Humugot ng malalim na hininga si Mario Dominugez habang nakatanaw sa kadiliman ng gabi. Sa parteng iyon ng Pilipinas kung saan siya matagal nang nagtatago mula sa kanyang mga kaaway, puno ng bituin ang langit, gaya rin ng gabing magbago ang buhay niya.
Napabuntong-hininga siya nang muli siyang lunurin ng mga alaala ng mga nakalipas na maraming taon. Wala sa sarili niyang dinukot sa kanyang bulsa ang isang kuwintas na may pendant na kahugis ng buwan. Iyon na lang ang natatangi niyang patunay na minsan sa miserableng buhay niya, naging masaya siya. Buo at puno ng pag-asa.
Masuyo niyang hinaplos ang crescent moon pendant ng kuwintas. Puno iyon ng asul na bato ng mga sapiro. Naalala niya, si Chancellor Hiroshi, ang dating pinuno ng Hyogikai na naging napakabuti sa kanya.
Muli, napalitan ng lungkot at pagsisisi ang dibdib niya. Dahil tila hanggang ngayon hindi pa rin niya mapatawad ang sarili niya sa napakalaking pagkakamaling kanyang nagawa.
Nag-angat siya ulit ng tingin sa langit. Malakas ang buhos ng liwanag na nanggagaling sa buwan, tila siya binabati, kinukumusta.
"Mizuki," sambit niya bago mapait na ngumiti.
Maya-maya pa, tumunog ang cellphone niya. Sinagot niya ang tawag habang muli niyang nilakad ang dalampasigan pabalik sa kubo na nagsilbi na niyang tahanan sa nakalipas na halos dalawang dekada.
"Ano nang balita?" tanong niya sa kausap sa kabilang linya. "Hindi na ako maaring maghintay nang mas matagal. Wala na akong oras," aniya bago nagbuga ng pagod na hininga. "Kailangan. Sige, hihintayin ko," aniya bago tinapos ang tawag.
Muli siyang napatingin sa buwan.
"Ima doko ni imasuka, Mizuki?"
-----
Kinabukasan
"Are you ready?" salubong ni Sierra kay Ellie habang pababa siya sa hagdan ng farmhouse. Handa na siya sa pag-uwi sa bukid-- sa maliit na bahay na tinutuluyan nila ni Ivan. Ngayon kasi ang huling araw ng anihan. At kahit na may paparating na bagyo, sabi ni Sierra, tradisyon daw roon na pagkatapos ng anihan, may kasiyahan kahit kaunti.
Tumango siya at ngumiti bilang sagot sa tanong ni Sierra. Gumanti rin ng ngiti ang buntis bago nagpatiuna sa portico ng farmhouse kung saan naghihintay ang van na magdadala sa kanila sa bukid.
Humugot at nagbuga siya ng malalim na hininga. She was feeling much better today than any other day. Sa katunayan, excited siya sa pag-uwi sa maliit na bahay.
"Sus, sabihin mo excited ka ulit na makita si Ivan. Kalandian na naman ang iniisip mo Elliana Marie," pang-ookray sa kanya ng isip niya.
Lihim na tumikwas ang nguso niya. Paano, totoo. Totoo na excited siyang umuwi sa maliit na bahay dahil kay Ivan. Kagabi, tinodo na niya ang pagpapakagaga. Landian sa phone kung landian. Sinakyan niya lahat ng pa-fall lines ni Ivan. Patola kung patola. Mukha siyang uto-uto pero wala siyang pakialam. Dinedma na niya ang mga babala ng lohika niya.
Kumbinsido na siya e, na minsan lang dumaan sa buhay niya ang isang Ivan. Kaya naman sinagad-sagad na niyang talaga.
"Matulog ka na," sabi nito nang pasado alas dose na ng hatinggabi, magka-usap pa rin sila.
"Sige, babye na," sagot naman niya pero hindi naman tinapos ang tawag.
"Sige. Sweet dreams, Ellie," sagot nito pero hindi rin tinapos ang tawag.
"Ikaw rin. Sige."
"Okay."
Kaso wala pa rin sa kanila ang tumapos ng tawag. Para silang timang na dalawa roon na naghihintayan kung sino ang unang magbababa ng cellphone.
BINABASA MO ANG
The Beautiful Target (Protector Series 3)
RomanceMabait, masipag, at pinagpala ng kagandahan, ganyan ilarawan ng mga kaibigan niya si Elliana Marie de Leon o Ellie. Bibingo na sana siya sa kasuwertehan kaso malas siya pagdating sa pag-ibig. Kung hindi basagulero, ay notorious womanizer naman o 'di...