Chapter 32: Hyogikai

622 45 10
                                    


22 years ago

Hindi mapakali si Mario Dominguez sa  maliit na kuwartong kinaroroonan niya habang hinihintay ang importanteng tao na magliligtas sa kanya roon. Nanghihina man mula sa mga sugat na natamo niya mula sa pagpapahirap ng mga dati niyang kasamahan, hindi nawawala ang pag-asa sa dibdib niya na ilang sandali na lang ang ipaghihintay niya at makakalabas din siya roon. 

 Napatingala siyang sa kisame at pumikit. Ilang sandali pa, dumapo sa kanyang balat ang lamig na nagmumula sa labas ng grand tea room na nakahiwalay sa mismong bahay. Nasa basement siya niyon at anim na araw nang tinitiis ang lamig at pagkirot ng kanyang mga sugat. Agad siyang nangaligkig at niyakap ang sarili.  Si Master Toshiro mismo na malapit niyang kaibigan at amo ang naglagay sa kanya roon dahil nalaman nito na pinsan niya si Matias De Ocampo, ang isa sa mga maimpluwensiyang miyembro ng Triad, ang grupong balak patumbahin ni Toshiro upang maisakatuparan ang mga plano nito.

Nang pumikit siya ay agad niyang naalala ang mga kaganapan ilang araw na ang nakararaan. 

"Anata wa uragirimonodesu, Mario-san (You are a traitor, Mario). Why didn't you tell me your connection to the Triad? What other secrets are you keeping from me?" bulyaw ni Master Toshiro sa kanya. 

Nang hindi siya sumagot sinampal siya nito bago tinutukan ng talim ng katana. Lalo siyang nanginig sa takot. Lakas-loob niyang tinignan ang mga mata nito. Hindi na ito ang dati niyang kaibigan at amo. Hindi na ito ang dating Master Toshiro na kilala niya. Kung paano at kailan ito naging demonyo, hindi niya alam. Subalit kung papatayin siya nito ngayon, malugod niyang tatanggapin ang lahat kung iyon ang kabayaran sa lahat ng nagawa niyang pagkakamali halos tatlong taon na ang nakararaan. 

"G-gomena-sai, M-master Toshiro," aniya sa nanginginig na tinig.

Ngumisi si Master Toshiro, nakatitig pa rin sa kanya. "I will not kill you with my katana, Mario-san. You don't deserve an honorable death. I will starve you and your family instead."

Lumuluha siyang muling nagbukas ng mga mata. Inuusig siya ng kanyang kunsensiya. Kung sana hindi niya pinagsawalang-bahala ang mumunting pagbabago sa ugali ni Master Toshiro, at kung sana nalaman niya nang mas maaga ang mga plinano nito at ng tiyuhin nitong si Master Hayashi, hindi sana hahantong sa ganoon ang buhay niya at ng pamilya niya-- laging natatakot at walang sariling paninindigan. Ang akala niya, dahil matapat siya rito, na siyang ipinangako niya sa nasira nitong ama na si Chancellor Hiroshi, hindi siya nito gagawan ng masama. Subalit nagkamali siya. Wala nang natitirang awa at pagmamalasakit sa puso si Master Toshiro. Napalitan na iyon ng walang-hanggang pagka-uhaw sa kapangyarihan. Tama nga ang ina nitong si Lady Miho, hindi mapagkakatiwalaan si Master Toshiro. Tama na hindi ipinamana rito ang Hyogikai subalit...

Halos tatlong taon na ang lumilipas nang tulungan niya at nga kanyang mga kasama si Master Toshiro na agawin kay Master Shinjiro ang pagpapatakbo sa Hyogikai-- isang organisasyon ng mga mayayaman at maimpluwensiyang pamilya sa Japan. Hindi niya inakalang magiging madugo ang pangyayaring iyon na nagresulta sa pagkamatay ni Master Shinjiro. Huli na nang malaman niya na kaya pala nais pamunuan ni Master Toshiro ang Hyogikai dahil sa mga masama nitong balakin-- ang muling pagbangon  ng Nippon at ang pamunuan ang mundo. 

Ikinuyom niya ang kanyang mga kamay bago mapait na humikbi. Wala na ang dating Hyogikai. Sinira ito ng mismong taong tinulungan niyang maagaw ito sa nararapat nitong tagapangalaga. 

"Master Shinjiro, gomen-nasai," bulong niya kasunod nang mapait niyang pagluha. 

Maya-maya pa, bumalik ang isip niya sa kasalukuyan, kung saan niya hinihintay ang ipinangakong tulong sa kanya ni Lady Miho. Hindi nakalimot ang matandang babae sa naging katapatan niya sa pamilya ng Fujikawa. Nang malaman nito na ikinulong siya ng anak nito dahil lamang sa koneksiyon niya sa pinsan niya, palihim siya nitong inaabutan ng pagkain tuwing bumibisita ito sa kanya. Kahit na kontrolado na lahat ni Master Toshiro ang lahat sa Hyogikai, nananatili pa ring tapat ang iilang mga tauhan kay Lady Miho kaya naman malaya itong nakakadalaw sa kanya. At araw-araw, sa nakalipas na limang araw, walang palya ang pagbisita nito sa kanya. At kahapon nga, sinabihan siya nito na maghanda sa nalalapit niyang pagtakas. 

The Beautiful Target (Protector Series 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon