CHAPTER 20

975 58 10
                                    

Nakanguso si Diwata habang naglalakad sila ni Hale pauwi ng bahay nito. Hindi niya maintindihan kung bakit tila galit na galit ito sa kaniya. Para bang pasan nito ang mundo. Kanina ay iniwan siya nito sa bahay nang mag-isa, hindi man lang ito nagpaalam sa kaniya kaya naman nagdesisyon siyang sundan na ito dahil natatakot siyang mag-isa sa loob ng bahay.

Ano kaya ang problema ng lalaking ito?

“Uy Hale, ayos ka lang ba? Bakit parang kanina ka pa masungit diyan?”

“Bakit mo pa ko sinundan? Hindi mo ba iniisip na puwede kang mapahamak diyan sa ginagawa mo?!”

Malakas ang boses nito kaya naman mas lalo lang siyang nagulat. Bumalik na naman sa pagiging masungit si Hale, nitong mga nakaraang araw ay medyo bumabait na ito sa kaniya at mahinahon, pero ngayon ay mukhang sinapian na naman ito ng masamang espiritu.

“Bakit ka ba nagagalit? Sinundan lang naman kita dahil bigla mo na lang akong iniwan kanina. Hay! Ano ba talagang problema mo Hale?”

Hindi kumibo si Hale sa kaniya at tuloy-tuloy lang silang lumabas sa clubhouse. Pagdating nila sa bahay ay tahimik pa rin si Hale, hanggang sa makapasok sila sa loob ng bahay nito ay wala pa rin itong kibo.

“Hale, papasok na ako sa loob ng silid ko. Magpahinga ka na rin.”

Akmang tatalikod na siya nang hawakan ni Hale ang braso niya.  Napaharap siya rito habang gulat na gulat.

Sinalubong siya ng madilim na ekspresyon ng mukha ni Hale. Napatingin ito sa ibabang labi niya at ganoon na lamang ang paglaki ng mga mata niya nang yumuko ito at halikan ang labi niya.

Sa pangalawang pagkakataon ay muli nitong hinalikan ang labi niya at katulad ng dati ay para na naman siyang naestatwa sa kinatatayuan niya. Hindi siya nakakilos at nanlalaki ang mga mata niya. Ang mabilis na pagpintig ng kaniyang puso ay muli na naman niyang naramdaman. Matagal ang halik ni Hale at tila tinutukso siya nang bawat paggalaw ng labi nito. Ipinikit niya ang mga mata at dinama ang pagdampi ng labi nito sa labi niya.

Bakit parang kaysarap sa pakiramdam? Ngayon lang niya naramdaman ang bagay na ito sa ikalawang pagkakataon at si Hale na naman ang nagparamdam niyon sa kaniya. Nalalasahan niya pa ang alak sa bibig nito ngunit hindi niya alintana iyon at hinayaang magpatuloy ang halikan nilang dalawa. Ramdam niya ang mga kamay ni Hale na humahagod sa likod niya at pagkatapos ay unti-unting bumababa ang kamay nito papunta sa maliit niyang baywang.

Si Hale ang unang pumutol ng halikan nilang dalawa. Namumula ang mukha nito nang pakawalan ang labi niya. Tila hirap na hirap itong tumingin sa kaniya nang pakawalan ang labi niya.

“H-Hale, may problema ba?” tanong niya rito. Nababasa niya ang pagpipigil nito ng emosyon.

“Pumasok ka na sa silid mo habang kaya ko pang timpiin ang sarili ko.”

Hindi niya lubos maunawaan kung bakit parang hirap na hirap ito. Gusto niya pa sanang tanungin kung bakit siya nito hinalikan pero muli itong nakiusap sa kaniya na sundin na lamang ang sinasabi nito.

“Please Diwata, j-just go to your room bago pa ako makalimot. This is fucking wrong!”

Sinunod na lamang niya ang gusto nitong mangyari kahit madami pa sana siyang gustong itanong dito.

Napilitan siyang pumunta sa silid niya dahil iyon ang kagustuhan nito at isa pa ay tumaas na ang tono ng pananalita nito. Naguguluhan man siya ay isang bagay lang ang malinaw sa kaniya, iyon ay ang paghalik nito sa labi niya. Bigla tuloy siyang napaisip kung normal pa ba ang bagay na iyon? Noong nabubuhay pa ang mga magulang niya, lagi nitong sinasabi sa kaniya na dapat daw ay magpapahalik lang siya sa taong mahal niya at may mabuting hangarin sa kaniya tulad ng asawa niyang si Lee. Ngunit naguguluhan na siya ngayon dahil kung totoong mabuting tao ang asawa niya ay dapat hindi siya nito niloloko. Mabuting tao pa nga ba ang lalaking pinakasalan niya? Dapat ba niya ulit itong tanggapin? Pero bakit tila hindi na sumasang-ayon ang isipan niya sa bagay na iyon? Bakit parang iba na ang sinasabi ng kaniyang puso?

Naupo siya sa kama ng kaniyang silid at ilang sandali na nakatulala lamang siya habang iniisip ang lahat ng mga nangyari. Lumalambot ang puso niya sa tuwing naaalala niya si Lee, pero nakakalimutan na ba niya na mayroon itong ibang babaeng naanakan? Siya ang asawa nito ngunit may anak na ito sa ibang babae, parang binibiyak ang puso niya kapag naaalala niya ang mga tagpo kung saan niya nakita ang nanay ni Lee kausap ang babaeng nabuntis ng asawa niya. Kung may ibang babae ng naanakan si Lee, paano na siya ngayon? Ano na ang papel niya sa buhay ng asawa niya? Nararapat pa ba siyang maging kabiyak nito? Siya dapat ang babaeng magbibigay ng anak dito pero naunahan na siya ng ibang babae.

Bumuntong-hininga na lamang siya at nahiga sa kama habang nakatingala sa kisame. Si Hale naman ang sumagi sa isipan niya ngayon, kapag kasama niya ang lalaking ito kahit na ubod ng sungit ay pakiramdam niya ligtas siya sa piling nito, na tila ba hindi siya mapapahamak basta kasama niya ito.

Napangiti siya nang maalala ang araw na una niya itong nakita at napagkamalan pa niyang artista dahil kamukha naman talaga nito si Jericho Rosales. Kahit ganoon kasungit si Hale ay nagpapasalamat pa rin siya sa lahat ng tulong na binigay nito sa kaniya. Kampante siya sa piling nito. Alam niyang dadating ang araw na kailangan na niyang umalis sa poder nito upang bumalik sa kanila, pero sa ngayon ay hahayaan niya muna ang sarili na manatili sa lugar nito.

Hinawakan niya ang labing muling nadampian ng halik ni Hale kanina. Bakit iba ng pakiramdam niya? Hinahalikan din naman siya ng asawa niya pero hindi naman bumilis ng ganito kabilis ang puso niya. Sobrang bilis ng tibok ng puso niya at ramdam na ramdam niya pa rin ito kahit na magkahiwalay na sila ni Hale. Narito na siya sa sariling silid niya na ibinigay sa kaniya ni Hale upang siyang maging tulugan niya. Bakit nga ba kakaiba? Dahil ba mas madalas siyang halikan ng asawa niya sa noo at pisngi lang?

GRACE UNDER FIRE (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon