi ang nakasulat sa sinumpaan niyang The Nightingales' Pledge na and as a 'missioner of health' I will dedicate myself to devoted service to human welfare. Wala e, gaga pa siya nang mga panahong iyon sa pag-ibig.

 Sa awa ng Diyos, matapos ang isang linggo, nakakausap na nang maayos si Gil. Kaya lang, napansin niya agad ang pagbabago rito. Naging iritable na ito at laging nakasinghal kahit na sa maliit na bagay. Pati mga pamangkin nito, pinag-iinitan na nito kahit na hindi naman ito dating gano'n. He was clearly showing signs of mental distress. Nang sabihin niya rito na mukhang kailangan nito ng therapist para ma-manage ang depression nito, nagalit ito sa kanya at muntikan na siyang pagbuhatan ng kamay. 

Sa inis niya, agad siyang nakipaghiwalay dito. Doon na nag-umpisa ang pakikipagtaguan niya rito. Nakasunod ito sa kanya kahit saan-- sa trabaho, sa bahay niya, maging sa mall kung gusto niyang gumala minsan. Ilang beses na niya itong pinakiusapan, kaya lang mapilit talaga ito at gustong makipagbalikan. Nang minsan, sinadya pa siya talaga nito sa nurse's station para kausapin. Nang ayaw niya, muntik na itong magwala. Napilitan siyang magtawag ng security para lang mapaalis ito. 

Sa sobrang inis niya rito, pina-blotter na niya ito sa barangay. Gusto pa nga sana niyang iusad ang kaso sa pulis kaya lang nakiusap ang nanay nito na h'wag na sanang umabot pa sa sampahan ng kaso sa pulis dahil mas lalong mahihirapan si Gil na makahanap ng trabaho. At dahil mababaw ang kunsensiya niya, pumayag siyang hanggang sa barangay lang ang kaso. And that was 3 months ago! Hanggang ngayon, ayaw pa rin siyang tantanan ng lintek na ex niyang stalker!

Maya-maya pa, nag-ring ang cellphone niya. Napaigtad siya at tarantang  hinugot ang cellphone sa bag niya. Napakunot siya nang makitang galing ang tawag sa isang new number. 

Mula sa pinagkukublihan niyang hallway,  sinilip niya ulit ang lobby ng ospital. Agad siyang napasinghap  nang makita si Gil na nagtatanong na sa information desk ng ospital.  Napapadyak na siya sa inis. Mabilis niyang tinawagan ang number ng nanay ni Gil na sigurado niyang siyang salarin kung bakit nalaman nito ang bagong number niya. Paminsan-minsan kasi pinapaalalahanan niya ang matanda na itutuloy niya ang pagsasampa ng kaso tuwing ginugulo siya ni Gil para sana gumawa ng paraan ang mga ito na pigilan si Gil sa pagsunod-sunod sa kanya. Kaya lang base sa tumitinding panggugulo ni Gil sa kanya nitong nakalipas na ilang linggo, mukhang hindi talaga mapigilan ng nanay nito si Gil.

The Beautiful Target (Protector Series 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon