Isang marahas na tapik sa kanyang balikat ang mabilis na nagpalingon kay Ivan.
"Hoy Ivan, kausap ka ni Bugoy," pukaw sa kanya ni Charles, bago ito humigop ng hangin sa supot na hawak nito na may lamang rugby. Ito ang lider nilang mga batang kalye sa lugar na iyon.
Lumipad ang tingin niya kay Bugoy, ang matabang binatilyo na nakaupo sa isa sa mga bench ng park na kinaroroonan nila.
"Kumuha ka ng tinapay," utos ni Bugoy sa kanya, inginuso pa nito ang malaking tindahan na kanina pa niya tinatanaw. Mabilis niya ulit nilingon ang tindahan. Agad na kumalam ang sikmura niya nang makita ang mga tinapay na naka-display sa isa sa mga eskaparate roon.
Maghapon na siyang hindi kumakain. Napilitan siya kasing ibigay kay Charles ang natitira niyang pera mula sa pamamalimos nang nakaraang araw. Naubos na raw kasi ang rugby nito. Kailangan nitong bumili. Ayaw man niya sana, kaso bataan si Charles nina Boy Magno, ang kilalang siga sa parteng iyon ng Maynila. Si Charles ang ginawa nitong tagapamahala sa kanilang mga batang kalye-- mga batang naglayas at ayaw nang umuwi o gaya niyang wala na talagang mauuwian.
Dalawang taon na siyang ganoon. Napalayas siya kasi sa dati nilang tinitirhan ng Nanay niya noong nabubuhay pa ito. Wala rin naman siyang Tatay o kamag-anak man lang na puwede niyang hingan ng tulong. Mabuti nga at pinatuloy pa siya ni Charles sa puwesto nito sa ilalim ng tulay. Kung hindi...
Lihim siyang bumuntong-hininga.
Sa totoo lang, may natitira pa naman siyang bente pesos sa bulsa niya. Kaso, balak niya sanang bumili ng isang tangkay ng bulaklak para sa pagdalaw niya sa puntod ng Nanay niya bukas. Death anniversary ng Nanay niya bukas. Dadalaw siya sa sementeryo. Baka magtampo ang Nanay niya kapag hindi niya ito dinalhan ng kahit isang bulaklak.
"Hoy, Ivan! Narinig mo ba 'ko?" pukaw ulit ni Bugoy sa kanya.
Mabilis niyang inilahad ang kamay dito. "Akin na pambili," sabi niya.
Nagsalubong ang mga kilay ni Bugoy, humugot ng malalim na hininga sa plastik ng rugby na hawak nito. "Ikaw na muna. Wala 'kong pera," may halong inis na sabi nito.
"Wala rin akong pera, Bugoy. Binigay ko na kay Charles," sagot niya sa mababang tinig.
"E 'di magnenok ka kahit isa lang. 'Yong para sa 'kin lang," ani Bugoy, gigil na.
Napareklamo na siya. "'Di ba pinagsabihan na tayo ni Kapitan. Kapag nahuli pa raw ang ni isa man sa atin na nagnanakaw, diretso na tayo sa pulis. Tanong mo pa dito kay Charles."
Nakatikim siya ng batok kay Charles. "Dinahilan mo pa 'ko, 'tado ka!" mabilis na sabi nito bago bumaling sa iba pa nilang kasama, sa mga mas bata. "Dumilihensiya kayo do'n sa simbahan. Tapos ibigay niyo kay Ivan." Agad na tumalima ang tatlong kasama nila na mas bata sa kanya. Tiyak niya, pagkatapos ng isang oras, may pambili na sila.
Subalit wala pang halos tatlong minutong nakakalayo ang mga bata, bumuhos na ang ulan. Nagmamadali tuloy silang nagsiksikan sa isang waiting shed sa malapit. Walang anumang dingding ang waiting shed, tanging bubong lang. Kaya naman tuwing humahangin, nababasa rin silang nakasilong doon. Maya-maya pa, dumating ang owner ni Boy Magno. Sinundo nito sina Charles at Bugoy. Ang dinig niya, may ipapatrabaho raw sa mga ito. Sigurado, may ipapanakaw na naman sa mga ito si Boy Magno.
Matagal na niyang kasama-kasama sina Charles at Bugoy pero ni minsan, hindi niya tinangkang gawin ang ginagawa ng mga ito. Nakukusensiya kasi siya. Nangako siya sa nanay niya bago ito mamatay na magiging mabuting tao siya kahit na mag-isa na lang siya.
BINABASA MO ANG
The Beautiful Target (Protector Series 3)
RomanceMabait, masipag, at pinagpala ng kagandahan, ganyan ilarawan ng mga kaibigan niya si Elliana Marie de Leon o Ellie. Bibingo na sana siya sa kasuwertehan kaso malas siya pagdating sa pag-ibig. Kung hindi basagulero, ay notorious womanizer naman o 'di...